Episode 0

97 8 0
                                    

Lakad takbo ang ginagawa ko sa isang lugar na hindi ako pamilyar. Puro punong kahoy ang nakikita ko, ang nasa paligid. Walang bahay, walang ibang bagay at walang ibang tao bukod sa akin. 

Takot na takot akong napalingon sa aking likuran nang may marinig akong ingay, isang nakakakilabot na ingay. Sa madamong daan na tinahak ko kanina ay tila may isang mabangis na hayop na dumaan dito dahil ang matatayog na damo ay biglang nagsidapaan.

Paulit-ulit akong lumunok at muling tumakbo nang mabilis palayo. Palayo sa lugar na hindi ko matukoy kung ano ang dulo at kung saan patungo.

"Aray!" Napangiwi ako at napaupo sa maputik na daan nang may tumusok sa talampakan ko.  Nang tignan ko ito ay lalo akong nakaramdam ng panghihina dahil sa dugo mula sa sugat na tinamo ko dahil sa pagkakatusok sa isang nakausling kahoy. "Please.. tulong! Tulungan niyo ako.." Umalingawngaw ang malakas kong tinig. Bukod sa hikbi kong palakas nang palakas ay wala na akong ibang naririnig. Malabong may tutulong sa akin sa lugar na ito. Dahil maging ako ay hindi ko alam kung saang lupalop ba ito mundo.

Nasaan ba ako?

Bakit ako narito?

Umihip ang isang malakas na hangin na siyang nagpayakap sa aking sarili. Nilalamig na ako. Ramdam ko na rin ang pagod at sakit ng aking katawan dahil sa walang tigil na pagtakbo patungo sa kawalan.

Pinunit ko ang laylayan ng aking damit at itinali ito sa aking talampakan kung saan hindi tumitigil ang pagtulo ng dugo. Nanginginig ang aking dalawang kamay habang ipinupulot ang kapirasong tela.

"Ahhh!" Namimilipit kong sigaw nang higpitan ko ang pagkakatali ko sa tela. Ramdam ko man ang kirot ng aking sugat ay pinilit kong tumayo mula sa aking pagkakaupo.

Hindi ko man maihakbang ng maayos ang aking paa ay hindi ako nagpatinag, nagpatuloy ako sa paglalakad. Natatakot man ay pinilit ko paring lakasan ang aking loob upang makalabas sa lugar na ito, para makalayo sa panganib na nag-aabang sa akin.

"Tulong! Tulong! May ibang tao ba rito? Tulungan niyo ako!"

Walang tigil kong pagsigaw.

"Tulungan niyo ako, please.." Hindi ko na mapigil ang aking paghikbi maging ang aking luha. "Nasaan ba ako?" Dahil sa sobrang pagod ay tuluyan ng bumigay ang aking tuhod. Napaupo na lamang ako sa gitna ng mga nagtataasang mga puno. Unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa.

Ibinagsak ko ang aking katawan sa lupa at nakipagtitigan sa maitim na kalangitan. Maging ang langit ay hindi ako mabigyan ng kaunting liwanag upang malaman ko kung saan ako tutungo. Kung ano ang aking katapusan.

"Ahhhhh..." Puno ng kalungkutang sigaw ko saka hinayaan ang sunod-sunod na pagbagsak ng mainit na likido mula sa aking mata. Tuluyan kong pinakawalan ang malalakas na iyak hanggang sa makaramdam na ng pagod ang aking mata at bago pa man ako lamunin ng dilim ay may naaninag akong isang babae. Nakangiti ito habang nakalahad sa akin ang kaniyang kamay.

Nagising ako dahil sa isang patak ng malamig na tubig sa aking pisngi. Dahil sa gulat ay napabangon ako at mabilis na luminga sa aking paligid. Nasa sariling kwarto ako. Nasaan na yung nagtataasang punongkahoy? Nasaan na ang maputik na daan? Wala sa sarili akong napatingin sa aking paa. Malinis ito at walang bahid na kahit na anong putik o kahit na anong dumi. Panaginip lang ba iyun?

Napahinga ako ng malalim saka bumaba sa aking kama. Gano'n na lamang ang pagkakangiwi ko nang makaramdam ako ng kirot mula sa aking talampakan. Mabilis ko itong tinignan at mabilis na nanlaki ang aking mga mata nang makita ang sugat doon. Para akong biglang nanghina, muli akong napaupo sa kama habang nakapaskil ang pangamba sa aking mukha. Kung gano'n ay hindi 'yun panaginip. Totoo ang lahat ng 'yun. Kung gano'n, sino ang nag-uwi sa akin? Sino ang tumulong sa akin? Yung babae.. yung babaeng nakita ko bago ako tuluyang mawalan ng malay.

Sino siya?

Dirty Little SecretWhere stories live. Discover now