Chapter 1: Alon

49 3 2
                                    

CHAPTER 1

Alon

Noong pinanganak si Cielo ng nanay niya, maganda raw ang langit na para bang nagdidiwang sa paglabas niya. Maganda raw noon ang porma ng mga ulap. Dapat pa nga, "Sky" ang pangalan niya dahil iyon ang gusto ng tatay niya pero ayaw naman ng nanay niya. Palibahasa, noong ipinagbubuntis siya, nahilig manood ng mga historical movie about sa kasayasayan ng Pilipinas. Ginawa tuloy "Cielo" ang pangalan niya dahil Spanish word iyon sa English word na "Sky".

Sa maputing balat, mamula-mulang pisngi at kulot na buhok ni Cielo, anghel ang turing sa kaniya ng mga magulang at mga kapatid. Noon iyon. Lumaki siyang napakagandang dalaga pero... hindi kasingbuti ng isang anghel na sinasabi nila.

"Ano ga naman iyan, Cielo? Napakasutil mo ga?! Aba'y hindi ka ga magtatanda? Ikaw'y bulbulin na pero kung makipagbardagulan sa mga kaklase, parang ulaga, e!" Tuloy-tuloy ang sermon sa kaniya ng nanay niya habang magkatulong na naghahain sa hapag para sa hapunan.

Ayaw naman ni Cielo ipatawag ng guidance counselor ang nanay niya. Kahit naman pasaway siya, nahihiya pa rin siya sa nanay niyang suki ng guidance office simula elementary siya. Kailangan lang talaga dahil pangtalong beses niya na iyon na isinugod sa office na iyon. Pinagbantaan na siyang ida-drop sa school.

"Ano ga na namang nangyayari kay Cielo, Inay? Ikaw'y maghinay-hinay at baka ikaw'y ma-high blood pa." Umupo ang Kuya Isagani niya sa upuan at nagsimulang kumuha ng pagkain. Sa bahay nila, kung favorite siya ng tatay niya, si Isagani naman ang favorite ng rapper niyang nanay. Magaling kasi sa klase ito at hindi pasaway katulad niya. Sa sobrang talino nga ng kuya niya, scholarship at mga unibersidad na ang humahabol dito. Ang binata na lang ang bahalang pumili. Sa Maynila ang unibersidad na gustong pasukan nito at hindi man lang tumutol ang mga magulang nila kahit malayo pa nga sa Batangas. May mga kamag-anak naman ang pamilya nila sa Tondo.

Tumingin sa kaniya ang kuya niya at napailing. "Ano naman ga ang iyong ginawa sa eskuwela?"

Umupo na rin si Cielo at kumuha ng pagkain. "Hindi naman ako ang nagsimula. Sila naman..."

Napailing ulit ang kuya niya at tumingin sa nanay nila. "Inay, anong sabi ho ng mga iyon tungkol sa kapatid kong are?"

"Nakipagsabunutan sa mga kaklase niya. Pamangkin pa naman ni Pangulo Alvaro ang isa," kuwento ng nanay niya sa kapatid niya.

"Bakit mo ga ginawa iyon?" tanong sa kaniya ng kuya niya.

"Ako'y tinawag na malanding tomboy. Sino ga namang hindi mag-iinit ang ulo sa ganoon? Mabuti nga, sabunot lang aking ginawa at hindi ko pinatikim ng aking suntok." Kinain niya ng buo ang kamatis na hawak sa sobrang inis.

Unang-una sa lahat, hindi tomboy si Cielo. Hindi siya parang babae kung kumilos pero ano bang pakialam ng mga tao? Doon siya komportable. Mas komportable siya kapag jersey short at shirt ang suot niya kaysa magbestida. Mas gusto niya pang magpulbo na lang kaysa maglagay ng kung ano-anong kolerete sa mukha niya.

Pangalawa, hindi malandi si Cielo. Kasalanan niya bang maraming nanliligaw sa kaniya sa school? Wala nga siyang tipo kahit isa sa mga iyon pero ang mga babae sa kanila, iba ang tingin sa kaniya. Natatawa pa nga siyang hindi na nga siya nag-aayos at parang lalaki pang kumilos at pumorma pero may nagkakagusto pa rin.

Sabagay, alam naman yata ng lahat sa nayon na babae naman talaga siya. Mas close lang talaga siya sa tatay niya kaya ganito siya lumaki. Hindi tuloy siya malapit sa mga kaklase niyang babae. Isa nga lang ang close niyang babae at kababata niya pa. Dahil sa pagiging mas malapit sa mga lalaki, may mga nanghuhusga pa rin sa ugali niya at pagkatao niya na wala naman siyang pakialam.

Bisaya Batangueña FlamesWhere stories live. Discover now