Chapter 25: Gakuwesaribigin

246 9 10
                                    

Gakuwesaribigin

(png.) Pakiramdam na gusto mo gawan ng kuwento ang sarili mong kuwento ng pag-ibig dahil sa isa pang kuwento ng pag-ibig


Iyon ang huling araw ng pagkikita namin.

Pagkatapos ng araw na hindi ko kailanman hinintay na mangyari sa 'kin, hindi na ako pumunta sa tambayan. Oo, umiiwas ako—pero hindi sa kanya. Kung tutuusin, gusto ko pa siya makita.

Gusto ko makita 'yung mukha niya.

Gusto ko makita 'yung mga ngiti at luha niya.

Pero umiwas ako dahil alam ko na gusto rin niyang makita 'yung akin—'yung mukha, ngiti, at luha ko—at mahihirapan lang siyang tanggapin 'yung responsibilidad na kailangan niyang harapin.

Minsan, napapaiyak na lang din ako dahil ang laki ng pinagbago ko dahil na rin sa kanya. Ang laki ng pinagbago kung paano ako mag-isip. Hindi ko na madalas isipin ang sarili ko. Mas naiisip ko na 'yung ibang tao na nasa paligid ko.

Nakita kong nagsara na rin siya ng mga online accounts niya. Nabalitaan ko sa ibang mga ka-org ko na paminsan-minsan, pumupunta pa rin siya sa tambayan at hinahanap ako. Minsan, gusto magpakita sa kanya. Pero sa tuwing gusto ko mangyari 'yon, hindi naman kami pinagkikita ng tadhana.

Hindi nga lang siguro kami nakatadhana para sa isa't isa. Siguro sa umpisa pa lang, alam ko nayon, pero tinatanggi ko lang sa sarili ko.

Isang araw matapos ang graduation ko, pumunta ako sa tambayan. Nabalitaan ko na nag-file daw siya ng leave, at baka sa second sem next year na raw siya makakapagtuloy ng pag-aaral. Lahat kami—oo, kasama ako—ang nanghinayang sa kanya.

"Ang daming nagagawa ng lungkot," sabi ko habang kausap si Sarah. Pumayat siya, tapos nagpakulot at nagpagupit ng buhok. Halata sa kanya na lagi siyang nagpupuyat gawa ng maiitim na eyebag na bumibilog sa mga mata niya.

"Akalain mo 'yon?" sagot niya. "Makakagawa pala ng baby ang lungkot."

"Sarah, tama na."

"Sorry, sorry," paghingi niya ng tawad. "Pero hanggang ngayon, di ko maisip na gano'n 'yung mangyayari. Alam mo 'yung . . . I felt betrayed? At the same time, I pity her."

"Minsan ba, naisip mo kung ano'ng mangyayari kapag wala sa mga 'yon ang hindi nangyari?"

"Siguro kayo pa rin. Siguro kami pa rin ni Kenli . . . at ako 'yung buntis, hindi siya. Ikaw kasi, ano? Ba't ka pa kasi nagka-dengue? Uso naman magparamdam kahit halos mamamatay ka na sa sakit." Natawa si Sarah, pero alam ko namang may halong hapdi 'yung tawang 'yon.

"Kasalanan ko pa talaga," biro ko.

"Sobrang . . . sobrang galit na galit ako, Ulysses. Hindi ko maikumpara 'yung galit ko sa impyerno. Parang . . . parang may mas sasama pa sa impyernong alam natin. May mga araw na pinagmumumura ko silang dalawa habang ako lang mag-isa ang umiiyak. Ang sakit."

"Alam ko, alam ko."

"Naiinis ako na pinakilala pa niya sa 'kin 'yung hampaslupang si Kenli. Tapos sila lang pala 'yung magkakatuluyan?"

Nakikita ko na naiiyak na si Sarah. Bumunot siya ng sigarilyo sa may bulsa niya. Ako naman 'tong kuha sabay bato.

"Nasaktan ka. Pero 'wag kang magpapakamatay."

"Hindi naman nakamamatay ang isang stick."

"Kailan ka pa natuto niyan?"

"Di ko alam. Siguro . . . simula no'ng araw na 'yon."

"Sa sinabi mo, mapapa-oo na ako sa sinabi mo."

"Na alin?"

"Na maraming magagawa ang lungkot . . . tulad ng pagbabago sa sarili."

Gakuwesaribigin (Book 2 of the Gaku Series)Where stories live. Discover now