Panimula

52 5 12
                                    

Ang tubig ay isa sa apat na mulhagi ng kalikasan na siyang bumubuhay sa bawat nilalang na naninirahan dito.

At sa sandaling bawian ng buhay ang isang nilalang, ang tubig din ang daan patungo sa kabilang-buhay. Sa tubig ay susunduin ng buwaya ang kaluluwa ng pumanaw at ihahatid ito sa kaniyang nararapat na paroonan—sa Maka o sa Kasanaan.

Ang Maka ang nayon ng kapayapaan. Doon dinadala ang kaluluwa ng mga nilalang na namuhay nang mabuti at marangal. Doon ay matatamo nila ang walang hanggang kasiyahan at kapanatagan.

Samantalang ang kaluluwa ng masasamang nilalang ay ihahatid sa Kasanaan kung saan parurusahan sila ng bathala ng karimlan na si Sitan. Doon ay walang humpay na dalamhati ang kanilang mararanasan.

Kung ang Maka’y mala-paraiso sa ganda— pilak at ginto ang mga tahanan, nagtataasan ang mga puno’t halaman, malambing ang huni ng mga ibon, ay magiliw ang aliw-iw ng mga batis, ang Kasanaan ang siya nitong kabaliktaran. Madilim. Mabaho. Mainit. Walang kapahingahan. Araw-gabi ay pagtangis ng mga naroroon ang maririnig—pagtangis ng mga kaluluwang ayaw nang manatili pa roon.

Kabilang na si Hilang, ang buktok na mangkukulam na noo’y nagsumpa sa kalahating-bathalang si Oryol upang maging ahas sa araw at magandang dilag sa hatinggabi.

"Sitan!"

Bitbit ang malaking tapayan, iika-ika itong lumapit sa bathala ng karimlan na nagbabantay sa hangganan.

"Sitan!" Ibinagsak nito sa mabatong lupa ang tapayan. Anupa’t iyon ay nabasag at tumagas ang tubig na laman.

Humarap sa kaniya si Sitan. Nanlilisik ang mga mata nitong sing-dilim ng gabing hindi sinipot ng buwan at mga bituin. "Pangahas ka, mangkukulam! Ano’t kaylakas ng loob mong lumapit sa akin? Nais mo bang ipatapon kita sa dagat ng apoy? Bumalik ka na sa iyong gawain."

Hindi nagpatinag si Hilang. Hindi na nito pinansin ang banta ng bathala at isinambulat ang pakay. "Palayain mo ako, Sitan. Hindi ako nababagay rito!"

Humalakhak si Sitan. "Palayain? Ako ba’y isang hangal sa iyong paningin? Bakit naman kita palalayain? Narito ka upang parusahan kasama ng iba pang makasalanan, upang maglinis ng iyong mga nagawang kasamaan nang sa gayon ay makapasok ka sa Maka. Tila nakakalimot ka, Hilang."

"Sa Maka? Ayoko sa Maka! Ang nais ko ay palayain mo ako at ibalik sa mundo ng mga nabubuhay!"

"Pinahahanga mo ako sa iyong tapang, mangkukulam. Umalis ka na sa aking harapan at bumalik sa iyong gawain bago pa kita tuluyang itapon sa dagat ng apoy." Tinalikuran na siya ng bathala.

"Marahil ay doon nga aking punta. Napakatagal ko nang naninilbihan dito subalit hindi ako makapasok sa Maka. Batid kong hindi sapat ang aking pagpapagal at anuman ang gawin ko ay hindi na ako makakaparoon pa."

Hindi pinansin ng bathala ang kaniyang tinuran.

"Mayroon akong iaalok sa iyo."

Muling bumaling si Sitan sa kaniya. Tila napukaw niya ang interes nito. "At ano naman ang maiaalok mo sa akin, Hilang?"

"Si Magindara kapalit ng aking kalayaan."

Hindi umimik si Sitan, tila napapaisip ito.

"Si Magindara ang kapatid ni Oryol."

"Ah, ang kapatid ng dilag na isinumpa mo noon ’pagkat inibig siya ng lalaking pinakaiibig mo! Ngunit sa kasamaang-palad ay nakalaya sa iyong sumpa." Humalakhak si Sitan, aliw na aliw sa naalala. "Ano ang aking mapapala sa magindara?"

"Tila nakakalimot ka, Sitan," pang-uuyam ni Hilang. "Hindi ba’t anak siya ni Asuang? Isa siyang kalahating-bathala. Bukod pa roon ay namana niya sa ina ang kapangyarihan ng mutya ng dayap na nakapagpapaamo sa sinumang nilalang. Kung magiging lingkod mo si Magindara, tiyak kong marami siyang kaluluwang maiaalay sa ’yo. Ngunit kung ayaw mo ay kay Asuang na lamang ako hihingi ng tulong—at sa kaniya ko na lamang iaalay si Magindara. Kung hindi mo nalalaman, ang tinuran ko sa ’yo tungkol sa mga kaluluwa ay balakin ni Asuang. Kapag nagtagumpay siya, hindi malayong subukan niyang agawin sa iyo itong Kasanaan dahil bigo siyang makuha ang mahiwagang apoy ni Gugurang."

"Paano ako makatitiyak na hindi mo ako tatakasan?"

Napangisi si Hilang. "Isa akong mangkukulam. Ang aking ninuno, si Mangkukulam, ay iyong lingkod. Hindi ako makatatakas sa iyo, bathala."

"Hindi pa rin kita maaaring palayain."

"Kung gayon ay kay Asuang na lamang ako hihingi ng tulong."

"Ngunit maaari kang makatakas dito. Sa Araw ng Pangangaluluwa, may pagkakataon ang mga naririto upang makabalik sa mundo ng mga buhay."

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Mar 03 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Nag-iisang Pag-ibigWhere stories live. Discover now