PANANALIG

37 7 7
                                    

Bagong taon na naman. Isang panibagong taon kung saan naka-ugalian na ng mga tao ang gumawa ng resolusyon. Resolusyon kagaya ng pagbabago sa kanilang sarili, karakter, pag-uugali, o takbo ng kanilang buhay.

Noong kabataan ko ay nakaugalian ko rin ang gumawa ng resolusyon sa tuwing sasapit ang bagong taon. Pero habang ako ay tumatanda ay unti-unti ko na ring hindi ginagawa ang tradisyong ito. Naniniwala kasi ako na ang pagbabago ay hindi lamang ginagawa sa tuwing sasapit ang bagong taon.

Pero dahil sa nagdaang pandemya, mayroon akong isang pagbabago na hinahangad para sa bagong taon. Iyon ay ang guminhawa nang kaunti ang estado namin sa buhay. Kasabay kasi nang nagdaan na pandemya ay sunod-sunod na unos ang dumako sa aking pamilya. Gayon pa man, kalakip ng hangarin na umangat sa buhay ay may isang bagay na nais kong hindi magbago at manatili sa akin. Iyon ay ang pananalig sa Panginoon.

Kahit ilang bagong taon na ang dumating o kahit gaano pa karami ang maaaring magbago sa mundo, ang pananalig ko sa Panginoon ay tanging bagay na hindi maglalaho mula sa akin.

Ang bawat pagbabago na hinahangad, kahit na ito ay para sa ikabubuti natin ay laging may kalakip na paghihirap. Ang mga pagbabago na nais nating makamtan ay palaging dumaraan sa proseso at ang proseso na ito ay hindi madaling tahakin. Gayon pa man, kung ang pagbabago na ito ay naaayon sa pagbabago na nais ng ating Panginoon para sa atin, tiyak na ang mahirap na proseso ay ating malalampasan kung tayo ay may pananalig sa kanya.

Lahat tayo ay biniyayaan ng Panginoon ng isang regalo mula nang tayo ay isinilang at iyon ay ang pananampalataya. Ito ang nagbibigay sa atin ng katatagan sa bawat unos na darating sa ating buhay. Ang matibay na pananalig sa Diyos ay isang sandata para harapin at malampasan ang mga pagsubok sa buhay na kalakip ng pagbabago. Kaya naman kahit ang daming sunod-sunod na unos ang dumating sa aming buhay, nananatili pa rin akong matatag at positibo. Dahil ayon sa Santiyago, kabanata isa, bersikulo dalawa hanggang labing dalawa, "Mapalad ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya."

Kahit ano pa mang unos ang tahakin ko, naniniwala ako na ang mga ito ay malalampasan ko at ang mga pagbabago na hangad ko mula sa kagustuhan niya ay makakamit ko basta buo ang pananalig ko sa Panginoon.

Ang pagbabagong buhay rin naman ay nais ng Panginoon para sa atin. Nais niya rin tayong maging mapagkumbaba at magsisi sa ating mga nagawang kasalanan. Nais niyang tayo ay lumayo sa masamang gawain at magbagong buhay. Ang mga pagbabagong ito ay maaari nating gawin hindi lamang sa tuwing sasapit ang bagong taon kung hindi sa bawat pagkakataon na ibinigay sa atin ng Panginoon. Kahit ano pa mang pagbabago ang naisin natin ay nararapat na manggaling sa kagustuhan ng Diyos. Ang bawat nakabubuting pagbabago na nais niya para sa atin ay makakamit natin kung tayo ay may pananalig sa kanya.

Kaya naman ang pananalig ko sa Panginoon ay isang bagay na hindi ko nais maglaho o magbago sa aking buhay kahit na ano pang pagsubok ang ibigay sa akin. Dahil naniniwala ako na walang mabuting pagbabago kung hindi ito ayon sa Panginoon.

PANANALIGTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon