Alas kuwatro. Madaling araw.
Papalabas na ako ng aking bahay para pumasok sa trabaho nang bigla akong makaramdam na may kakaiba. Parang may nakatitig sa gawi ko?
Napalingon-lingon ako sa paligid hanggang sa masumpungan at makatitigan ang matang tutok na tutok sa akin. Hindi ko mawari kung bakit gano'n na lamang ako titigan ng lolo na nasa pansitan ni Aling Marites.
Biglang nagsitayuan ang balahibo ko. Mukhang hinuhusgahan niya ang buong pagkatao ko sa paraan ng pagtitig niya.
Dali-dali kong kinandado ang pinto ng aking bahay at patakbong nilisan ang lugar na iyon.
Nakasakay na ako sa bus pero 'di ko pa rin magawang makampante. Hindi kasi...a-ano...'yong lolo kanina, 'yong mata ng lolo kanina, iba 'yong posisyon.
Hindi naman talaga sa gawi ko'yong direksyon ng mukha niya - nakatagilid siya sa madaling salita. 'Yon nga lang 'yong mga mata niya hindi pangkaraniwan ang kinalalagyan - malayo sa isa't-isa. Ang pangit tingnan. 'Di ko alam kung matatawa ba ako o makakatakot.
Hinaplos ko ang magkabilang braso para ikalma ang mga nagsitayuang balahibo.
Sana naman mamaya 'di ko na siya maabutan pag-uwi ko.
HALOS puno na ang loob ng bus. Bakit kaya 'di pa 'to pinapaandar ng driver?
"Pasensya po. May biglang pumara kasi. Saglit lang," pagpapaumanhin ng konduktor.
Kaliwa't-kanang reklamo at pagkadismaya ang naririnig ko. 'Yong iba nagmumura na.
Napamura na lang din ako sa aking isipan. Ma-l-late na ako.
Ngunit sabi nga nila, huwag mong problemahin ang problema at matutong ituon sa ibang bagay ang iyong isip.
Walang ano-ano'y biglang napako ang tingin ko sa isang pasahero. Ang ikli ng short niya at sobrang maraming balat ang kaniyang ibinibida. Oo na, makinis at maputi siya pero 'di man lang ba 'to tinuruan ng magulang kung paano manamit? Parang pokpok.
Inilipat ko ang tingin sa kasunod na pasahero. Naka-unipormeng pang-eskwela ang batang ito. Medyo namangha ako dahil 'di siya nababahala na ma-late sa kaniyang klase. Pero nangibabaw 'yong inis ko nang makitang ngi-ngiti-ngiti ito sa harap ng selpon. Naku, may boyfriend na agad kay bata bata pa.
Napalingon ako sa parteng likuran nang biglang may batang umiyak nang pagkalakas-lakas. Kita ko kung gaano nahihirapan ang lalaking siyang kumakarga dito.
Tsk. Tsk. Kawawa naman ang isang 'to, mukhang iniwan ng asawa, tuloy hirap na hirap siya ngayon pakisamahan ang anak niya.
Sa 'di maipaliwanag na rason, bigla akong nakaramdam ulit ng kilabot nang may isang daliring kumalabit sa akin mula sa likod. Awtomatikong napalingon ako.
"Miss, may naghahanap sa 'yo sa labas," sabi ng kumalabit sa akin.
"Kanina pa tinatawag, kung saan-saan kasi tumitingin," parinig ng pasaherong nasa tabi ko.
Napakunot ang noo ko.
"Talaga? Ganitong oras may naghahanap sa akin? Sino naman?" sunod-sunod kong tanong.
"Aba'y ewan ko, babain mo na para maka-usad na ang bus na 'to."
Wala akong nagawa kundi babain na lang ang taong naghahanap daw sa akin.
Gayon na lamang ang muling pagtaas ng aking balahibo nang mamukhaan ang lolong ito. Natuod ako sa aking kinatatayuan nang titigan niya akong muli.
Ngumiti ang lolo bago hinawakan ang kaliwa kong kamay. Inihaya niya dito ang parihabang bagay.
Ang wallet ko.
"Ineng, nakita ko 'to sa may pintuan ng bahay mo. Nahulog mo siguro 'yan kanina habang nagmamadali ka."
Uugod-ugod itong naglakad papalayo sa akin.
'Di ko man lamang na-isipan na magpasalamat dahil iniisip kong kinupitan niya ito.
Binuksan ko ang wallet. Napahiya ako sa sarili nang mapag-alamang wala ni-isang sentimo ang nabawas doon.
Unti-unti, napagtanto ko, ako ang siyang tunay mapanghusga.
YOU ARE READING
Ang Tunay na Mapangmata
Short StoryMaikling kwento. Tula. Para sa mga taong mapanghusga...