PROLOGUE

7 1 0
                                    

MAAGA akong nagising dahil sabi ni Mama ay may bisita kami ngayon. Alam kong mamayang tanghali pa sila darating pero masyado akong excited para hintayin pa amg tanghali. Ang sabi kasi ni Mama'y kaibigan niya pa noong high school siya ang bibisita ngayon. Malamang ay may mga anak din sila na kasing edad ko o mas mabuti ay mas nakatatanda sa akin! Gusto ko na silang makilala para may bago na naman akong kaibigan!

Nang mailigpit ang hinigaan ay dumiretso na 'ko sa banyo para maligo at magsepilyo. Nang matapos naman lahat ng gawain ko sa banyo ay lumabas na 'ko sa kwarto ko at pumunta sa kwarto nila Mama kung saan namamalagi ang nakababata kong kapatid.

"Oh, Luna?" Kalalabas ni Mama sa banyo nang makapasok ako sa kwarto nila. "Maaga ka atang nagising ngayon? Wala ka namang pasok ngayon, anak."

"Opo, Mama! Sabi mo po kasi may bisita tayo, 'di ba? Excited po ako, 'Ma! Ano po bang itsura ng mga kaibigan mo? May anak din po ba sila na kasing-edad ko o mas matanda pa sa akin? Ma--" natigil ako sa pagsasalita nang buhatin ako ni Mama at pisilin ang kaliwang pisngi ko.

"Naku! Napakadaldal talaga ng dalaga ko! At sige, sasagutin ko lahat ng tanong mo. Oo, may bisita tayo ngayon. Hindi ko sila maidescribe pero magaganda ang mga kaibigan ko! Oo, meron sin silang anak pero hindi ko alam kung kasing-edad mo ba o mas matanda sa iyo." Ngiting sagot ni Mama.

"Magaganda po ang mga kaibigan niyo? Ibig pong sabihin kagaya niyo po?" Inosente kong tinitigan ang mukha ng Nanay ko na ngayon ay mas lumawak ang pagkakangiti sa akin.

"Bolera ka talagang bata ka!" Natawa siya at saka nilingon ang natutulog kong kapatid.

Tulog na tulog pa rin ang kapatid ko kahit ang ingay-ingay namin ni Mama, ang galing!

"O siya, paki-bantayan mo muna si Larrah, Luna ha? Magluluto muna ako ng umagahan natin." Sunod-sunod ang naging pagtango ko saka ako ibinababa ni Mama pero bago makalabas si Mama ay may naalala akong itanong uli.

"Ma, si Papa po?" Natitigilan niya 'kong nilingon at nginitian.

"Maagang umalis si Papa para magtrabaho, anak." Tumango ako at hinayaan na siyang lumabas.

"MALAPIT na mga bisita natin dito, anak!" Ngiting-ngiti'ng balita sa akin ni Mama habang nakikipaglaro ako sa kapatid ko sa Sala namin.

"Talaga po?!" Napapalakpak na rin ako sa tuwa at ngumiti rin.

"Oo naman! Halika at bihisan na rin natin si Larrah." Tumango ako at ibinigay naman sa kaniya si Larrah. Kanina pa ako nakabihis dahil hindi na rin ako makapaghintay na makilala ang mga kaibigan ni Mama.

Habang naghihintay matapos bihisan ang kapatid ko ay lumabas muna ako ng bahay at pumunta sa garden namin. Makulay ang garden namin dahil sa iba't ibang uri ng bulaklak at kulay nito pero hindi nakaka-asiwang tignan. Maganda nga ito sa paningin ko dahil bukod si Mama ang nangasiwa sa garden na ito ay na-sort ng mabuti ang ayos nito. Lumapit ako sa halaman na Bougainvillea, ito ang pinakamahirap na pinabuhay ni Mama dahil bukod sa hindi siya makahagilap ng maayos na tangkay nito para itanim uli ay masyadong maselan ang halaman. Pero worth it naman daw lahat ng hirap niya rito kasi isa 'to sa pinakamagandang halaman niya dito sa bakuran namin. Tumingkayad ako para sana kumuha ng isang bulaklak pero gano'n na lang ang gulat ko nang my bumusina sa labas ng gate namin!

Teka, baka sila na iyon! Iyong mga bisita ni Mama! Tumakbo ako papunta sa gate namin at may nakita akong tatlong van na pumaparada sa labas ng bahay namin. Bago pa sila makalabas sa sasakyan nila ay binuksan ko na ang gate namin. Hinintay ko pa silang makababa lahat para makilala ko agad ang mga mukha nila.

Isa-isang lumapit sa akin ang mga ale na sa tingin ko ay kasing-edad din ni Mama. Ang isang ale ay may hawak na batang lalaki at isang batang babae na sa tingin ko ay mas matanda sa akin. Ang isa naman ay may hawak na isa ring batang lalaki at isang batang babae na sa tingin ko ay mas matanda rin sa akin. Ang isa pang ale ay may hawak na binatilyo ng lalaki at sa tingin ko ay limang taon na batang babae.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 26, 2022 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

SELENOPHILEWhere stories live. Discover now