Chapter 5

725 9 0
                                    

CHAPTER FIVE

ANG PAKASAL kay Bradley Sarmiento ay ang kahuli-hulihang bagay na gagawin niya.
Pero handa na ba siyang ipagtapat kay Trixie kung ano ang kabayarang hiningi ni Bradley sa malaking pagkakautang nito — at habambuhay makita ang guilt sa mukha ng kapatid? Handa na ba siyang maging dalagang-ina? At kaya ba niyang tanggapin at mahalin ang batang bunga ng paniningil ni Bradley?
At habang gusto niyang burahin sa buong sistema niya si Bradley ay mukhang wala itong balak patahimikin pa siya matapos nitong malamang buntis siya.
Maaga pa kinabukasan ay nasa harap na ng kanyang apartment ang sasakyan nito.
Hindi pa ito kumakatok ay binuksan na niya ang pinto. Hindi dahil excited siyang makita ito kundi dahil gusto niya itong ipagtabuyan kaagad.
"Ano'ng masamang hangin ang nagdala sa iyo rito?"
"Hindi masamang hangin. Kundi ang apat na gulong ng kotse ko."
"Hindi nakakatawa. At hindi ako nakikipagbiro sa iyo, Mr. Sarmiento. Bakit ang aga-aga mong naninira ng araw?"
"I came here para ayusin ang mga dapat ayusin, Alison."
"Walang dapat ayusin, Bradley."
"Kung wala kang malasakit sa batang dinadala mo, ako'y mayroon. If you hate me, fine with me. Pero ang main concern ko ay ang sa akin, at iya'y ang anak kong nasa tiyan mo. Isa lang ang ipinakikiusap ko sa iyo, buhayin mo siya at ipanganak, at kukunin ko siya sa iyo. Pagkatapos ay hindi na kita gagambalain pa."
"Ano'ng akala mo sa akin, palahian?"
"Sa tingin ko'y hindi mo matanggap ang batang nasa katawan mo dahil ako ang ama at iniisip mong ni-rape kita."
"Iyon naman ang totoo hindi ba?"
"Be mature enough, Alison. Tanggapin mo ang offer ko. Pakasal ka sa akin para mailagay sa ayos ang kinabukasan ng bata."
Iginala ni Bradley ang tingin sa kabuuan ng apartment na bukod sa hindi kalakihan ay nababakbak na ang pintura sa kalumaan.
"Natutuwa ka sigurong makitang ganito na ako kamiserable ngayon? Isang maliit na apartment. Malaki pa ang dating servants quarter na tinutulugan n'yo ng nanay mo sa malaking bahay namin noon."
"Bakit hindi mo bawiin ang mga inagaw ni Jigo sa inyong magkapatid? Bakit kailangang dito ka tumira?" May concern sa tinig ni Bradley na hindi mapaniwalaan ni Alison.
"Huwag mo akong papaniwalaing ikinalulungkot mo ang pagbagsak namin, Bradley. Alam kong ikinatutuwa mong makitang kami naman ang nasa ilalim."
"Ganyan ba kasama ang tingin mo sa akin? Na ikinatutuwa ko ang lahat ng nangyayaring masama sa kapwa ko?"
"You hated me and my family, hindi ba? Dahil sa pagpapalayas sa inyo nina Mama matapos mong itulak sa hagdan si Trixie?"
"For God's sake, Alison. Hindi ko itinulak si Trixie!"
"At mas may mabigat kang dahilan para magalit sa aming mag-anak kung hindi mo pala talaga itinulak si Trixie."
"Huwag na nating ungkatin pa iyon, Alison. Nagpunta ako rito para sa magiging anak ko."
"Wala pang two months ang tiyan ko. Hindi pa buhay kundi isang kimpal ng dugo."
"Dugo mo at dugo ko."
"Ayokong magkaroon ng bagay na mag-uugnay sa atin, Bradley."
"Dahil hindi mo matanggap na may dugong busabos ang anak mo? Matapobre lang talaga ang mama mo at hindi kayo naturuang maging mapagpakumbaba. Kahit ngayong wala na ang dating kapangyarihan ng pamilya n'yo, matayog ka pa rin."
"Hindi ko lang matanggap na mapakasal sa isang lalaking nagsamantala sa pagtitiwala ko."
"Kinamuhian ko rin kayo nang makita kong magmakaawa at halos lumuhod ang inay ko huwag n'yo lang kaming palayasin sa bahay n'yo nang mahulog sa hagdan si Trixie. Pero sa halip na pakinggan ng mama mo si Inay na galing sa sakit, para kaming mga asong ipinagtabuyan at ihinagis ang mga damit sa labas ng bakuran. Pero bakit nagagawa kitang alukin pa ng kasal?"
Namagitan ang mahabang katahimikan. Si Alison ang hindi makatitig kay Bradley. Kung alam lang ni Bradley na awang-awa siya sa mag-ina noon. Kung paanong nagmakaawa rin siya sa mama niya na huwag nang palayasin ang mag-ina... kung paanong gusto niyang habulin noon sina Susan at Bradley... kaya lang ay ano ba ang kayang gawin ng isang sampung-taong gulang na bata?
Tinangka niyang habulin ang mag-ina para ibigay ang piggy bank niyang puno na ng pera ngunit inawat siya ng kanyang yaya.
"Kung hindi ka magpapakasal sa akin, paano mong ipaliliwanag ang pagbubuntis mo? Ano'ng sasabihin ng mga in-laws ni Trixie? Kilala ko sila, mga konserbatibo sila at mahalaga sa kanila ang moralidad. "
Hindi pa rin tuminag sa may pinto si Alison.
"Kung hindi mo tatanggapin ang offer kong kasal, paano mong palalakihing mag-isa ang bata? Ulila ka na. Nasa Davao ang karamihan ng malapit na pamilya. Mga kamag-anak na nangawala na rin kasabay ng pagkalusaw ng kayamanan ninyo. Aminin mo man o hindi, kailangan mo ang katuwang, Alison. Kapag ipinanganak mo ang bata, bibigyan pa kita ng pera para makapagsimula ka ng bagong buhay."
Wala pa ring imik si Alison.
"Katulad ng sinabi ko, formality lamang ang lahat at para sa kapakanan ng bata. Hindi natin kailangang magsama at wala ring commitments."
Nanatiling nakatayo si Bradley sa tapat ng pinto ng apartment, naghihintay ng desisyon ng dalaga. Isang makahulugang titig lamang ang isinagot ni Alison sa binata, nagbabadya ng pagsang-ayon.
"Alison... isang tahimik na wedding o isang en grandeng kasal na katulad ng kay Trixie? Alam ko namang mahilig kayong magkapatid sa extravagance at glamour."
"No, Bradley. Isang simpleng civil wedding lang. Bukod sa hindi naman dapat ipangalandakan pa ang kasalang ito, I certainly don't want a glamorous wedding. "
Umaliwalas ang mukha ni Bradley nang marinig ang preference niya ng kasal.
"So, that means... " Tumaas-bumaba ang balikat nito habang nakangiti na para bang nagyayabang sa sarili na nanalo na naman ito. Napapayag siya nitong pakasal.
Bigla tuloy ay gustong bawiin ni Alison ang nasabi.
"Pasalamat ka't may takot ako sa Diyos, kundi, alin sa dalawa ang ginawa ko. Patayin ang batang ito sa tiyan ko o ako ang magpakamatay... but no, hindi ko ibibigay sa iyo ang satisfaction na makitang nagpakamatay ako dahil lang sa kagagawan mo. Hindi pa rin ako magpapatalo at magmamakaawa sa iyo."
"Alam ko namang hindi magpapakumbaba ang isang del Rio sa isang anak lang ng dati nilang katulong. Pero hindi na importante iyon ngayon. Ang mahalaga'y pumayag ka nang pakasal sa akin."
"May choice pa ba ako kung ginipit mo na ako nang husto? Gumawa ka ng trap para sa aming magkapatid at tiniyak mong wala na akong lulusutan."
"Salamat naman at ibinaba mo ang pride mo para sa bata. Now, can I come in? Medyo nangangawit na ako sa katatayo rito sa labas."
Ramdam ni Alison, Bradley was tyring to be friendly dahil sa anak nitong dinadala niya. Ngunit hindi niya iyon tinugon. Hindi ibig sabihing pumapayag na siya sa iniaalok nito ay binubuksan na niya ang pinto para dito. She still hated the fact na isisilang niya ang bunga ng paniningil nito.

