Orasan

9 5 2
                                    

Sa paglipas ng panahon ay maraming nagbabago, mayroong nananatili at nag-iiba.

Habang ume-edad ako ay masasabi ko na sadyang maraming nagbago sa akin, tulad na lamang ng pagiging masaya ko sa maliliit na bagay. Hindi ko malilimutan ang mga panahon na wala pa akong masyadong kaalaman sa mundo na ang tanging nais ko lang ay maglaro hanggang sa paglubog ng araw at maging masaya sa tuwing ako ay kumakain at hindi makaramdam nang may mali sa aking katawan.

Noon ay masaya na ako sa isang piraso ng kendi, limang piso na tira sa aking baon na pambili ng palamig pagtapos ng klase pero bakit ngayon na kaya ko nang bumili nito ay wala nang kasiyahan sa aking puso? Baka nga totoo ang sabi nila na habang tumatanda ay nawawala ang kasiyahan ng bawat tao. Kung ako ang papipiliin, nanaisin ko na sa tuwing paglipas ng panahon ay nadaragdagan din ang pagiging masaya ko sa mga bagay.

Kasabay nang kagustuhan ko na wag maglaho ang natitirang kasiyahan sa akin ay gugustuhin ko rin na manatili ang aking lakas. Lakas na hindi lang pisikal kundi pati sa emosyonal at sa aking sariling mentalidad. Ngayon na mas namumulat ako sa mundo, nagiging bukas ang aking isipan kung ano nga ba talaga ang ibig-sabihin ng mga kilos ng bawat tao, at isipin pa lang ito ay nanghihina na ako.

Kasiyahan at lakas na kung minsan ay nakikita ko sa aking mga kaibigan at pamilya. Kung pwede lang humiling na 'wag sila mawala ay akin itong hihilingin. Tuwing tumatakbo ang oras ay ume-edad ang bawat tao, tumatanda at nanghihina. Isa sa hinihiling ko tuwing pagsapit ng bagong-taon ay wag akong mawalan ng mahal sa buhay, nais ko silang manatili lang at huwag mawala.

Pero alam mo, kung hindi mapipigilan ang pagkawala ng isang kasapi ng pamilya, o isang tao na importante sa iyo bakit hindi nalang maging masaya habang kasama mo sila? Sabi nga nila, maging masaya bawat araw dahil hindi mo malalaman kung may bukas pa. Imbes na isipin ang mga maaaring mangyari sa mga susunod na bukas ay bakit hindi na lang mabuhay sa kasalukuyan?

Sabi nga rin ng iba na sa tuwing tumatakbo ang oras ay mas nagiging malakas ang isang tao dahil na rin sa mga mahihirap na  karanasan sa buhay nila kung saan ay nasusukat naman talaga ang kanilang mga angking lakas.

Nakatutuwa nga rin dahil may nabasa ako noong bago pumasok ang unang araw ng taon na: 'Ang kasiyahan ay isang desisyon'.

Desisyon ko ito kung matutuwa ba ako sa isang kendi o sa mga maliliit na bagay na natatanggap ko. Nasa kamay ko na ang lahat ng aking mga nais pero hindi materyal kundi ang kasiyahan at kalakasan, magdedesisyon na lang ako kung paano at saan ko ito gagamitin.

Kaya kung tatanungin ako kung ano-ano ang mga bagay na gusto kong manatili at hindi maglaho, ito ay ang aking sarili at ang paggamit ng tamang desisyon sa buhay ko na aking magagamit sa tuwing ang oras ay tumatakbo.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Jan 20, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

OrasanWhere stories live. Discover now