Chapter 5

487 12 0
                                    

CHAPTER FIVE

SAKAY ng barkong papuntang Davao si Reine nang umagang iyon. Sa wakas ay pinayagan din siya ng kanyang mommy. Tinapos lang niya ang semester at balak na sa Davao na ipagpatuloy ang dalawa pang nalalabing semester bago siya makatapos ng Business Administration.
Masakit mang tanggaping walang nangyaring maganda sa kanyang first love ay kalilimutan na lang niya si Lyon.
Nasa Davao ang pamilya ng kanyang mommy. Buhay pa ang kanyang Lola Tarsing. Nang huli nila itong dalawin ay noong kamamatay lang ng kanyang daddy. Sampung taon lang siya noon.
Ngunit si Lyon pa rin ang nasa isip ng dalaga sa gitna ng paglalayag ng barkong sinasakyan.
Kung si Janice nga na maganda na, hindi niya sineryoso, ako pa? sabi niya sa sarili habang nagpapahangin sa upper deck, sa tabi ng railings.
Nang matawag ang pansin niya ng dalawang babae. Ang isa'y matanda na, puti na ang buhok at may hawak nang tungkod sa paglakad. Ang kasama nitong umaalalay ay tantiya niyang nasa mid-thirties ang edad.
Naalala ni Reine ang kanyang Lola Tarsing. Siguro'y mga ganito na rin katanda ang kanyang abuela.
"Lola naman, huwag sabi kayong lumapit sa railings, delikado na para sa inyo," saway ng babaeng nakasunod sa matanda.
"Pabayaan mo nga ako, Lucy! Gusto ko lang magpahangin."
Nangiti si Reine sa pagiging matigas ng ulo ng matanda.
Sa may kinaroroonan niya lumapit ang matanda.
"Lola, delikado nga ho, eh. Baka madulas kayo't mahulog. Lagot ako kina Senyorito 'pag nagkataon," sabi ng tinawag na Lucy.
"Ginagawa mo akong parang bata, Lucy."
Napatingin sa kanya ang matanda. Nginitian siya.
"May katwiran naman ho si Lucy na paalalahanan kayo, Lola. Delikado kasing madulas kayo dito sa tabi ng railings," aniya na sumungaw ang palakaibigang ngiti sa mga labi.
"Gusto ko lang lumanghap ng sariwang hangin, hija. Hindi ko nalanghap ito sa Manila. Kaya nga ayokong mag-eroplano at mag-helicopter. Dahil gusto kong makalanghap ng hanging-dagat."
"Saan po ba ang punta n'yo?"
"Sa Davao City kami, hija."
"Pareho ho pala tayo."
"Tagaroon ka ba?"
"Tagaroon ho ang mommy ko. Nandoon ang mga kamag-anak namin."
"Masarap magbiyahe sa barko, hindi ba, hija"
"Oo nga ho."
"Ano nga pala'ng pangalan mo?"
"Reine po."
"Reine, bakit naman tunog-ulan?"
"Regina Marie ho ang full name ko."
"Ako naman si Candida San Juan viuda de Llanes. At ito si Lucy. Treinta y kuwatro na pero dalaga pa. Tumandang dalaga sa kaaalaga sa akin."
Natawa ang matanda. Ganoon din si Lucy.
"Pero 'Lola Candeng' na lamang ang itawag mo sa akin. Sino nga pala ang kasama mo sa biyaheng ito?" patuloy nito.
"Nag-iisa lang po ako."
"Bakit? Nasaan ang mga magulang mo?"
"Ulila na po ako sa ama. Ang mommy ko naman ay naiwan sa Manila. Nag-asawa na po kasi siya."
"At dahil nag-asawa na'y pinabayaan ka nang mag-isa?"
"Hindi naman ho," sagot ni Reine na hindi naitago ang kalungkutan sa tinig.
"Maaga rin akong nabiyuda, hija. Kuwarenta y kuwatro anyos pa lamang ako noon. Pero hindi ko na hinangad ang mag-asawa pa uli. Itinaguyod ko na lamang mag-isa ang aking tatlong anak. Magaganda na ang mga buhay nila ngayon. Nasa Amerika na ang bunso ko at may sariling mga restaurant doon.
"Ang aking pangalawa at ang aking panganay ang nagtutulong sa mga negosyong naiwan ng aking esposo. Ang gusto ng mga anak ko ngayon ay magbilang na lamang ako ng mga apo at apo sa tuhod. Ang hindi nila alam, lalong nakapanghihina ang walang ginagawa."
Marami pang ikinuwento si Lola Candeng. Likas itong magiliw at palakuwento. Mayamaya'y inutusan nito si Lucy na bumili ng pagkain para sa kanilang tatlo.
Amused na amused si Reine sa pakikinig sa mga kuwento ni Lola Candeng. At iyon ang kanyang ikinatutuwa. Para bang napakadali siyang kinagiliwan at kinagaanan nito ng loob.
Salamat naman at nakakita siya ng kaibigan sa barko. Hindi magiging kabagot-bagot ang dalawampu't apat na oras na kanyang biyahe.
Inimbita pa siya ng matanda sa first-class cabin nito. At gabi na nang lumabas siya roon.

MALALIM na ang gabi pero nasa labas pa ng kanyang cabin si Reine. Mas gusto niyang magpahangin sa deck. Maalinsangan kung hindi lang pinapawi iyon ng malakas na hanging-dagat.
Hindi niya maiwasang muling maalala si Lyon.
Magkita pa kaya sila uli ng binata?
Kinakapa ng dalaga sa sarili kung ano pa ang natitirang damdamin para dito. Galit ba siya sa lalaki?
Hindi naman galit. May hinanakit lang dahil hindi ilang ulit na pinagtawanan siya ni Lyon.
Ngunit hindi naman niya masisisi kung hindi man siya tinapunan ng interes ng binatang ginagawa lamang libangan ang magagandang babae.
Magaganda... hindi katulad niya!
Tumingin siya sa tubig. At para niyang nakita roon ang guwapong mukha nito na pinagtatawanan siya nang tunggain niya ang vodka na akala niya'y juice.
Hindi lang pangit si Reine. Ignorante pa sa maraming bagay. Hindi siya kasinsopistikada ni Janice. Hindi siya puwedeng ipang-display at ipagmalaki.
Gusto kong gumanda. Gusto kong magbago para sa muli naming pagkikita ni Lyon.
Tinawag ng fire siren ang kanyang pansin. Ang akala niya at ng ilan pang pasaherong nasa deck din ay fire drill lamang iyon.
"Pero bakit wala man lang silang announcement na magkakaroon ng fire drill?" tanong ng isang babaeng malapit sa kanya. "Kung magkakaroon ng fire drill, dapat ay inilalagay nila iyon sa newsheet na ibinibigay nila sa bawat cabin. Bakit biglaan?"
Kinabahan si Reine.
"Totoo ang sunog! Hindi fire drill lang!" sigaw ng isang lalaki.
Nagsimulang maalarma ang iba pa. Lalo na nang makita nila ang usok sa isang bahagi ng barko.
Mayamaya pa'y narinig na nila ang boses ng kapitan ng barko.
"Your attention please..." sabi nito sa tinig na kalmado pa rin naman. "Don't panic. Wala ho kayong dapat ipag-alala. Isang maliit na sunog lang ang nasa engine room."
"Wala naman palang kaso iyon, eh," sabi niya sa ilang naroroon.
Pero nagtaka pa sila nang magsalita ang isang crew ng barko.
"Kunin n'yo na ang mga life jackets n'yo. At magpunta na kayo sa mga lifeboats na lilipatan n'yo. Huwag kayong magpa-panic at magkakagulo para maayos ang lahat!"
Muli siyang kinabahan. "Akala ko ba, maliit na sunog lang sa engine room, bakit ililikas ang mga pasahero?"
Mayamaya pa'y nagtakbuhan na ang mga tao papunta sa isang direksiyon. Sa kinaroroonan ng mga lifeboats na paglilipatan sa kanila.
Panay ang paalala ng kapitan ng barko na huwag mag-panic ang mga pasahero, ngunit parang walang nakakarinig niyon. Nagsisimula nang mag-panic ang marami. Nagkakagulo na. Nagsisigawan. Nagtatakbuhan.
"Malaki na ang sunog!" sigaw ng ilan.
Sa tingin ni Reine ay mas seryoso ang sitwasyon kaysa sa ini-announce ng kapitan.
Bigla niyang naalala ang mga nakaraang sakuna sa dagat kung saan maraming namatay.
Diyos ko! Katapusan ko na po ba ito?
Nakita niyang kumakapal ang maitim na usok. Nagising na ang mga natutulog nang pasahero kaya lalong nagkagulo.
Bigla siyang nangatog mula ulo hanggang paa. Sa ilang saglit ay naparalisa siya at pinanood na lamang ang mga taong nagkakagulo. Naroong mabunggo na lamang siya ng mga taong nag-uunahan na makalipat sa mga lifeboat.
Sa buong buhay niya'y ngayon lang siya nakadama ng ganito katinding takot.
Nakaamba ang kamatayan at siya ay nag-iisa. Walang karamay sa ganitong sitwasyon.
No, ayoko pang mamatay! Kailangang makalipat ako sa lifeboat!
Sumama na si Reine sa hugos ng mga taong nag-uunahan sa lifeboats.
Marami nang umiiyak; nagpapalahaw ng saklolo; nakapangingilabot na ang pag-uunahan sa kaligtasan.
Sa gitna ng ganoong sitwasyon, natawag pa rin ang kanyang pansin ng ilang batang nakakaawa, pati na ang matatandang nagkakandadapa dahil dinadaan-daanan na lamang ng mas malalakas.
At sa dami ng nagkakagulong tao'y kanyang nakita si Lucy.
"S-si Lola Candeng?" Bigla ay naalala niya ang mabait na matanda.
"T-tulungan mo, Reine. I-iniwan ko sa cabin namin ang matanda. Nasa disco kasi ako sa itaas. N-nang balikan ko siya, makapal na ang usok sa corridor papunta sa kinaroroonan ng cabin namin."
Kung tutuusin ay puwedeng-puwede na siyang lumipat sa isa sa mga lifeboat. Pero hindi kaya ng konsiyensiya ni Reine na mamatay ang matandang naging kaibigan kaagad niya.
Gusto niyang makatiyak na kasama ito sa mga makakaligtas.
"Halika, balikan natin siya, Lucy."
"P-pero baka hindi mo na matagalan ang usok, Reine..."
Bigla siyang bumalik sa ibaba. Hindi na niya hinintay na sumama pa si Lucy.
Palaki na nang palaki ang sunog. Sinalubong siya ng makapal na usok nang dumako sa kinaroroonan ng cabin nina Lola Candeng. Sumalubong siya sa mga taong nagkakagulong palabas.
"Lola Candeng!" sigaw niya.
Ang kalooban ni Reine ay pinalakas ng kagustuhang mailigtas ang matanda. Sinalubong niya ang mga taong palabas ng mahabang corridor.
Nang makarinig siya ng boses na pamilyar.
"T-tulong... tulungan n'yo ako!"
Hindi siya nagkakamali. Boses ni Lola Candeng iyon!
"Lola Candeng!"
At sa gitna ng makapal na usok ay naaninag ni Reine ang matandang namamaybay sa gilid ng mahabang pasilyo. Wala ang tungkod nito kaya't nahihirapan itong lumakad.
Nang malapitan niya ang matanda ay niyakap niya kaagad.
"A-ano'ng nangyayari, hija? Are we going to die?"
"Hindi, Lola. Makakaligtas tayo." At kanyang inakay ang matanda papunta sa upper deck kung saan sila makakalipat sa lifeboat. Naroong mabunggo sila ng mga taong nagtatakbuhan. Natumba si Lola Candeng, ngunit pilit niyang itinayo.
At kahit hirap na hirap na, pinilit niya itong dalhin papunta sa kaligtasan.
"Unahin n'yo itong matanda!" sigaw ni Reine sa mga taong nag-uunahan at nagbabalyahan, habang si Lola Candeng ay panay ang usal ng dasal, hawak-hawak ang rosaryo.

