Pagsisisi at Pagbabago

1 0 0
                                    


“Nagsisisi ka na ba?”

Minsang naging tanong ko sa kaniya. Kitang-kita ko sa mata niya ang kalungkutan.

“Wala akong karapatang magsisi,” tanging sagot niya. Kababakasan ng kalungkutan ang tinig niya. Masiyadong mahina ang boses niya kumpara sa natural na tunog niyon.

“Pero nararamdaman 'yan. Hindi 'yan kung may karapatan ka o wala. Nasa iyo 'yan. Kung nararamdaman mo o hindi. Uulitin ko. Nagsisisi ka na ba?” muli kong tanong.

Gusto kong malaman kung may lugar pa nga ba ang pagsisisi sa kaniya. Naroon kasi ako, noong mga panahong sinasabihan siya ng mga salita ngunit tinatawanan niya lang. Naroon ako.

“Nagsisisi? Siguro, oo. Nakakapanghinayang. May pagkakataon kasi ako noon, pero hindi ko ginawa. Hindi ko magawa. Wala akong kakayahang gawin 'yon. Nagsisisi ba ko? Masiyado nang marami ang pinagsisisihan ko para dagdagan lang.” Kitang-kita ko kung paanong kumuyom ang mga palad niya. Dahil sa labis na panghihinayang, dahil sa. . .
hindi malamang dahilan. Naiintindihan ko siya.

“Ano ba ang pinakamalaki mong pinagsisihan?”

Di ko na napigilang itanong. Alam kong may mga pinagsisisihan ang bawat isa, may hihigit sa lahat na hindi maaaring ibahagi ngunit hinihiling ko nang araw na iyon, sana magsabi siya.

“Pinakamalaki? Hindi ko masasabi. Pero may isa akong pinagsisihan na naging ugat ng mga sumunod pa. Isang bagay na kung una pa lang mayroon na ko, baka hindi ako naging ganito. Ang sakit-sakit lang kasi may pagkakataon ako noon, sila. May pagkakataon silang itama ang lahat una pa lang, pero hindi nila ginawa. Hinayaan lang nila. Ngayon, nadadamay na kami, masiyado na sigurong huli. At kung hindi pa rin magawan ng paraan 'yon ngayon, hindi ko na talaga alam ang mangyayari sa akin. Nakakapagod lang kasi.”

Tuluyang tumulo ang mga luha niya. Ramdam ko ang bigat, hindi ko man alam ang tinutukoy niya, ramdam na ramdam ko.

“Bakit ngayon mo lang sinasabi 'yan?” tanong ko.

“Kasi, naisip ko. Baka nga tama sila. May paraan naman, pero di ko ginawa noon. Kaya pa, pero di ko sinubukan. Baka nga kasi tama 'yong sinasabi ng mga kaibigan ko. Masiyado akong naging tamad at walang pakialam. Pero hindi ko kasi talaga masabi. Hindi ako tamad, hindi sa wala akong pakialam. Nakakawalang gana lang kasi talaga. Alam mo iyong. . . alam mo 'yong ugat pero hindi mo nagawan ng paraan, kaya lumaki nang lumaki iyong problema. Hindi nila maintindihan. Kahit siguro sabihin ko, hindi nila maiintindihan. Siguro, maiintindihan nila. Pero iyong pang-unawa? Baka hindi nila makuha ang pinupunto ko.”

Muli ko na namang naalala kung paanong sinasabi nilang tamad siya kaya di siya kumilos, wala siyang pakialam, kesyo marami lang siyang palusot, ayaw lang gumawa ng paraan. Naroon ako. Kitang-kita ko kung paanong tinawanan niya lang sila, isinawalang bahala ang mga narinig, kahit na ang totoo'y nais niya na lang umiyak, maglaho sa paningin ng mga ito. Kitang-kita ko, kung paanong sa kabila ng panunubig ng kaniyang mga mata, nagawa niya pa ring tumawa.

“Baka naman kasi tama sila?”

Di ko na napigilang isatinig ang naiisip ko. Baka nga kasi tama sila tungkol sa kaniya? Ngunit alam ko namang hindi. Gusto ko lang malaman ang reaksyon niya.

“Kung magkaganon nga, ayoko nang makaramdam pa ng pagsisisi. Tama man sila o mali, magsisisi at magsisisi pa rin ako. At ayoko nang maramdaman iyon. Natatakot akong sabihin sa kanila, kasi baka nga tama sila. Baka nga masiyado lang akong nag-iisip. Baka sa huli, ako iyong hindi nakaiintindi,” tanging sagot niya bago tuluyang umalis.

Alam ko, nang mga sandaling iyon, ayaw niyang maging mahina. Gustong-gusto kong sabihing naiintindihan ko siya, huwag siyang matakot dahil nauunawaan ko siya. Ngunit hindi ko na nasabi pa.

Alam ko, ano man ang sabihin ko, hindi na magbabago pa ang isip niya. Itinanim niya nang hindi siya maiintindihan ninuman, kahit pa . . .

nauunawaan ko naman siya.

Alam ko, mula nang araw na iyon, nagbago na siya. Hindi na siya ang masiyahing nakilala ko. . .

nagbago na siya.

***
#EEEDiaLibre
#EEEFlashFiction

a villein's memoirWhere stories live. Discover now