3

8 0 0
                                    

Tago ang opisina ni Professor Mallari. Nasa sulok ito sa tabi ng isang maliit na conference room at men's toilet malapit sa hagdan sa may ikalawang palapag. Kung di ka bihasa sa building, mapagkakalaman mong closet ito ng maintenance staff. Makitid and hallway papunta sa opisina at madilim pa, lalo na't parang pundido ang nag-iisang florescent lamp sa may kisame.

Wala pa kaming sampung minutong nakatayo ni Dom sa labas ng opisina ay dumating na rin ang iba. Halos magkasabay sina Maestrocampo at Roque habang sa likod nila ang tatlo pa—sina Menandro, Catacutan, at Paparan. Lahat kami ay naka-plainclothes lang, pero sigurado akong bitbit ng tatlong sumusunod ang kanilang service pistol na nakatago lang. Alam kong may dala rin si Dom, pero iniwan ko na ang sa akin sa van. Hindi ko naman inaasahang manlalaban si Sir M. Napaisip ako kung paano nakalusot sa guard sa may entrance ng building ang mga kasamahan ko, pero dahil may seminar ngayon at marami ang tao, inakala marahil na guests kami at hindi na naghinala.

"Get ready to move out in 15 minutes," mando ni Roque sa amin. "Susunduin tayo ni Santos gamit ang ni-rent nating van sa may driveway sa harap ng building." Pagkatapos ay nilingon niya si Maestrocampo. "Ready when you are, Sir."

Tumingin ang pinuno namin sa akin. "Bueno, ikaw ang may kilala sa kanya. Why don't you go first?" At siya ay napangiti.

Napalunok ako. Kahit halos sampung taon na nang igapang at ipasa ko ang course ni Sir M., parang nangangatog pa rin ang tuhod ko sa kaba. Terror prof kasi siya, which is ironic kasi nasa College of Education kami at ang expectation ay pawang mga magagaling na guro ang nagtuturo rito. Hindi sa hindi siya magaling—nakakatakot lang.

Lihim akong napahugot ng hininga bago kinatok ng tatlong beses ang mabigat na pintuang yari sa nara. May naulinig ako mula sa kabila nito.

"Pasok."

Pagpihit ko ng doorknob at pagtulak ng pintuan, nagulat ako dahil tila walang pinagbago ang opisina ni Sir M. Sa may bandang kaliwa ay naroon pa rin ang mga libro niya sa may wooden cabinet na tila naglalaho na ang varnish. Sa kanan naman ay ang isang malaking estanteng naglalaman ng bound thesis manuscripts na kulay luntian at pula at may mga gintong titik na nabubura na. Sa isang lamesita ay may Olympia na typewriter, at sa hitsura nito ay parang ginagamit pa rin dahil may nakaipit na papel sa may rolyo nito. May dalawang upuang yari sa kahoy sa may harapan namin, sa ibayo nila ay ang teacher's table, at sa likod nito ay si Sir M.

Nakatungo lang ang kanyang ulo habang may binabasang isang libro, ang kanyang daliri ay sumusunod sa paglalakbay ng kanyang mata.

"Kamusta po, Sir?" ang marahang bati ko.

Inangat ni Sir M. ang kanyang ulo, at bahagya akong napaatras nang di sinasadya. Dahil kahit na batid ko na, di pa rin pala ako handang makita ang kanyang kaliwang matang sinusuri ako habang ang kanan naman, na sa halip na may bola, ay walang laman. Ngunit pakiramdam ko'y may tumititig din mula sa kadilimang puwang na yun.

"I don't know kung naaalala pa po ninyo ako, Sir—"

"Alex Bueno," tugon ni Sir M sa isang malinaw na tinig habang isinara ang libro. Kahit sa kanyang pagsalita ay hindi ko pa rin mawari ang kanyang edad. Ilang taon na ba si Sir?

"Ay, opo, ako nga, pero—"

"Ikaw ang nag-PMA." Iginala niya ang tingin sa mga kasamahan ko. "At nakapagtapos ka na. Ikaw ba ang pinakabata sa inyo rito?"

Napatango na lang ako. Sa loob ng pantalon ko ay nanginginig ang mga tuhod nang di ko maintindihan. Parang graded recitation na naman, at nangangamba akong magkamali sa aking isasagot.

Nakatitig pa rin ang kaliwang mata at ang kanang puwang sa akin. "Pero hindi ikaw ang may sadya sa akin."

Marahan akong itinulak ni Maestrocampo sa tabi habang lumapit siya sa may mesa ni Sir M. "Professor Mallari, puwede po bang maupo?" Ngunit di na niya hinintay pang sumagot si Sir at napaupo na rin sa isang upuan. Nanatili namang nakatayo kaming anim. Walang karaka-raka ay narinig kong may nagsara ng pintuan, at ni-lock pa ito.

"Professor," simula ni Maestrocampo, "recruiter pala kayo."

Hindi umimik si Sir M.

"May kumanta na po sa mga na-recruit ninyo."

Hindi pa rin umimik si Sir M.

"Meron kaming nawawalang mga kasamahan sa Pampanga at Zambales." Tinapik ni Maestrocampo ang mesa. "Alam naming ang grupo ninyo ang tintutugis nila. Ilabas ninyo sila, para magkaayusan na tayo. Okay lang ba?" Mahinahon ang tinig ni Maestrocampo, pero kita kong nanlilisik ang kanyang mga mata. Bigla kong nahalata kung gaano pala kaliit ni Sir M. kumpara kay Maestrocampo.

"Hindi ko pa pala nakuha ang pangalan mo," usal sa wakas ni Sir.

Napasinghal si Maestrocampo. "Makikilala mo rin ako—dahil sasama ka sa amin."

"Bakit ako sasama?"

"Dahil kaya namin. Ano, wala ka bang aaminin?"

"Ano ba ang gusto mong marinig?"

Napatawa si Maestrocampo, na alam ko ay paraan niya para itago ang kanyang pagkayamot. Lumingon siya kay Roque. "Matapang din ito." Tumayo na siya sa wakas at minanduhan kami. "Kunin na ninyo at alis na tayo."

Binuksan ni Roque ang kanyang jacket para ipamalas ang nakasukbit na service pistol. Lumapit naman si Paparan at marahas na pinatayo si Sir M. sa pamamagitan ng paghatak ng braso nito. Naawa ako kay Sir at para siyang lampa kung ihahambing kay Paparan.

Ngunit di natinag si Sir M. "Bakit ba kung umasta kayo ay may kapangyarihan kayo sa akin?"

Mabilis pa sa kidlat ang pagbagsak ng kamao ni Maestrocampo sa kanang pisngi ni Sir, na ikinasanhi ng mabilis na pagpihit ng kanyang ulo sa gawing kaliwa. "Akala mo siguro ay maproprotektahan kayo ng accord-accord na yan? Pero tingnan mo, narito kami ngayon sa loob ng UP. At ilalabas ka rin namin."

Tumalikod si Maestrocampo at unang lumabas ng pinto. Sumunod si Paparan na kinakaladkad si Sir M.

Ngunit bago pa sila makalabas ay hinawakan ni Roque sa kaliwang balikat si Sir M. "Professor, walang maligalig, ha? Nakapaligid kami sa inyo. Kung ayaw din po ninyong may mapahamak na iba sa baba ay umayos kayo."

Sutsot (Short Story)Where stories live. Discover now