Itatago Na Lang Sa Hangin

4 1 3
                                    

(Unedited version) 


Isang maaliwalas na dapithapon sa isang malaparaisong nayon.

Marahang humahampas ang hanging malayang dumadampi sa aking mukha at tinatangay nito ang ilang hibla ng buhok kong may kahabaan.

Kinapa ko ang aking dibdib at dinama ang aking pusong kanina pa palihim na tumatangis.

Marahas akong napabuntong hininga at inalala ang kahapong nagdaan na sa aking isipan ay sariwa pa.

Kanina ko pa nais isigaw ang aking pagdadalamhati ngunit pinigilan ko hangga't makakaya ko pa, dahil alam kong magdudulot lamang ito ng gulo hindi lang sa akin kung hindi pati na rin sa kanila.

Ilang taon ko na bang kinipkip sa aking sarili ang lihim kong pag-ibig?

Noong ako'y nasa sekondarya pa lamang. Huling taon ko na sa kolehiyo ngayon. Ganoon na pala katagal. Inilihim ko iyon dahil alam kong may ibang nagmamahal sa kan'ya, ang aking kakambal. Umuwi ako, dahil nabalitaan kong ikakasal na si Josepha at ang lalaking matagal ko ng iniibig. 

Akala ko makakalimutan ko siya kapag sa ibang bayan ako nag-aral. Pero, ang malamang sa kakambal ko siya ikakasal, bumalik lahat ng alaala at damdamin na kay tagal kong itinago sa hangin.

Wala nga pala akong karapatang masaktan dahil sa simula pa lang wala namang pumilit sa akin na maramdaman ko ito. Pero umasa ako na sa aking pagbabalik ay magkakaroon na ng pagkakataon ang nararamdaman ko sa kanya, ngunit sa huli bigo ako sa aking unang pag-ibig. 

"Uy, Josephina, tayo na at baka mahuli tayo sa pagdiriwang!" tawag sa akin ni Soledad, ang aking kababata. Kahit sa kaniya ay 'di ko man lang nasabi ang aking pinakainiingatang lihim. 

Nang makarating kami sa bahay ng mga Lopez, hindi ko mapigilang kabahan. Pinagpapawisan ako ng malamig. Para akong maiihi ng wala sa oras. 

Hingang malalim, Josephina. Hindi maari iyang nararamdaman mo. Kailangan mong harapin ito at magpatuloy sa buhay. 

Tanaw ko mula sa aking kinaroroonan ang dalawang pares ng taong magkahawak kamay at masayang binabati ang mga bisita.

Napapangiti ako sa kawalan dahil nakikita ko ang aking kakambal na lubos ang kagalakang nadarama. Dumako ang aking mata sa lalaking minahal ko ng lihim at nakikita kong masaya rin siya. 

Siguro nga tama na itong nararamdaman ko. Ititigil ko na ito dahil wala itong patutunguhan.

May mga tao talagang dumadating sa ating buhay na hindi natin namamalayan. Ngunit hindi ibig sabihin na dumating sila ay mananatili sila. Minsan dumadating sila para bigyan lamang tayo ng leksyon at gawin natin iyong inspirasyon. 

Itatago ko na lang sa hangin ang aking pag-ibig na kay tagal kong inilihim. 

Lumapit ako sa kanila at binati sila ng ubod ng saya. 

May isang lalaki rin na lumapit sa kanila at binati sila.

Dug-dug. Dug-dug. Dug-dug.

Sinabi ko bang may mga tao na dumadating sa buhay natin na hindi natin namamalayan?  

Josephine (Itatago Na Lang Sa Hangin/One Shot Story)Where stories live. Discover now