Cracks Of Shadows

21 2 0
                                    


NAALIMPUNGATAN si Shanti nang makaramdam ng bahagyang panginginig ng katawan dahil sa lamig. Noon lang niya namalayang hubo't hubad pala siya sa loob ng manipis na kumot ng kanilang higaan. Naroon sa kanyang tabi ang asawang si Brandon, na tulad niya'y wala ring saplot. Nakayakap ito sa kanya, at ganoon din siya habang nakahilig sa matipuno nitong dibdib. Ngunit hindi nakatulong ang prisensya nito upang maibsan ang lamig na bumabalot sa kanyang buong katawan. Pakiramdam niya'y mag-isa lamang siya. Mag-isang naliligaw sa kadiliman ng gabi.

Anong nangyari? Lumuluha niyang tanong sa sarili. Muli pa niyang ipinikit ang mga mata upang pilit hanapin sa isipan kung ano ang kanyang natatandaan sa mga nakalipas na sandali, ngunit wala. Nananatili siyang blangko't wala nang maalalang kahit na ano, maliban lamang sa paghahanda niya ng almusal kaninang umaga.

Muli na naman siyang nakaramdam ng matinding pagkaawa sa sarili. Hindi dahil sa ayaw niya sa kanyang asawa-God knows how much she loves this man-kundi dahil sa mga kaganapang dapat ay alam niya at may malay siya. Gusto niyang maramdaman ang asawa sa piling niya at nakikitang nakangiti sa kanya, habang pinagsasaluhan ang kanilang pagmamahalan. Ngunit ang mga simpleng bagay na iyon ay sadyang kay hirap matupad. Tila pag-aasam na maabot ang mga bituin sa kalangitan, na sadyang kailanma'y hanggang pangarap na lang.

"I love you... Samantha..."

Biglang nangunot ang kanyang noo at nagtatakang tiningala ang asawa. Ngunit mahimbing pa rin itong natutulog. Himbing na himbing at may kalakip pang ngiti sa mga labi, na para bang naging napakaganda ng buong araw nito.

Pati ba naman sa pagtulog ay siya pa rin? Ano bang meron sa kanya? Dapat ba akong mainggit?

Mabilis ang ginawang pag-uunahan ng kanyang mga luha sa isiping iyon. Tila muling dinurog ang kaperaso ng kanyang puso na dati nang basag, upang sadyain at dagdagan pa ang kanyang pagdurusa.

Tahimik ang kanyang paghikbi at maya't maya ang ginagawang pagpunas ng mga luha sa pisngi. Ingat na ingat siyang huwag magising ang asawa sa kanyang mga kilos, dahil ayaw niyang makita siya nitong umiiyak sa kalagitnaan ng gabi't hindi rin niya alam ang isasagot sakaling magtanong ito kung bakit. Mas mabuti nang kimkimin na lamang niya ang lahat hanggat kaya pa niyang manahimik. Handa siyang magpakamartir at magpakamanhid kung iyon lamang ang tanging paraan para hindi tuluyang mawala sa kanya ang pinakamamahal na asawa.

MAKAILANG ulit na sinuri ni Shanti ang kanyang sarili sa harapan ng salamin. Kahit anong paikot-ikot niya'y wala naman siyang makitang masama sa kanyang hitsura. Maliban na lang sa malaking salamin sa mata na noon pa ma'y nakasanayan na niyang gamitin dahil sa panlalabo ng kanyang mga mata.

Oo, isa siyang nerd sa paningin ng nakararami at para sa iba ay kasalanan ang pakasalan siya ni Brandon. Si Brandon Monte Verde, na isang kilalang young heartthrob Action Star; sikat na artista, kilala sa industriya, at tinitingala ng nakararami. Samantalang siya, kahit na nanggaling sa isang mayamang pamilya'y hindi tanggap ang kanyang hitsura. Kahit na sabihing childhood friend pa niya si Brandon at tanggap siya ng lalaki'y mali pa rin iyon sa paningin ng iba.

Idagdag pa ang masaklap na katotohanang isa siyang rape victim. At ang malala pa'y naisapubliko ito nang magsampa siya ng kaso dahil sa isang anak ng kongresista ang salarin. Matagal-tagal siyang namuhay noon sa kadiliman at takot dahil sa pinsala't trauma na idinulot nito sa kanya-na nag-iwan pa ng kasumpa-sumpang sakit sa kanya.

"Oo. May hitsura naman ang bruha. Pero hindi pantay ang level niya sa kaguwapuhan ni Brandon, e! They're more like, 'Ang Yaya at Ang Boss.' O 'di kaya naman, 'Heartthrob and The Witch!"

"Malamang ginayuma lang niyan si Brandon kaya siya pinatulan! E, halata namang mas malabo pa sa mga mata ng babaeng 'yan ang chance na magkagusto si Brandon sa kanya!"

Cracks Of ShadowsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon