01

1.1K 19 1
                                    

"WALA na tayong problema. Siguro naman ay puwede na nating pag-usapan ang tungkol sa ating kasal?"

Sa isang coffee shop ng Manila Peninsula, hatinggabi na ay masaya pa ring nag-uusap ang magkasintahang Raoul at Rosette. Mula sa San Lorenzo Village kung saan ipinakilala ng lalaki ang nobya sa nag-iisa nitong kapatid na si Brad. Doon nila naisipang magpalipas ng oras habang pinag-uusapan ang bagay na matagal na nilang pinaghandaan. Naipakilala na rin ni Rossete si Raoul sa kanyang pamilya at wala namang tutol ang mga ito nang banggitin ni Raoul ang tungkol sa kanilang pagpapakasal. Mainit na tinanggap ng pamilya ni Rosette ang kanyang nobyo. Si Brad, kanina, nang banggitin ni Raoul na magbabalak na silang pakasal, sagot nito: "Kayo ang bahala."

Para sa kanila ay wala nang dahilan upang patagalin pa ang kanilang relasyon bilang magkasintahan. Wala sa magkabilang panig ang pagtutol.

At bakit naman magkakaroon?

Parehong sa marangal na pamilya nagmula ang dalawa. Hindi man naging mayamang tulad nina Raoul sina Rosette, malinis ang kanilang karangalan at ipinagmamalaki nila iyon kanino man.

Journalist si Rosette, isang broadcaster sa nangungunang TV network.
Retired commodore naman ang daddy ni Raoul, ang ina ay isa sa mga national heads ng social welfare ngunit sabay na namatay sa isang vehicular accident minsang magbakasyon sa Amerika. Si Raoul ngayon ay isang papaunlad na businessman at ang kapatid nitong si Brad ay isang abiyador ng Philippine Airlines. Ang agwat ng estado ng buhay nila ang dahilan kung bakit alinlangan noon si Rosette. Nag-aalala siyang baka hindi matanggap ng kaisa-isang kapatid ni Raoul. Pero nang magkaharap sila ni Brad, hindi na siya nagdalawang isip nang alukin na ng nobyo ng kasal.

Tanggap siya ni Brad, alam niya. Pero hindi man siya tinanggihan nito, pakiwari niya'y may kulang ang pakikiharap na iyon ng nakababatang kapatid ni Raoul.

Matapos siyang kamayan ay pilitang ngiting nakita niya sa mga labi nito. At hindi nalihim sa kanya ang paghanga ni Brad nang masdan siya nito mula ulo hanggang paa.

"Ganoon lang talaga ang kapatid kong yon," sagot ng kanyang nobyo nang banggitin ni Rosette ang pagiging matamlay ni Brad, "masyadong cool. Matipid sa salita, at mukhang mahirap arukin ang pagkatao. But I tell you, sweetheart, he is the greatest brother in the whole world. Mabait 'yon."

Hindi kumibo si Rosette.

"So, can we now outline the details of our marriage? I want it to be the grandest wedding of the year."

Napawi ang maliit na alinlangan ni Rosette. Nagbukal ang pananabik niya kaugnay ng narinig mula sa kasintahan. Grand wedding... gosh, teenager pa lamang siya ay nangarap na siya ng ganito. Tuwing uma-attend siya ng marangyang kasal noon, naroon ang ambisyong sana, kung siya naman ang ikakasal pagdating ng panahon, ang ibig niya ay ganoon din. Ngayon nga'y waring higit pa sa mga nasaksihan na niyang kasalan ang gustong ihandog sa kanya ni Raoul.

"Sa Manila Cathedral-"

"Definitely."

"Sabay sa pagbubukang-liwayway ng araw." Magkasumping ang mga kamay ni Rosette, nagniningning ang mga mata habang binibigyang buhay sa isip ang mga sinasabi. "It is the greatest start, Raoul... wedding at the break of dawn." Nakangiti pa si Rossete. "Hindi naiisip ng iba yan. Marami ang nagpapakasal pagsapit ng dapit-hapon. Pero para sa akin, ang paglubog ng araw ay karugtong ng kalungkutan sa bawat mag-asawang ikinakasal ng ganoong oras."

Bahagyang natawa ang binata. "Hindi kasali sa usapan natin ang iba, oy. Huwag ka nang mag-broadcast ng kung ano-ano..."

"Ikaw naman."

"What else?"

"It must be a symbolic Filipino wedding."

"I like that," ayon ni Raoul.

Tuloy ang pagpalaot ng imahinasyon ni Rosette. Inisa-isa kay Raoul ang mga detalye ng pagtataling-pusong ibig maranasan. Very costly. Pero walang problema, sabi ni Raoul. Kayang-kaya. Hanggang mabuo sa kanilang imahinasyon ang pangarap nilang kasal. Maraming tanong si Raoul tungkol sa mga sponsors na kukunin nila. Pag-iisipan pa, ani Rosette.

Hati sila sa pagkuha ng mga major sponsors. Si Rosette na ang bahala sa kanyang mga bride's maids, si Raoul naman sa mga lalaking abay. Natapos ang kanilang usapan. "So?" nakangiti si Rosette. "Okay na sa iyo 'yon? Masyadong malaki ang magagastos, Raoul."

"Walang problema."

"So?"

"Let's drink to it."

"Pero... kelan nga ba iyon?"

"Wala pa bang date?" Nakatawa ang lalaki.

"Wala pa."

Ipinasiya nilang huwag munang magbigay ng tentative date para sa kanilang kasal. Pag-iisipan muna nila. Isasangguni muna nila iyon sa matatanda ni Rosette na malaki ang paniniwalang maganda ang pagpapakasal kapag nasa mabuting posisyon ang mga planeta, kometa, buwan, araw at mga bituin. Buong solar system.

"Pasensiya kana, but I'm sure na hindi sila papayag na magpakasal tayo kung kalahati lang ang buwan. Full moon dapat." Tumawa si Rosette.

"Ganoon ba 'yon? Sa panahon ngayon?"

"Wala namang mawawala kung susunod tayo, 'di ba?"

"O sige."

They tossed for a drink. Ngayon ay handa na silang pumaloob sa panghabambuhay na kumpromiso. Patutunayan nila ang wagas na pag-ibig sa isa't isa, that they are willing to give their whole life to one another... forever.

"Wala na akong kawala," biro ni Raoul. "Kung sabagay, wala naman akong balak kumawala. I love you, Rosette."

"I loveyou too, Raoul."

Tinanggap ni Rosette ang lantay na gintong singsing na may diyamanteng tampok sa ibabaw. Iyon ang konkretong sagisag na ang dalaga'y nakatali na, na ito'y nakakompromiso na. Ang engagement ring na iyon ay parang tali na mag-uugnay sa kanilang dalawa. Parang bakod na walang sinumang maaaring makapasok.

Bago sila tuluyang lumabas ng coffee shop, nagyaya ang binata sa dancefloor. Nagsalo sila sa ilang sweet music, mahigpit ang yakap sa bawat isa.

"Pasado alas-dose na, Raoul."

"H-ha?..."

Inihatid ng binata ang kasintahan sa tahanan nito sa Roxas District sa Cubao. Pagkatapos ay ito naman ang mapayapang umuwi sa Makati.

Kung Kailan Mahal Na Kita | DIGNA DE DIOSWhere stories live. Discover now