Prologue

6 2 0
                                    

Warning: sensitive content, prostitution

Nagising ako around 8 A.M. na. Wala na 'yung kasiping ko kagabi. Agad akong bumangon at tumungo sa mumunti kong kusina para makapagtimpla ng kape. Malamig, wala pala akong saplot. Walang kuwentang lalaki at hindi manlang ako binihisan bago umalis.

Nagluto na rin ako ng almusal habang inuubos ang kapeng naitimpla. Pritong hotdog lang 'yon at nagsalang ng kanin sa rice cooker. Biglang tumunog ang phone ko kaya hininaan ko ang apoy at dali-daling tumungo sa kuwarto. Nakapatong ang cellphone ko sa ibabaw ng lamesa sa gilid ng kama ko at sa ilalim noon ay napansin kong may nakaipit na pera. Oo nga pala, galing 'yon sa lalaki kagabi.

Pagkasagot ko sa tumatawag ay tumambad sa akin ang boses ng isang lalaki. Malalim at medyo garalgal. "Hello? Ito ba si Katrina?" Pagtatanong nito sa akin.

"Hello po, opo, sino po sila?" Bumalik na ako sa kusina at baka nasusunog na ang niluluto ko.

"Hindi na mahalaga kung sino ako, available ka ba mamayang gabi?" Alam ko na kaagad kung anong pakay nito sa akin.

"Ah, opo, alam n'yo po ba kung saan ako?" Inipit ko lang ang phone ko sa may tainga ko habang binabali-baliktad ang kamuntikan nang masunog na hotdog.

"Oo, sa apartment mo ba?"

"Opo, e, 'yung presyuhan ko po? Alam n'yo po ba?" Kumuha ako ng plato para hainin 'yong niluluto ko sabay patay sa apoy.

"Magbabayad ako ng extra," wika nito sa kabilang linya.

"Baka naman po pulis kayo?"

"Pulis ako pero hindi naman ako nakaduty mamayang gabi," pagpapaliwanag nito sa akin na parang alam na alam talaga ang sitwasyon ko.

"Sige po, puntahan mo nalang ako dito sa apartment ko mamayang gabi. Salamat," at tsaka binabaan ko na ng tawag.

Isa akong prostitute, bayarang babae, alam kong hindi disenteng trabaho pero nabubuhay naman ako sa pang-araw-araw. Mahirap. Hindi kasi ako nakapagtapos ng High School dahil maaga akong iniwan ng mga magulang ko. Noong namatay si Inay ay nagkaroon ng panibagong pamilya ang Tatay. Kinupkop naman nila ako pero walang araw na hindi minaltrato at pinagbuhatan ng kamay. Kaya isang araw, napagdesisyunan kong umalis. Lumayas.

Napadpad ako dito sa Manila. Sa murang edad kung anu-ano nang pinasukan kong trabaho. Nanlimos, nagbenta ng tubig, sigarilyo, may makain lang at maitawid ang gutom sa pang-araw-araw. Hanggang sa iminulat sa akin ang mundo ng prostitusyon. Madali ang pera pero walang kasing hirap kapag nasisira ang dignidad ko bilang babae. Kapag natatapakan ang pagkatao ko. Pero lahat ng iyon ay tiniis ko, para sa sarili ko.

Sa mga lumipas na taon, madami na akong naging customer. May mga propesiyon kagaya ng pulis, sundalo, mga sikat na personalidad. At minsan na ring nahulog ang loob ng isang tulad ko. Sa isang doctor.

Hindi ko makakalimutan 'yong isang araw na may tumawag sa akin na isang lalaki na nangangailangan ng serbisyo ko para sa kaibigan niya. Hindi na ako tumanggi, pera na rin 'yon. Kinagabihan noon dumating ang isang lalaki. Hindi maipinta ang mukha na parang binagsakan ng langit at lupa. Makailang ulit kong tinangkang ibigay ang serbisyong dapat na para sa kaniya pero makailang ulit niya rin itong tinanggihan. Ayaw niya raw sa katawan ko. Hindi sa pinandidirihan niya ako pero nirerespeto niya raw ako sa kabila ng trabaho ko.

Tinamaan ako. Akala ko pare-parehas  lang lahat ng mga lalaki. Hindi ko inakalang may natitira pa palang kagaya niya. Wala kaming ginawa sa buong magdamag kundi nagkuwentuhan lang. Sinabi niya sa akin ang mga problema niya sa trabaho't mga hinanakit niya sa paligid. Umalalay naman ako, emotionally. Pinaramdam ko namang mapagkukuwentuhan niya ako.

