Wakas

329 10 11
                                    

"Bakit dito mo napiling magbakasiyon?"

Iyon ang unang beses kong magtangkang buksan ang usapan tungkol sa nakita ko noong isang araw nang madaling-araw.

Nakita ko ang suot niyang anklet. Siguradong siya ang babaeng 'yon kahit madilim at hindi malinaw ang mukha niya nang oras na 'yon.

3:00, ang nakalagay sa orasan na nasa pader ng rent room ko nang magpasya akong tumayo sa kama. Nagtangka akong matulog pero hindi dalawin ng antok. Dinala ko ang aking camera at saka lumabas sa silid.

Doon ko siya unang nakita, mukhang aligaga at halatang may binabalak dahil panay ang tingin sa kaliwa't kanan. Masuwerteng hindi 'yon dumapo sa direksiyon ko. Nang oras na 'yon, wala pang ilang segundo nang bumaba siya sa unang palapag at dumiretso sa eskenita sa pagitan ng restaurant at souvenir shop ni Kim.

Ang naisip ko? Siguro kararating lang at bagong guest.

Ngunit dala ng kyuryosidad, sinundan ko siya. Kung stalking ang ginagawa ko, dadalhin ko mismo ang sarili sa presinto-pero iba ang pakiramdam ko rito.

Sobrang dilim sa harap ng restaurant at souvenir shop kung saan dumaan ang babae. Muntik na siyang mawala sa paningin ko. Mabuti na lang, unti-unti nang lumiliwanag dahil malapit nang sumikat ang araw.

Halos malaglag ang puso ko nang madatnan ko na siyang nakatayo sa malaking bato sa gilid ng aplaya, akmang tatalon, kung hindi lang ako sumigaw ng, "Madam!"

Iyon ang dahilan kaya siya bumaba roon at tumakbo pabalik sa buhanginan. Sinadya niya akong lagpasan.

Hagulhol.

Narinig ko 'yon mula sa kaniya kaya naisip kong umiiyak siya. Sa pagtakbo niya palayo habang nakatalikod sa akin, doon ko nakita ang anklet na suot niya na ginawa kong pala-tandaan.

Hindi ko siya kilala pero kung ano man ang pinagdadaanan niya, sana malagpasan niya. Magaan sa loob na napigilan ko siya, pero tingin ko hindi malaking tulong 'yon para sa gaya niya.

"May bago kayong guest?" tanong ko kay Kim.

Matapos ng ilang oras kong pamamalagi sa buhanginan, lumabas mula sa restaurant si Kim. Sumunod ako rito dahil hula ko, magbubukas na siya ng souvenir shop.

Tama ako.

"Ang aga mo?" Bahagya siyang nagulat sa pagsulpot ko habang hinahanap ang susi sa pinto.

"Ano..." Humugot ako nang malalim na paghinga. "May bago kayong guest?"

Awtomatikong nagsalubong ang mga kilay niya. "Ha? Araw-araw kaming may bagong guest, e. Bakit mo tinatanong?"

Umiling ako. "W-wala."

Hindi ko binuksan ang paksa na 'yon kay Kim, dahil tingin ko mas magiging maayos kung kikimkimin ko muna 'yon hangga't hindi ko nahahanap ang babae.

"Tara," ani Kim. "Pasok ka muna sa shop. Marami akong latest at cute na stocks, feature mo rin!"

Sumunod ako kahit hindi pa nawawala sa isip ang nangyari kanina. Nagpanggap akong kumukuha ng litrato ng ilang minuto bago narinig ang bagong yabag ng mga paa, pero sa backdoor 'yon nanggaling.

TakasWhere stories live. Discover now