Part 19

1K 56 0
                                    

HINDI umuwi si Ted sa mansyon nang gabing iyon. Bagaman sinabi ni Sylvia na malamang na sa sarili nitong condo unit umuwi ang binata ay hindi pa rin siya mapakali. Nakahiyan naman niya itanong kay Sylvia kung paano ito makokontak sa condo nito.

Walang iniwan sa isang musoleo ang mansyon sa mga sumunod na araw. Damang-dama roon ang kalungkutan. Ang mga katulong ay tila walang sigla sa pagkilos. Si Sylvia ay patuloy sa trabaho nitong asikasuhin ang bahay pero bakas din dito ang pagluluksa.

"Hindi na matutuloy ang party," sabi ni Shirley. Of course, alam na nilang lahat iyon. Naisip niyang sinabi lang din iyon ng tiya upang mayroon silang mapag-usapan man lang.

"Hindi pa rin umuuwi si Ted," sabi naman niya, malayo sa paksang binuksan ni Shirley.

"Wala tayong magagawa kung gusto niyang mapag-isa. Sabi ni Sylvia, nakausap daw niya si Luchie. Pumupunta din naman daw sa LGC si Ted pero sandali lang. Para lang pirmahan ang mg importanteng tseke at papeles pagkatapos ay umaalis din."

"Hindi man lang siya gumawi dito," hinagpis niya.

"Unawain mo na lang iyong tao. Nagluluksa, eh. Bukas, makikita mo rin iyon. Darating siyang tiyak."

Bahagyang nanlaki ang mga mata niya. "Paano mo nalaman?"

"Kay Sylvia. Bukas daw ang schedule ng pagpunta ng abogado dito upang basahin ang last will and testament ni Don Maximo. Ibinilin din ni Sylvia na kasali tayong haharap sa baogado kapag binasa iyon."

Tumango lang siya.

"Iniisip ko kung paano na tayo ngayon. Babalik na siguro tayo sa Tayuman. Nakakahiya namang nandito pa tayo, eh, wala na si Don Maximo. Siya ang nagpatira sa atin dito."

"That's life," sagot lang niya.

Dahil damang-dama naman niya ang ibayong lungkot saan mang bahagi ng mansyon siya pumunta, naisip niyang magkulong na lamang siya sa silid. Hindi niya alam kung alin ang mas mabigat sa pakiramdam niya. Ang pagkamatay ni Don Maximo na natutuhan na niyang mahalin bilang abuelo o ang biglang paglayo ni Ted sa kanya.

Gusto man niya itong unawain ay umiiral ang natural niyang damdamin. Sa pakiramdam, ngayong nagluluksa sila pareho ay mas dapat pa ngang hindi sila maghiwalay. Kailangan nila ang isa't isa, iyon ang paniwala niya.

Ang alam niya, mas magaan sa kalooban kung sa tuwing mapapaiyak siya kapag naiisip niya si Don Maximo ay naroon lamang sa tabi niya si Ted at karamay niya.

Mas madali sigurong ilabas ang lahat ng paghihinagpis niya kung naroon lamang ang balikat at dibdib ni Ted upang sandalan niya.

At handa din naman siyang ilapit ang sarili dito kung kailangan nito ng balikat na maiiyakan.

"Jessica," katok ni Sylvia.

"Bukas iyan," aniya. "Pasok ka."

"Gusto sana kitang kausapin," sabi nito nang makapasok.

"Tungkol saan?"

"Sa iyo at kay Ted."

Napatitig siya dito. "Bakit?"

"Wala akong pansariling intensyon sa sasabihin ko sa iyo, Jessica. Concerned lang ako sa iyo. Alam mo na, naging magkaibigan na rin kami ni Shirley at nagkakakuwentuhan. Nabanggit niya sa akin na masyado na kayong malapit ni Ted sa isa't isa. Noong gabing magkakasalo tayo sa hapunan, nakumpirma ng nasaksihan ko ang kuwentong iyon ni Shirley."

Hindi siya kumibo. Showy naman talaga si Ted sa paghawak-hawak sa kanya. Pero ngayon lang din niya natanto, walang linaw ang kung anumang namamagitan sa kanila. Hindi binubuksan ni Ted ang paksa tungkol doon.

"Hindi ko sinasadyang marinig ang pag-uusap ng maglolo noong gabing ipinakilala kayo kay Ted. Sa salita ni Don Maximo ay parang gusto ka niya para kay Ted. At mukha ngang nang sumunod na araw ay naging masunurin si Ted. Dinalhan ka pa nga niya ng bulaklak, hindi ba?"

Napatango siya pero tila unti-unti ring tumigas ang kanyang mukha.