Kinaumagahan noon ay nagpaalam na siyang umalis. Nagpasalamat at inabutan pa rin ako ng bayad sa kabila ng mga pagtanggi ko. Medyo nalungkot ako pero sinabi niyang babalik naman siya. Simula noon itinigil ko ang trabaho ko. Hindi na ako tumatanggap ng mga tawag ng ibang lalaki kundi kaniya lang. At ganoon parin ang sistema, nag-uusap lang kami magdamag at nagkukuwento siya.

Tuluyan na talaga akong nahulog sa kaniya. Kahit nakakahiya dahil sa dami ng lalaking nakinabang sa katawan ko pero hindi ko iyon naramdaman sa kaniya. Hindi ko naramdamang hinuhusgahan niya ako at pinandidirihan.

Hanggang sa noong kailan lang, nabalitaan ko sa telebisyon na mayroong isang doctor na namatay sa isang aksidente dito sa Manila. At siya 'yon. Parang tumigil ang tibok ng puso ko. Ang sakit. Na kung sino pa 'yong mabubuti ang puso sila pa 'yong minamadaling kunin.

Pagkatapos kong dumalo sa burol niya ay napagdesisyunan kong bumalik sa dating sistema ng buhay ko. Sa trabaho ko. Wala akong choice at natatakot ako. Mapanghusga ang lipunan sa isang katulad ko at baka walang tumanggap sa akin sa kahit anong trabaho. At ang iisang taong nagparamdam sa akin na tanggap ako ay kinuha na rin sa akin. Kaya narito ako ngayon. Walang pag-usad sa buhay.

Kinagabihan ay dumating na iyong pulis. Magdamag ko siyang binigyan ng serbisyo ko at bakas na kaniya ang pananabik niya pagdating sa katawan ng isang babae. At ako na walang pakiramdam ay nakatulog na rin pagkatapos noon.

Kinaumagahan ay ganoon parin ang sistema, wala na 'yong lalaki at may nakapatong nang pera sa lamesa ko.  Babalik na sana ako sa pagtulog ko subalit nagulat ako nang may nahulog sa gamit sa may kusina. Dali-dali akong bumangon at baka nandiyan pa 'yong lalaking kasama ko kagabi. "Sino 'yan?" Marahan akong sumilip sa kusina at isang pusang itim ang tumambad sa akin. Parang gutom itong naghahanap ng pagkain.

Natatakot akong lumapit sa kaniya dahil takot ako sa pusa simula noong bata pa ako. Subalit parang may kung anong meron sa kaniya na nakapagpagaan sa kalooban ko.

Nakapatong siya sa mesa habang nakatingin sa akin. Lumapit ako at hinawakan ang ulo nito. "Hello, anong pangalan mo?" Wika ko na medyo nanginginig ang kamay. Nakatitig lang ito sa akin. "Nagugutom ka ba?" Kinuha ko ang tira kong ulam kagabi sa maliit kong refrigerator at ibinigay sa kaniya. Binigyan ko rin siya ng tubig na inilagay ko sa maliit na mangkok.

Pinanood ko lang siya hanggang sa maubos niya 'yong pangkain na ibinigay ko. Bigla kong napag-isip-isip na baka may nagmamay-ari na sa pusang ito dahil meron itong collar sa leeg. Nang pagmasdan kong mabuti ay parang pamilyar ito sa akin. At hindi ito collar kundi isang bracelet. Isang pamilyar na bracelet. "Hello, may nagmamay-ari na ba sa 'yo?"

Pagkatapos nitong kumain ay inihatid ko na ito sa labas ng apartment ko sa pag-aakalang baka mayroon ngang nagmamay-ari dito. At baka nakita ko lang kung saan sa iba pang pang nakatira dito sa mga kalapit kong unit iyong bracelet na pamilyar sa akin. Inilapag ko lang siya sa sahig at tsaka isinarado ang pinto. Bumalik na rin ako sa loob at humiga sa kama ko para matulog dahil inaantok pa ako subalit napansin kong iyong pusang inilabas ko ay kalmot nang kalmot sa pintuan ko at walang tigil sa pag-iingay.

Nilabas ko iyon at ipinasok sa loob, ipinatong ko pa siya sa dibdib ko nang makahiga ulit at bahagyang tinakluban ng kumot. Walang imik ito at nakatitig lang sa akin. "Butch, Butch ang magiging pangalan mo."

------------------------------------------‐---------------------------------------------------------------------------------------------------->.<

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Apr 20 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Reincarnated as a CatWhere stories live. Discover now