Kabanata 11

165 4 2
                                    

HINDI KAMI SUMIKSIK NI CYD sa kumpulan ng mga tao sa unahang parte ng entablado. Sinunod niya ang gustong puwesto sa likuran.

Sakto lang ang view. Nakikita ang mga banda na umaakyat at hindi masikip. Ang paborito ko sigurong parte mula sa kinatatayuan, ang iba't ibang ilaw o light sticks na hawak ng mga guest. Tanaw na tanaw namin 'yon. Pinapakita ang kabuuan ng maliit na concert.

"Gusto mo ng light stick?" tanong niya.

Nilibot ko ang paningin bago umiling. "Hindi na."

Mula sa gilid ng mga mata ko matapos tumingin sa bandang nagsa-sound check, napansin ko agad ang pagtitig niya.

"Hindi ka nahihirapan?" tanong niya.

"Saan?"

"Maraming matangkad sa unahan."

"Matangkad din ako, ah?" sabi ko.

Bahagya siyang natawa at ginulo ang buhok ko.

"Porque, matangkad." Ngumuso ako para magkunwaring malungkot.

"Sorry," bulong niya mismo sa tenga ko. "Sabihin mo lang mamaya kapag inaantok ka na, ha? Ihahatid kita sa room mo."

"Tapos, babalik ka?" tanong ko.

Nagkibit-balikat siya.

Inagaw ng tumunog na mikropono ang aming atensiyon. Babaeng bokalista ang nakatayo roon. Hinahanda nito ang sarili. Mapapansin din na medyo nahihiya ito.

"Hello! Ako nga pala si Vin," anang babae. "Sana mag-enjoy kayo ngayong gabi!" Huminga ito nang malalim nang tumahimik ang madla. "Karamihan siguro sa inyo, mga Ma'am at Sir, hindi kilala ang banda namin. Kaya malaking opportunity sa 'min na makatugtog dito para makilala niyo. Thank you sa chance, Miss Kimberly!" bati nito kay Kim na nasa bungad ng restaurant. "Again, kami ang S-Lowly, ang bandang mabagal."

Humiyaw ang mga manonood at pumalakpak, ganoon na rin si Cyd.

Gumaya ako sa kaniya pero nang muntik niyang mahuli na nakatingin sa kaniya, umiwas agad ako ng tingin pabalik sa bokalista.

Pumalo ang lalaking drummer. Sinundan 'yon ng bassist at guitarist. Dalawa ang guitarist ng apat na miyembrong banda, ang isa siguro ay rhythm guitar, hindi ko lang alam kung ang babaeng bokalista o lalaking gitarista sa kanan nito 'yon. Wala kasi ako masyadong alam sa instrument at music.

Ang unang pumasok sa isip ko nang marinig 'yon, catchy at memorable.

"Kilala ko sila," sigaw niya.

Tiningnan ko si Cyd habang ang mga mata niya'y nasa tumutugtog. Nilaan niya sa akin ang boses para magkaroon ng usapan at mapakilala ang banda.

"Sobrang underrated pero maganda ang songs," dugtong niya.

Halos magsigawan kami sa lakas ng sound system at hiyawan ng guests na nakikitalon sa paligid namin.

"Oo nga, ang catchy!" ani ko.

"Five years na sila."

Nalaglag ang aking panga. "Seryoso?"

"Oo, five years nang underrated. Deserve ng mas maraming listener. Hopefully, makilala na. 'Yong tipong mahihirapan na akong panoorin sila sa mahal ng ticket."

TakasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon