Prologo

77 5 5
                                    

Hindi ang liwanag ang makapagliligtas...

Hindi ang tapang ang makalulutas...

Hindi ang sangkatauhan ang makapagtataas...

Walang kahit na sino ang makapag-aalis sa iyo sa nakadadarang na apoy ng impyerno kundi ang sarili.

***

“Hindi ka makakatakas!”

Hindi ko alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko. Ang nais ko lang ay makalayo at makatakas sa babaeng gustong kitilin ang aking buhay. Babaeng nagligtas sa akin sa kapahamakan ngunit sa huli ay gustong gawing alay ang aking buhay sa demonyong kanyang pinaglilingkuran.

Hindi ko inalintana ang bawat tinik na tumutusok sa aking mga paa habang mabilis na lumalayo sa demonyong hawak ang punyal ng kamatayan. Baliw siya! Hindi ko alam kung saang lupalop siya nanggaling pero hindi na siya ang taong kilala ko. Ibang pagkatao na ang nasa harap ko kanina habang kausap ko siya. Hindi na siya ang anak ko. Hindi na siya si Grizelda.

“Saan ka pupunta?!” Laking gulat ko nang sa isang iglap ay nasa harapan ko na siya. Napatigil ako sa pagtakbo sa bigla niyang pagsulpot. Paano niya nagawa ang bagay na iyon? “Akala mo ba’y matatakasan mo ako?”

Naghahalo ang boses ng demonyo sa orihinal na boses niya. Namumula din ang kanyang mga mata na pakiwari ko'y magiging talim sa aking kamatayan ano mang oras. Hindi pa ako handang mamatay. Ayoko ko pang mawala sa mundo.

“G-Grizelda, p-pakiusap. . . pakawalan m-mo na ’ko.” Nanginginig ang mga labi ko habang nakatitig sa nakatatakot niyang mukha. “P-Pangako. H-Hindi ako magsusumbong sa. . . sa mga pulis.” Kahit yata mga pulis ay hindi ako maisasalba sa mga oras na ito. Imortal ang kaharap ko at kahit sinong tao ang iharap ko sa kanya ay pihadong walang magagawa. Ikapapahamak din nila kung sakaling magtangka silang tulungan ako.

Tumawa nang malakas na parang demonyo ang babaeng nasa harapan ko. “Nagpapatawa ka ba? Sa tingin mo ba ay may makapagliligtas pa sa iyo sa mga oras na ito?! Hindi mo alam ang sinasabi mo. Walang kahit na sino o ano ang makatatalo sa akin.” Bahagya siyang lumapit sa akin at sa isang iglap ay naramdaman ko ang matutulis niyang mga kuko at kamay na sumakal sa aking leeg. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang lakas niya subalit nagawa niya akong iangat sa ere gamit lamang ang isang kamay.

Unti-unti nang nawawala ang nalalanghap kong hangin. Katapusan ko na yata ito. Kung magkaganoon man ay magiging saksi ang bilog na buwan sa aking huling hininga. “Walang kahit na sino ang nagtatangkang tumakas sa mga kamay ko. Pero dahil nangahas ka, hindi mo na masisilayan pa ang araw.”

Walang pagdadalawang-isip niyang itinaas ang kanyang matalim na punyal.

Isang segundo. . .

Isang segundo lang ang naging pagitan ng buhay ko sa lupa at sa mga huling salitang binitiwan niya. Naramdaman ko na lang ang paghiwa ng talim ng hawak niya sa aking leeg. Saglit lang ang lumipas nang humiwalay ang aking ulo sa aking katawan. Kitang-kita ko kung gaano siya nagdiwang habang hawak pa rin niya ang leeg ko. Hindi ko na alam kung ano pang sumunod na nangyari dahil unti-unting nawala ang aking paningin hanggang sa tuluyan na akong mawalan ng malay.

•••

[author’s note: please let me know your feedback about this story. I will appreciate everything you say. This will be the prequel of my story The 13th Floor and I hope you will support this too like what you did on the first book.]

The Evil's DaughterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon