Minsan

18 3 0
                                    

Minsan, naiisip ko na sana... may kakayahan akong basahin ang isipan ng tao. Para kahit gaano pa kasakit kasakit ang mabasa ko, ako na mismo ang gagawa ng paraan upang magpakalayo. O kaya naman, ako na mismo ang gagawa ng hakbang, upang maisakatuparan ang anumang nais nila.

Nakakapagod mag-isip. Pakiramdam ko'y palihim akong kinukutya ng mga taong nakapaligid sa akin. Nakakapagod mag-isip, oo... Patawad kong nagkakaganito ako.

Hindi naman ako parating ganito, sadyang minsan pakiramdam ko'y hindi sapat ang ipinapamalas ko. Ibinuhos ko na ang lahat ng natitirang lakas subalit sa tuwing nakikita ko ang mga mata nilang tila nangungutya, nanlulumo ako.

May mga dapat pa ba akong isakripisyo? Mga bagay na dapat kalimutan at bitawan para lamang magustuhan? Mga bagay na dapat pagtuunan ng pansin, para makita ng lahat na kahit paano... Napapagod din ako matapos gawin ang lahat ng makakaya ko.

Paminsan-minsan kahit ang pumikit ay isang malaking kamalian. Bawal ang magpahinga dahil ang pagod na nararamdaman ay kulang pa. Ah, oo nga pala. Sa katunayan niyan, hindi naman talaga napapagod ang aking katawang-lupa, pero ang kaluluwa ko'y nais ng mamahinga, magpaalam o kaya maglahong bigla. Ganoon ang uri ng pahinga na gusto ko. Kapayapaang kakaiba.

Totoo! Positibo naman ang aking pananaw, perspektibo o personalidad. Hindi pilit, dahil bukal sa loob ko iyong madalas kong ipinahahayag. Ngunit, kapag napagod at maubos ang enerhiya, nariyan ang pakiramdam na kakaibang lungkot... ayaw rin mamahinga.

Nakakatawa. Nakakapagod ng mag-isip. Gusto ko ng mamahinga.

Ang Mga TulaWhere stories live. Discover now