Twisted Fairytales - 3

36 1 1
                                    

Narito ang isang maikling kwento para sa ating antolohiya na may temang Twisted Fairytales mula sa isang talentadong manunulat sa ating community. Pinamagatang Faith, Trust, Pixie Dust, ang kwentong ito ay isinulat ng walang sinuman kundi ni JOMGAMERLAND. Halina't tayo'y magsimula.

Ako si Wendy, panganay na tatlong anak ng pamilyang Darling. Si John ang sumunod sa aming magkakapatid, at si Michael naman ang bunso. Panahon ng gera rito sa London, at isang British general ang aking ama. Samantalang Filipino ang aking namayapang ina na nagmula pa sa Palawan.

Ibinilin sa akin ng aking ama ang mga kapatid ko bago siya muling sumabak sa digmaan. Tanda ko pa kung paano siya mabilis na nagpaalam habang nakadungaw kaming tatlo mula sa bintana ng aming silid.

"Ate!" sigaw sa akin ni Michael. Nakatalukbo ng kumot si John habang ang bunso naman naming kapatid ay nakasubsob sa tagiliran ko.

Nakaupo kaming tatlo sa kama. Nakatitig kami sa bintana habang tila nagiging umaga ang kulay ng kalaliman ng gabi. Sa malayong tanawin ay nakikita namin ang sunud-sunod na pagsabog. Mga bombang umuulan mula sa langit na winawasak ang mga gusali sa dulo tanawing aming pinagmamasdan.

"Ate, Wendy. Ayos po kaya si Daddy?" tanong ng nanginginig na si John. Nakalabas ang kanyang ulo sa kumot habang naghahamog ang kanyang suot na salamit mula sa buong araw na pagluha.

"Hindi ko alam, John," pagtatapat ko. Maging si Michael ay nakatitig na sa akin habang mahigpit ang yakap sa aking baywang. Hinawi ko ang buhok ni Michael at pinilit na pakurbahin ang kanyang mga labi. "Ipagdasal na lang natin si Daddy, ayos ba iyon?"

Sabay nila akong tinanguan. Marahan akong tumayo upang magtungo sa bintana. Isinara kong bahagya ang kurtina upang mas mapanatag ang mga kapatid ko. Pinatay ko ang ilaw upang mas mabilis kaming makatulog.

Humiga ako sa gilid ng kama, si John sa kabilang dulo habang si Michael naman ang sa gitna. Ganito kami simula nang maiwan kaming mag-isa sa bahay. Sa iisang kama na lang kami natutulog. Nakatagilid lagi ang aking higa habang nakaharap sa mga kapatid ko. Pinipilit kong takpan ng aking katawan ang bintana upang hindi nila mapansin ang sunud-sunod na malakas na liwanag sa labas. Mga pagsabog na habang dumadaan ang araw ay lalong lumalapit. Hanggang sa hindi namin napansin na halos ilang kanto na lamang ang layo ng mga ito.

Nakatitig lamang sa akin ang mga kapatid ko. Pinilit kong humele habang hinahaplos ang kanilang mga ulo. Pinipilit kong patagin ang mga nakakunot nilang kilay hanggang sa tuluyan silang makatulog. Ilang saglit pa ay sinundan ko na rin sila sa kanilang paghimbing.

Lumipas ang ilang oras at nagising ako sa tunog ng nabasag na plorela. Agad akong napabalikwas at kinuha ang patpat na inihanda ko sa gilid ng kama.

"Sino 'yan?" bulalas ko. Napatingin ako sa bintana. Tuluyan nang nawala ang mga liwanag sa labas. Muli akong nakarinig ng yapak sa kadiliman na siyang nagpagimbal sa akin. Agad kong ginising ang mga kapatid ko. "John, Michael! Tayo, dali!"

Pinailaw kong bigla ang lampara sa aking tabi. Pumupungay pa si John habang pinipilit umupo ni Michael. Samantalang ako ay mabilis na inikot ang mga mata sa buong kuwarto. Inaral ko ang bawat sulok at nagtaka kung bakit wala namang bakas ng kung sinumang taong nakapasok.

"Ate, oh. May anino," saad ni Michael sa tabi ko. Nakaturo sa taas ang kanyang daliri. Sinundan namin ni John ang kanyang hintuturo. Sa kisame napadpad ang aming mga mata at nagimbal kami sa aming nakita.

Isang anino ng tao ang lumulutang sa kisame. May sumbrerong patulis at sapatos na pahaba. Sabay-sabay kaming nagtalukbong tatlo. Nanginginig kami ni John habang si Michael naman ay tumatawa sa pag-aakalang naglalaro kami ng tagu-taguan.

FantasyPH AnthologiesWhere stories live. Discover now