"Likas na bohemyo si Ted. Maraming nagdaang babae sa kamay niya pero hindi niya pinakasalan. Sabi niya, wala siyang balak magpakasal. Jessica, ayoko lang na masaktan ka. Baka mahulog nang husto ang loob mo kay Ted pero iiwan ka rin niya. Isa pa, naisip kong baka pinagbigyan lang niya si Don Maximo kaya nakipaglapit siya sa iyo. Gusto niya marahil bigyan ng kasiyahan ang matanda dahil alam niyang may malala na itong sakit." Napabuntong-hininga ito. "Sabagay, mukhang nagtagumapy siya doon. Kitang-kita kong natuwa ang matanda nang tila aminin ni Ted—sa mismong harapan namin ang tungkol sa inyo."

Napakurap lang siya kay Sylvia. Kakaibang sakit ang umatake sa dibdib niya dahil sa mga narinig.

"Huwag kang magtaka kung biglang nagbago si Ted. Wala na si Don Maximo kaya maaaring tapos na rin ang palabas niya."

"Ginamit niya ako," puno ng sama ng loob na wika niya.

Tiningnan siya ni Sylvia ng may pagsimpatya. "Bababa na ako. May aasikasuhin pa kasi ako."

Tumango siya. "Salamat."

Nang kabigin ni Sylvia pasara ang pinto, bumukal ang masaganang luha mula sa kanyang mga mata.

SINARILI ni Jessica ang sama ng loob. Bagaman gusto niyang ihinga iyon kay Shirley ay ipinasya niyang sarilinin na lamang iyon. Kinabukasang dumating si Ted, sinadya niyang nasa loob siya ng kuwarto upang hindi siya mapilitang makiharap dito. Hindi niya alam kung paano ito pakikiharapan gayong alam na niya ngayong ginamit lamang siya nito.

"Jessica, nariyan na ang abogado," tawag sa kanya ni Sylvia. "Nasa library na ang lahat. Tara na doon."

Tumango siya at kumilos na. Sa library, lahat ng katulong sa bahay na iyon pati si Luchie ay nakaharap din sa abogado. Pero iisa lang ang mayroong matinding dating ang presensya sa kanya.

Si Ted.

Pagbungad pa lang niya ay alam na niyang nakatutok ang tingin nito sa kanya. Nagkunwa naman siyang nakatingin sa lahat, iwas na iwas na magtama ang kanilang mga mata.

Nagbigay-galang siya sa abogadong ipinakilala sa kanya ni Sylvia bago siya naupo.

"Uumpisahan ko na ang pagbasa," tikhim ng abogado.

Inuna nito ang mga halagang iniwan ni Don Maximo sa bawat isa sa mga katulong nito sa bahay. Binanggit din ang halangang iniwan kay Sylvia at Luchie bukod pa sa benepisyong matatanggap ng mga ito bilang empleyado ng LGC. Kapwa napaiyak sa pasasalamat sina Sylvia at Luchie.

"Gaya ng alam na ng lahat, ang mansyong ito at ang lahat kong ari-arian ay naisalin ko na sa pangalan ng aking apo, si Teodoro Legaspi. Subalit binibigyan ko rin ng pribilehiyong tumira sina Shirley at Jessica sa mansyong ito hanggang sa panahong nais nila.

"Si Jessica ay magpapatuloy pa rin sa pag-aaral gamit ang halagang inilagak ko sa bangko. Si Shirley ay makakatanggap ng buwanang allowance na sampung libong piso. At iniiwan ko rin kay Jessica ang buong halaga ng isang time deposit account ko sa isa pang bangko." Tiningnan siya ng abogado.

Tumango siya ng may pasasalamat. Hindi niya inaasahan iyon. Ang totoo, wala siyang inaasahang kahit ano. Inalis na nga rin niya ang posibilidad na makapagpatuloy ng pag-aaral dahil sa biglaang pagkamatay ng matanda.

Inihanda na niya ang sarili na babalik na sila ng tiya sa dati nilang buhay.

"At sa iba ko pang pag-aari, ipinagkakaloob ko kay Ted ang lahat ng karapatan na pamahalaan iyon." Isinara na ng abogado ang folder. "Hayan ang kopya mo, Ted. Wala naman siguro kokontesta sa desisyong ito ni Don Maximo?"

Umiling si Ted. "Maraming salamat, Attorney."

Nag-alisan na ang mga katulong. Sina Sylvia at Luchie ay magkasama ring lumabas upang ihatid ang abogado. Sumunod ditong tumayo si Shirley.

Kumilos siya upang lumabas na rin. Subalit pinigil siya nang mahinang pagtawag ni Ted.

--- tatapusin ---

Maraming salamat sa pagbabasa.

Facebook Page : JasmineEsperanzaAuthor

Booklat | Dreame : Jasmine Esperanza

Instagram | Twitter | Tumblr : jasmineeauthor

My Shopee Shop : MicaMixOnlineDeals

JessicaWhere stories live. Discover now