"WHAT? Boyfriend mo si Mr. Sarmiento, Ate?" hindi makapaniwalang tanong ni Trixie nang tawagan ni Alison via long distance. Hindi pa tapos ang isang buwang paglilibot ng mag-asawa sa iba't ibang panig ng mundo bilang bahagi ng kanilang honeymoon. "Iyong Mr. Sarmiento'ng pinagkakautangan ko?"
"Mismo."
"How come? Don't tell me, dahil lang sa dinner-date na hiningi niya sa iyo, niligawan ka na."
"Iyon ang nangyari. Pero huwag kang mag-alala, nangako siya sa akin na hindi na babanggitin kahit kailan kay Gerard ang tungkol sa malaking utang mo. Puso ko na at buong ako ang ibabayad mo, may tubo pa siya." Pinilit maghimig nagbibiro ni Alison sa kapatid upang hindi nito mahalata ang totoong mabigat na sitwasyong kinaiipitan niya.
"We'll, I'm happy for you, Ate. Mabuti naman at naging praktikal ka rin sa pag-aasawa."
"And we're getting married, sis."
"What?"

PANIWALANG-PANIWALA sina Trixie at Gerard na magnobyo ang dalawa. Pagkagaling ng mga bagong-kasal mula sa isang buwang honeymoon ay dumalaw ang dalawa sa mansiyon ng mga Ferrera.
"Masyado mo naman akong ginulat, Ate. Isang buwan pa lang akong nakakasal, ikaw naman ang magpapakasal ngayon kay Mr. Sarmiento." Nasorpresa ngunit halatang maligayang-maligaya si Trixie para sa kapatid.
"It was a whirlwind romance," sabi ni Bradley na may pahawak-hawak pa sa kamay ni Alison habang magkakaharap sila sa isang mesa sa hapunan.
Si Alison ang naiilang sa pagkukunwaring kailangan nilang gawin ni Bradley sa harap ng iba.
"I'm happy for you, pare. Finally, you've found the right woman. These past few years, walang ginawa ito kundi ang isubsob ang ulo sa mga negosyong iniwan sa kanya ng stepfather niyang si Don Menardo," ani Gerard.
Nagbungguan pa ng mga palad ang dalawang lalaki.
Mayaman palang talaga ang stepfather ni Bradley. Parang isang tutubing karayom na sumakay sa agila. Mas mataas pa ngayon ang lipad sa agila, sa loob-loob ni Alison. Nayayabangan pa rin siya kay Bradley. Para sa kanya'y hindi ito bagay sa mataas na katayuan nito ngayon. O dahil naiinsulto ang pride niya sa nagkabaligtad nilang katayuan sa buhay.
"Tinamaan talaga ako ng true love, Gerard," sabi pa ni Bradley na binuntutan ng malagkit na tingin at kindat si Alison.
Bakit ba may feeling si Alison na may halong katotohanan ang mga sinasabi ng binata at hindi bahagi lang ng pagkukunwari nito?
"Sabi ko sa sarili ko nang makita ko si Alison, ito ang babaing pakakasalan ko at hindi ako titigil hangga't hindi ko siya nagagawang Mrs. Bradley Sarmiento."
"You're such a lovely pair," pagbibigay-compliment ni Gerard sa dalawa. "Kailan ba ang kasalan?"
"Next week na. Pero hindi rito. Sa Australia sana namin gustong magpakasal."
Napatingin si Trixie kay Alison.
"Para sakaling maisip ni Bradley na makipag-divorce ay puwede anytime."
"No, ikaw ang may gusto no'n, Ali. Dahil kung ako ang masusunod, mas gusto kong dito sa Pilipinas tayo magpakasal. Isang en grandeng kasalan na hindi nalalayo sa kasal nila."
Totoo ba sa loob ni Bradley ang sinasabi o bahagi ng palabas nito?
Natiyak ni Alison na hindi natatandaan ni Trixie si Bradley. Kunsabagay, walong taon lang si Trixie noon. Baka hindi na nito gaanong naalala si Bradley. Pero mabuti na nga muna siguro ang ganoon. Kapag nakasal na sila, saka na lamang niya ipagtatapat dito kung sino si Bradley at kung ano ang ginagawa nito sa kanilang buhay.

