Be You

58 4 3
                                    


"Thank you, sir. Balik po ulit kayo." Tumango lang ako sa cashier.

Nakayuko akong lumabas sa 7/11 dala ang paper bag. Hindi ko man lang alam kung ano ang laman dahil wala sa tawang wisyo ang utak ko, abala sa paglalakbay sa kung saan.

Isang bugso ng malamig na hangin ang kumawala nang makaupo ako sa isa sa upuan sa parke. Hindi ko namalayan na nakarating na pala ako rito. Madilim na ang paligid ngunit marami pa rin ang narito. Halos lahat sila ay nasa estado ng kasiyahan, wari'y walang problemang iniinda.

Mahigpit kong niyakap ang sarili, hindi sa nanunuot na lamig, hindi rin sa inggit na nararamdam, kundi dahil sa panliit sa sarili. May puwang pa ba ang katulad ko rito?

Huminga ako ng malalim at pumikit na lamang para namnamin ang panandaliang sarap ng hangin. Pinapakalma ang utak na walang mintis sa pagsisid sa dagat ng pagpapanggap at kasinungalian.

Inilabas ko ang binili sa maliit na paperbag. Ngunit nalugmok lang ako ng makita ang mga ito. Tatlong cup noodles na may ibat ibang flavor.

"Hays, pa'no ko naman 'to makakain?"

Itatabi ko na sana ang nabili nang may nakapa akong mahaba. At nang inilabas ko ito, Hershey's milk chocolate ang unang bumungad sa akin.

Hindi ako mahilig sa tsokolate kaya hindi ko maintindihan bakit meron nito rito. Ngunit ang mas lalong nagpatanong sa akin ay nang simulan ko itong buksan at kumagat nang kaunti.

Unang kagat ay nanuot agad sa aking lalamunan ang tamis. Para akong nililipad sa alapaap ng kaginhawaan. Nakapikit akong ninanamnam ang sarap na dulot nito. Parang mahika sa aking pagkatao.

Ikalawang kagat... ako'y nasa isang mataong lugar, kumakaway sa harapan nila habang nakangiti ng abot tenga. Nakasuot ng puting dress at may korona sa ulo.

Wait...what? Ano?

Bigla akong napabalikwas. Agresibong nagtaas baba ang aking balikat, hinahabol ang hininga.
Panaginip ba yun? Hallucination? O ako sa hinaharap kung susundin ko ang gusto ko?

Ilang minuto kong tinitigan ang hawak na Hershey's nang napagpasyahan ko na subukan ulit kumagat.
At sa ikalawang pagkakataon, nakita ko ng mas malinaw ang sarili na nakangiti, naguumapaw ang saya hindi lang sa nakuhang premyo, maging sa mga taong nakayakap saakin. Ang lolo't lola ko ay narito, nakayakap saakin. Tanggap nila ako!

At mas lalong nagpadurog sa puso ko ay kung gaano ako kakomportable sa suot ko, sa kung sino ako. Walang hiya, walang pagkukunwari, natural na ako sa mga pambabaing damit na nakabalot sa aking balat.

Hindi ko namalayan na naubos ko na ang Hershey's milk chocolate. At hindi ko rin namalayan na puno na ng luha ang mukha kung 'di lang  lumapit ang bata at kyuryosong nakatingin sa akin.

"Bakit po kayo umiiyak?" inosenteng tanong niya. Iniabot niya saakin ang gusot na tissue na may bahid pa ng unting dumi.

"Ito kasing tsokolate, eh..." Ngumiti ako sa bata at ginulo ang buhok niya. "...tinupad niya ang nakabaon sa limot kong pangarap."

Sweet Bites of YouWhere stories live. Discover now