Random

2K 58 2
                                    

NAPABALIKWAS ng bangon si Ayen nang marinig ang sunod-sunod na katok sa pinto ng kuwarto niya. Hindi pa man niya ganap na naididilat ang mga mata ay kinakapa na ng paa niya ang kanyang tsinelas. Walang tigil ang katok. Sa pandinig niya ay tila nais nang gibain ng kumakatok ang kanyang pinto.

"Bakit?" tarantang tanong niya at nagulat nang ang mapagbuksan niya ay si Seb.

Isang matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya. "Good morning, Adrienne!"

Nanlaki ang mapupungay pa niyang mga mata dahil sa antok. "God! Ginising mo lang ako para mag-good morning?"

"Saka para mag-almusal! Tara na sa kusina ninyo. Ang sarap ng inihandang pagkain ni Manang Ising."

Umiling siya. "Ayokong kumain. Inaantok pa ako." Pero bahagya pa lang siyang nakakatalikod ay nangahas nang pumasok si Sebastian sa silid niya.

"Alas dies na ng umaga, mahal na prinsesa!"

"Ang tanong, anong oras ba ako natulog? Hatinggabi na nang matapos ang kasayahan kagabi. At nagligpit pa rito sa bahay. Alas dos na ako nakatulog, Seb!"

"So? Alas dies na ngayon. Masama pa ba sa iyo ang otso oras na tulog?"

"Pero nag-drive ako halos buong maghapon kahapon! Ngayon pa lang ako nakakapamahinga!"

"At ako, nakapagbaba na ng troso buhat sa Calanasan. Ilang araw din akong walang pahinga dahil sa kasalang iyon. Tumulong akong magtayo ng kubol."

"Iba ka naman sa akin! Malakas ang resistensya mo. Gusto ko pang matulog, Seb. Ikaw na lang ang kumain kung gusto mo."

Hinatak siya ng binata. "Ang sama ng ugali mo. Tara na, mag-almusal na tayo. Mamamasyal tayo pagkatapos!"

"Wala pa ako sa mood mamasyal! Gusto kong mamahinga," sagot niya.

"Sige na, Ayen. Ako naman ang magda-drive. Saka mahaba na ang naging tulog mo. Na-recharge ka na kumbaga."

"Bakit ba ang kulit mo? Bakasyon ko ito. Ako ang dapat na nagpaplano kung ano ang gusto kong gawin."

"Ako ang tour guide cum alalay at bodyguard mo. Bilang tour guide, ako na rin ang may trabaho na mag-isip ng itinerary mo."

"Masaya ka!" asik niya dito.

"Actually, hindi masyado. Break na kami ni Rosette."

Natigilan siya. Hindi niya alam kung nagbibiro ba ang binata o seryoso ito. Mas pinili niyang magtanong upang makatiyak. "Baka ginu-goodtime mo lang ako?"

"Nag-break kami kagabi," saad nito.

"Bakit?" tanong niya na tila mas atas ng kuryusidad kaysa simpatya.

Tinitigan siya ni Sebastian. "Sumama ka na sa aking mamasyal. Sasabihin ko sa iyo kung bakit."

Pinandilatan niya ito ng mga mata. "Sebastian, niloloko mo lang yata ako, eh!"

"O, Seb, ginising mo na pala iyang si Ayen. Bumaba na kayo at masyado nang lalamig ang pagkain," sabad ni Manang Ising.

At dahil alam niyang hindi rin siya titigilan ni Sebastian, siya na ang nagpatiunang dumulog sa hapag.

"Para kang hindi pinalaking prinsesa, Ayen. Nandiyan ka na sa mesa, hindi ka pa nagmumog man lang," tudyo nito sa kanya.

"Tange ka pala, eh. Iyon ngang tunay na prinsesa, breakfast in bed palagi! Saka fresh breath naman ako kahit bagong gising! Alaga sa dentist ang ngipin ko, 'no! Saka nag-mouthwash pa ako kagabi after ko mag-toothbrush."

"Ows? Talaga? Proof nga?"

"Anong proof?"

"Paamoy ng bibig mo."

Napanganga siya. Hindi dahil inayunan niya ang sinabi ni Seb kundi dahil nabigla siya sa narinig. At sa wari ay desidido si Seb sa sinabi. Dumukwang ito sa kanya kaya naman bigla rin niyang itinikom ang bibig.

"Ah, duwag ka pala sa challenge, eh," ngisi sa kanya ni Seb at umayos na ito ng upo.

"Tumigil ka nga riyan. Kung makaarte ka, mukhang hindi ka naman nawalan ng girlfriend. Manang Ising, kain na ho," baling niya sa matanda.

"Tapos na ako kanina pa. Maiwan ko na kayo dito. Marami pang ligpitin sa labas."

"Manang, hayaan ninyo na iyon." Si Seb ang nagsalita. "May mga inutusan naman si Papa na maglilinis ng bakuran. Mag-relax na lang kayo."

"Ano bang relax? Hindi ako sanay na walang ginagawa. Kumain lang kayo nang kumain diyan. Ako na ang bahalang magligpit mamaya." At iniwan na rin sila nito.

--- - ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

Places & Souvenirs - CAGAYAN 2 - You Belong To Me, I Belong To YouWhere stories live. Discover now