MABILIS na naganap ang kasalan. Pagkalipas lang ng isang linggo ay lumipad papuntang Australia sina Bradley at Alison, kasama sina Trixie at Gerard na tumayong witness sa kasalan.
Pagkalipas ng tatlong araw ay nauna nang nagbalik sa Pilipinas sina Trixie. Nagpaiwan pa ang mga bagong-kasal para hindi makahalata ang mga kasama na hindi naman sila totoong in love sa isa't isa.
Mabuti na lamang at nagawang itago ni Alison sa kapatid ang mga sintomas ng paglilihi na nararamdaman niya. Ayaw niyang makahalata at magtaka ang kapatid. Saka na niya sasabihin ditong buntis siya.
Malungkot at may panghihinayang na pinagmasdan ang gold ring na nasa marriage finger niya at inilagay ni Bradley doon.
Sa pagtataka niya, isang pari ang nag-officiate ng kasal nila sa isang simbahan sa Australia. Hindi niya akalaing iyon ang isinaayos ni Bradley sa tulong ng isang kaibigan. Hindi na siya nakatanggi sa pag-aalalang makahalata ang mga sumaksi sa kasal nila.
"Bradley, wear this ring as a symbol of my everlasting love..." parang naririnig pa niya ang sarili na sinabi iyon habang isinusuot sa daliri ni Bradley ang singsing na kahalintulad ng singsing na suot niya ngayon.
Isang mamahaling singsing na dahil sa nakakoronang diamond ay kayamanan na ang halaga para sa iba. Alam niyang maraming babaing maiinggit sa kanya sa oras na makita ang singsing na iyon sa kanyang daliri.
Bakit kailangang paghandaan at gastusan pa ni Bradley ang kasal nilang iyon?
Ano'ng ibig sabihin ng lalaking ito? Sinisilaw ba siya nito sa mamahaling mga alahas? Nililigawan ba siya dahil sa bata?
Kahit balutin mo pa ng diamonds ang katawan ko, hindi pa rin mabubura niyon ang malaking kasalanan mo sa akin.
Parang naririnig pa niya si Bradley nang sabihin nito ang vows, I take you as my wife, to love, honour and cherish... Gusto niyang mapaso sa klase ng titig ni Bradley sa kanyang mga mata habang sinasabi ang mga salitang iyon. Parang totoo, nakuha pa nitong tingnan siya nang tuwid sa mga mata habang sinasabi ang kasinungalingang iyon.
Alam naman niyang walang kahulugan sa lalaki ang sinabi nito. Iisa lang ang gusto nito. To get even.
Akmang huhugutin ni Alison sa daliri ang singsing nang pumasok si Bradley sa kanilang suite.
Agad nasalubong ng malamlam nitong mga mata ang galit niyang tingin. Nakita niyang papunta ito sa banyo para mag-shower siguro.
"Akala ko ba'y maghihiwalay tayo ng suite kapag wala na sina Trixie?" untag niya sa asawa.
"Para ano pa? Napatunayan mo namang kaya kong panghawakan ang sinabi ko. For three nights mula nang makarating tayo rito sa Sydney ay hindi kita kinanti."
"Dahil hindi na talaga ako papayag na maulit ang nangyari noon sa Villa Royale. Ang batang ito lang ang nag-uugnay sa ating dalawa, hindi na tayo dapat lumampas sa guhit na iyon."
"Hindi na naman tayo magtatagal dito. After two to three days ay babalik na rin tayo sa Pilipinas, bakit kailangan pa akong lumipat ng ibang suite?"
"Hindi ako komportableng kasama ka. As a matter of fact, sa tatlong gabing magkasama tayo sa iisang suite na ito ay hindi ako nakatulog nang mahimbing."
"Ano pa'ng ikinatatakot mo? You're having my child."
"Hindi porke dala ko ang anak mo ay may lisensiya ka nang gawin ang lahat ng gusto mo sa akin. I'm warning you..."
"No, hindi ako lilipat ng suite. Ako ang lalaki kaya hindi mo ako maaaring manduhan na lang. Lalo na kung maglalagay sa akin sa kahihiyan ang gusto mong mangyari. I have my pride. Ano na lang ang sasabihin ng makakaalam na tayong bagong-kasal ay magkahiwalay ng kuwarto?"
"Now, you're talking about pride. E, ako, ano pang pride ang natira sa akin nang samantalahin mo ang tiwala ko? Kung ayaw mong lumipat, ako na lang ang lilipat ng ibang suite."
"You can't do that." Mabilis na pinigil ni Bradley sa bisig si Alison. "All right, ako na ang lilipat," tiim-bagang na sabi nito. "But this will be the last time na susunod ako sa kalokohan mo."

Man Of My Dreams (Mr. Irresistible) - Cora ClementeWhere stories live. Discover now