"HINDI talaga namin alam kung papaano kang pasasalamatan for saving our mother's life, Reine," sabi ng panganay na anak ni Lola Candeng na si Celso.
"Kung hindi dahil sa iyo, malamang na hindi na namin nmakita si Mama," segunda ni Alma, ang pangalawang anak.
Kasama sila sa maraming nakaligtas sa nasunog na barko.
Agad silang sinundo ng pamilya ni Lola Candeng nang mabalitaan ang sakuna. Nag-iiyakan na ang mga ito sa pag-aalalang kasama sa mga hindi nakaligtas ang kanilang mama.
Nakaligtas din si Lucy, ngunit dahil sa hiya nito sa mga Llanes ay hindi na ito nagpakita pa.
"Mahal na mahal namin ang mama namin. Siya na lang ang pinakamahalagang tao sa aming pamilya," sabi ni Celso.
"How can we repay you sa ginawa mo kay Mama, Reine?" tanong ni Alma.
"Tama na ho 'yong pasasalamat ninyo."
Kinabukasan pa nakauwi si Reine sa bahay ng Lola Tarsing niya dahil na rin sa kagustuhan ng pamilya ni Lola Candeng.
Pagkatapos ng pagkakaligtas niya sa matanda ay itinuring na siyang importanteng kaibigan ng mga Llanes.
Nang mga sumunod na araw ay ipinasyal pa siya ng mga ito sa malawak na farm ng pamilya. Hindi akalain ng dalaga na ganoon kayaman ang pamilya Llanes. Bukod sa malaking processing food factory, kung saan ang mga pangunahing produkto ay mga canned fruits and juices, pag-aari ng mga ito ang isa sa pinakamalaking hotel and resort sa Davao.
"Hindi mo pa sinasagot ang itinatanong ng mga anak ko, Reine. Paano ba namin masusuklian ang pagliligtas mo sa buhay ko?" tanong ni Lola Candeng habang sakay sila ng Land Rover at naglilibot sa malawak na hacienda.
"Hindi naman ho ako humihingi ng kapalit, Lola Candeng."
"Okay, let's put it this way. Sa paanong paraan kami makakatulong sa iyo?"
Simple lang ang isinagot niya. "'Pag graduate ko ho, gusto kong maging successful businesswoman katulad ninyo."
"Talaga? Palagay ko'y hindi ka mahihirapan, hija. Tutulungan ka namin, all the way hanggang sa makarating ka sa pangarap mo."

Man of My Dreams (The Tamed Lion) - Cora ClementeOù les histoires vivent. Découvrez maintenant