Part 15

759 50 4
                                    

"O, BAKIT tahimik yata dito?" bati sa kanila ni Catherine.

"Kain na," alok niya dito. "Where's Santi?" Masigla ang tinig ni Adrienne. Parang bumabawi iyon sa halos maghapong pananahimik niya.

"Himala. Hindi yata kayo magkasama ngayon?" kulang naman sa sigla na wika ni Seb. "Anong pagkain ang dala mo, sis in-law?"

"Pinakbet. Na-master ko na ang pagluluto nito, Seb. At natututo na rin akong kumain ng okra. Masarap naman pala. Lalo na kapag iyong pinasingawan lang sa sinaing. Masarap!" Nakidulog na ito sa mesa. "Nasa duluhan pa si Santi. Pinauna na akong pumunta dito. Ito palang dulo ng Sitio Pattiqui, ilog? Nag-bangka kami. And you were right, Seb. Noong sinabi mo sa akin noon ang tungkol sa ilog sa likod-bahay sa Dana-ili. At ang dami pa naming dinaanang sanga-sangang sapa!"

Ngumiti si Seb. "See? Sabi ko na sa iyo, eh. Dito, maraming means of transportation. Puwedeng by land. Puwedeng bangka. Kapag nagbangka ka, puwedeng sa ilog ka dumaan. Kapag malaki ang motor, puwede ka ring pumalaot diyan sa dagat. Sa mismong tapat na ng beach house ang baba mo."

"Next time, I'll tell Santi na sa dagat naman kami dumaan."

Dumaan ang ilang sandaling katahimikan sa kanila. Tunog lang ng kubyertos ang maririnig.

"I'm puzzled," wika uli ni Catherine. "Bakit iba yata kayo ngayon. Nag-away ba kayo?"

"Hindi, ah!"

"No."

Magkasabay na magkasabay pa nang sumagot sila. At nakita nilang ibinaling ni Catherine ang mata sa bubong. Sa itsura ay hindi naniniwala sa kanila.

Wala namang balak na mag-elaborate si Adrienne. Tama naman ang isinagot niya. Hindi naman sila nag-away ni Sebastian. Iyon nga lang halos buong araw na rin silang hindi nag-uusap. Mula nang mangyari ang eksenang iyon sa dagat, halos magkulong na siya sa kanyang kuwarto.

Ilang beses siyang kinatok ni Seb ngunit nagmatigas siya na hindi ito pagbuksan. Ang nangyari ay nagtiis na lang si Seb na kausapin siya sa kabilang panig ng pinto. Noong una ay nagpapaka-kengkoy pa ang binata. Pero nang singhalan niya ito ay nagseryoso rin. Kung ilang beses din itong nag-sorry pero nagbingi-bingihan siya.

Matagal bago siya lumabas ng kuwarto. Kung hindi pa sa tawag ng pangangailangan ay hindi siya lalabas. At noon niya natuklasan na hindi naman nagpakamartir nang husto si Seb. Sabi ni Manang Ising, umalis din daw ang binata.

Kung saan ito nagpunta ay hindi niya alam. Pero nang magkulong uli siya sa kuwarto, hinahanap-hanap din niya ang pangungulit ni Seb. Hapon na nang bumalik ito. Natuwa siya pero hindi niya ipinahalata. Dahil kung malalaman ni Seb na na-miss niya ito, malamang sa hindi na alaskahin na naman siya nito.

Ni hindi niya inabala ang sarili na itanong kung saan ito nanggaling. Basta nang dumating ay inaya na siyang kumain. May dala itong lutong-ulam.

Mag-usap dili sila sa harap ng mesa. Tila nagkaroon lang ng buhay ang paligid sa biglang pagdating ni Catherine.

"Hello, everybody!" buhat sa service door ay bumungad si Santi. "Mahaba pa rin ang paa ko. Umabot pa ako sa hapunan." Tumabi ito ng upo sa asawa.

"Kain na," alok na naman niya.

"Actually, iyan nga ang balak namin ni Catherine. Ang makikain dito. Pero nahihiya nang kalahati itong misis ko kaya nagluto muna ng babauning ulam. Sigurado naman ako na maraming kanin dito. Dito na yata nakitira iyang si Sebastian, eh."

"Sweetheart, wala ka bang napapansin?" wika ni Catherine dito. "War yata iyang dalawang iyan, eh. Kanina pa ako dito. Hindi iyan nagpapansinan."

"Uh-huh?" ungol naman ni Santi at bumaling sa kanilang dalawa. "Ano kayong dalawa, may LQ?"

"Makikain ka na lang kung makikikain ka," supladong sagot dito ni Seb.

"Oh, wala ka pa palang pinggan. Sorry," sabi naman niya at nagtangkang tumayo.

"Don't bother, Ayen. Ako na ang bahala. At home na kami dito, eh," wika naman ni Catherine na siya nang kumuha ng pinggan.

Sadya niyang binagalan ang pagkain upang mag-antabay sa mag-asawang nagsisimula pa lang kumain. Wala namang kaso sa kanya kung palagi man niyang bisita ang mga ito. Mas gusto nga niya iyon. pakiramdam niya, mas lalo silang nagiging magkaibigan ni Catherine kapag pinupuntahan siya ng mga ito.

Pero sa partikular na pagkakataong iyon ay tila maramot ang anumang paksa sa kanilang lahat. Naging kapansin-pansin ang katahimikan sa paligid nila. Si Sebastian na inaasahan nang palaging magulo at mapang-asar ay tila natahi ang bibig.

"Sa totoo lang, ha?" ani Santi nang patapos nang kumain. "Mukha nga kayong may LQ."

"Anong LQ?" nakataas ang kilay na sagot ni Catherine dito. "Bakit sila magkaka-LQ? May relasyon ba sila?"

Bigla silang nagkatinginan ni Seb.

--- itutuloy ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon