Chapter 4

3.2K 41 1
                                    

CHAPTER FOUR

NAKIKIDALAMHATI ang panahon sa damdamin niya nang araw na iyon. Malakas ang buhos ng ulan at maputik na ang kanyang sapatos. Mula sa kinaroroonan niya'y tanaw niya ang mga nakipaglibing. Patungo ang mga iyon sa Mausoleo ng mga dela Garza. Tumigil siya sa ilalim ng malaking puno ng Akasya. Walang nagawa ang dala niyang payong dahil basa na rin siya.
Titigil ang ulan at sisikat na muli ang araw. Matutuyong muli ang lupa ngunit ang kanyang mga luha'y patuloy sa pag-agos. Ang araw na ito ang libing ni Robert dela Garza.
He was too young to die. A little over twenty-seven. Ngunit iginupo ito ng karamdaman. Liver failure. Iyon ang balitang ipinarating sa kanya ng Tiya Agnes niya. He became alcoholic right after he married Cheska, two years ago.
Oh, Robert, ano ang ginawa niya sa iyo?
Tanaw niya si Cheska. Nakaitim at nakabelo. Ngunit kahit may takip ang mukha'y kilalang kilala niya ang kakambal. At lalong nabuhay ang poot sa kanyang dibdib. Iisa lang ang hiniling niya rito, ang mahalin si Robert. But she made his life miserable.
I don't know if I can forgive you, Cheska.
Goodbye, Robert. Muli niyang usal nang tumalikod siya. Babalik siya uli sa Bulalakaw, isang munting bayan sa Mindoro. Sa loob ng dalawang taon ay naitatag niya ang sarili doon bilang isang guro. Tinanggap siya ng mga tagaroon bilang isang kababayan.
Nitong nakaraang anim na buwan ay nakapag-patayo siya ng isang paaralan para sa mga pre-schooler. Nagdaraos din siya ng mga special class para sa mga handicapped children. Sa pagtuturo niya ibinuhos ang nakalipas na mga taon ng sama ng loob.
Gusto niyang dalawin ang kanyang Tita Agnes na sa bahay na nila sa San Felipe naninirahan magmula nang mamatay ang tatang niya. Ngunit wala siyang lakas ng loob na magpakita na hindi siya iiyak.

"CHILDREN, repeat after me, okay?" sabay-sabay na nagsagutan ang mga bata. "Okay, here we go...all things bright and pretty..." inulit iyon ng mga bata.
"Very good. Again...all things—" Napatda si Cassie nang hindi sinasadyang malingunan sa pintuan ng classroom si Cheska na nakatayo. "Excuse me, children," aniya at nilapitan ang isang assistant teacher na nasa sulok ng classroom. May sinabi at pagkatapos ay lumabas.
Tuloy-tuloy siya sa labas hanggang sa makalayo ng classroom. "Ano ang ginagawa mo rito?" Naroon pa rin ang galit sa kakambal. Tatlong araw pa lamang mula nang nailibing si Robert.
"Gusto kitang makausap, Cassie," ani Cheska sa mababang tinig na pinagtakhan ni Cassie. Na hindi na rin naman niya pinag-ukulan ng pansin.
"May klase ako."
"Alam ko. At nakahanda akong maghintay kung kailan ka bakante. Gusto kong...humingi ng tawad sa iyo..."
Gustong humalakhak ni Cassie. Gusto niyang masuka.
"Alam ko ang iniisip mo," patuloy ni Cheska sa mababang tono. "Pero magkapatid tayo. Alright, nagkamali ako, Cassie. Iyon nga lang, kailangan pang mangyari ang ganito kay Robert bago ko mapagtanto ang aking mga pagkakamali."
Parang may pumisil sa puso ni Cassie nang marinig ang pangalan ng lalaki.
"Pinatay mo siya, Cheska!" she said passionately. "Pinatay mo sa sama ng loob si Robert!"
Nagkalambong ang mga mata ni Cheska. "I'm sorry. Let's talk some place else. Marami akong gustong sabihin sa iyo. Meet me at the harbor this afternoon. Hihintayin kita sa yate. Hindi mahirap hanapin. Kulay puti at hindi kalakihan," pagkasabi'y tumalikod na ito.
Hindi pa rin makapaniwala si Cassie na pagkatapos ng dalawang taon ay naisip siyang puntahan ng kakambal. At hindi rin niya maipaliwanag kung paanong nalaman nito ang kinaroroonan niya. Marahil ay sa Tiya Agnes nila.
Nawala na ang konsentrasyon niya sa pagtuturo. Buong maghapon niyang pinag-iisipan kung makikipagkita siya kay Cheska o hindi. Bandang huli'y nanaig ang kuryosidad.
Nang makita niya ang yate sa harbor ay gusto na naman niyang maiyak dahil sa pagkaalaala kay Robert.
"I'm going to buy us a boat. We'll go sailing..."
Kumaway sa kanya si Cheska mula sa deck. Inililipad ng hangin ang buhok na walang ipinagkaiba ng sa kanya. Hindi itim na itim. Tila mapusyaw lang nang kaunti sa tsokolate. Minsan pa'y nagulat siya sa pagkakahawig nilang dalawa. It's like looking at her own reflection.
Isang matipunong lalaki ang umalalay sa kanya papanhik.
"Sige na, Carlos," wika ni Cheska. "Halika, Cassie. I want you to enjoy the joys of sailing. We will watch the sunset at sea..."

DOON natapos ang alaala ni Cassie. Apat na araw na ang nakakaraan mula nang mangyaring matagpuan siya ni Anton sa baybayin ng mga dela Garza. At apat na araw na ring pinagkakamalan siyang si Cheska. Sa unang dalawang araw ay ipinipilit niyang siya si Cassie subalit sinawaan siya nitong huli. Sa pakiwari niya'y tila naapektuhan ang isip niya sa paningin ng mga tao tuwing binabanggit niya ang tunay niyang pangalan.
"Ganoon mo ba talaga kamahal si Robert?"
Napalingon ang dalaga. Nasa di-kalayuan si Anton. Nakapamulsa at nakatitig sa kanya. Mabilis niyang pinahid ng likod ng palad ang mga luha.
"Y-yes...I loved him so much..." bulong niya mula sa kaibuturan ng kanyang puso.
Isang malalim na paghinga ang binitiwan ng binata. "Kinaiinggitan ko ang kapatid ko, Cheska..."
Umiling siya. Hindi dapat. "Bakit mo kailangang kainggitan ang isang taong wala na?" she said bitterly.
"Iyon na nga, eh," banayad na humakbang si Anton palapit. "Wala na si Robert pero ang pagmamahal mo sa kanya'y nariyan pa rin. Hindi nababawasan..."
"Hindi pa natatagalang mamatay si Robert, Anton. Surely, you don't expect me to forget him that easy..." hindi ko siya nalimot sa dalawang taong nagdaan.
"I'm sorry. At tama ka. Dalawang linggong mahigit pa lang mula nang mamatay si Robert."
Lumakad si Cassie palabas ng Mausoleo. Walang kibong sumunod si Anton. "Gusto kong magtungo sa kabilang bayan, Anton. Nasa dating bahay namin nakatira ang matandang tiyahin ko. Dalawang taon ko na siyang hindi nakikita..."
"Hindi naman kalayuan ang San Felipe mula rito, Cheska," ani Anton na nagdikit ang mga kilay. "Bakit hindi mo siya nadalaw sa nakalipas na mga taon?"
"Ngayon lang—" hindi niya itinuloy ang sinabi. Hindi rin siya paniniwalaan. Marahil pagbalik ni Cheska'y saka na lang siya magpapaliwanag. "D-dahil kay Robert. May sakit siya at hindi ko gustong iwan..."
Tumango ang lalaki. "Dala ko ang Land Cruiser. Ngayon mo na ba gustong magtungo tayo?"
"Kung...hindi ako nakakaabala..."
Isang ngiti ang gumuhit sa mga labi ng binata. Ngiting agad na nagpabawi ng tingin ni Cassie. Bahagya lamang ang pagkakahawig ni Anton kay Robert. At iyon ay bibihira pang mangyari. Depende sa mood ng lalaki. Pero bakit may kakaibang epekto sa kanya ang ngiti nito? Hindi sa ganoong paraan ngumingiti si Robert. Robert smiled openly. Habang si Anton ay tila may misteryong itinatago ang mga ngiti.
Oh, what's wrong with her at ngiti lang ay ginagawan niya ng issue.
Nasa daan na sila nang magtanong si Anton. "Sino si Cassie?"
"Si...Cassie?" Hindi niya malaman kung ano ang sasabihin.
"You claimed to be her sa unang dalawang araw mo mula nang matagpuan kita sa baybay-dagat."
"My twin sister..."
"Interesting..." amused na sagot ni Anton na nilinga siya. "Meaning she's as beautiful as you?"
It was an obvious compliment. Hindi siya sanay roon. Sa loob ng dalawang taon niya sa Mindoro'y sinikap niyang iwasan ang mga manliligaw. Nagpapahaging pa lang ang mga ito'y tinatapat na niya. Kaya naman hindi siya nasanay sa ganoong direktahang papuri.
"W-we are identical..." she said blushing.
Natawa si Anton. "Kung mag-blush ka'y parang hindi ka pa nakapag-asawa, Cheska..."
Hindi matiyak ni Cassie kung may kasamang panunuya ang sinabi ng binata. Hindi niya mahimigan. Binale-wala niya. Wala nang namagitang usapan hanggang sa makarating sila sa kabilang bayan.
Hindi pa man sila bumababa ng sasakyan ay natanaw na ni Cassie na sarado ang lumang bahay nila.
"Wala yatang tao..." ani Anton. Pinatay ang makina ng Land Cruiser at bumaba.
Sumunod si Cassie na tuloy-tuloy sa pinto. Pinihit iyon subalit naka-lock. Si Anton ay umikot sa likod subalit ganoon din.
"Baka may pinuntahan ang tiyahin mo, Cheska," wika nito mula sa likod-bahay.
Tumango siya at nanghihinayang na muling bumalik sa sasakyan. At least, kayang tukuyin ng Tita Agnes niya kung sino ang sino sa kanila ni Cheska. Mayroon siyang nunal sa tagilirang batok at wala niyon si Cheska. At kahit na sabihin pa niya iyon kay Anton ay walang silbi. Ano ba naman ang malay nito kung may nunal o wala si Cheska.
"Saka na lang ako babalik. Siguro nga'y may pinuntahan siya."
Tahimik sila sa loob ng sasakyan. Si Anton ang bumasag niyon. "Tell me how you met my brother..."
Hindi siya lumingon pero isang tipid at malungkot na ngiti ang pinakawalan niya. "I don't want to talk about it, Anton. Matagal na iyon. Wala na si Robert..."
"I'm sorry for being so inconsiderate. Sariwa pa ang sugat..."
Nilingon niya ito at tipid na nginitian. Natapos ang biyahe nang walang imikan. Pinagbuksan siya ni Anton ng pinto ng sasakyan. Hinawakan siya nito sa kamay na bigla'y agad niyang binawi. Nakita niya ang pagtiim nito ng mukha.
"N-nagulat lang ako...no offense meant..."
Tumango lang ang binata at sinabayan na siya sa pagpasok. Nasa pinto pa lamang sila'y nagulat na siya sa pagsalubong sa kanila ng isang babaeng sa tingin niya'y nasa pagitan ng treinta-y-seis at kuwarenta ang edad. Mukhang aristokrata.
"Antonio!" salubong nito. Matalim ang tinging ipinukol kay Cassie. "Saan kayo nanggaling at kasama mo ang babaeng iyan?"
"Kailan ka dumating, Ate Constancia?" kaswal na bati ni Anton.
"Kaaalis mo lang daw nang dumating ako," pagkatapos ay binalingan nito si Cassie. "Ano ang ginawa mo sa kapatid ko?"
"Ate Constancia...?" si Anton. "Ano bang klaseng tanong iyan?"
Subalit tila walang narinig si Constancia. Nanlilisik ang mga matang sinurot-surot si Cassie. Wala sa loob na napasiksik kay Anton ang dalaga.
"Bakit ipinalibing mo kaagad si Robert bago pa man kami dumating? Ang sabi ng mga katulong ay isang gabi lang pinaglamayan ang kapatid namin."
Ni wala siyang maisagot doon. Hindi rin niya alam na hindi na nagpalipas ng araw si Cheska at ipinalibing kaagad si Robert. Ibig lang sabihin niyon ay kung nagpatawing-tawing siya nang pagtungo sa San Vicente ay hindi rin niya nakita ang libing nito.
"Ate Constancia," si Anton uli. "Asawa ni Cheska si Robert at karapatan niyang gawin kung ano ang gustong gawin dito. At natitiyak kong kaya ginawa ni Cheska iyon ay upang hindi na masyadong humaba ang pamimighati."
"I-iyon ang nasa isip ko..." segunda niya sa alanganing tinig.
"Oh, my! Pero naninibago ako sa iyo, Cheska," patuloy ng babae. "Mukha kang maamong tupa kaysa sa huling nagkita tayo. Kulang na lang ay itaboy mo ako sa bahay na ito..."
Bahagyang nanlaki ang mga mata ni Cassie. Hindi niya gustong maniwalang gagawin iyon ni Cheska. But knowing her twin sister, nothing is impossible.
"Puwes, nagkakamali ka, Cheska," patuloy nito sa nagngangalit na tinig. "Kung inaakala mong sa pagpapalibing nang maaga kay Robert ay makaliligtas ka'y mag-isip kang muli! Pinatay mo si Robert, Cheska! Pinatay mo siya!"
Napaatras ang dalaga. She was horrified. Wala sa loob na napahawak sa braso ni Anton.
"H-hindi totoo ang sinasabi mo," sa wakas ay nakahagilap siya ng tinig. "Bakit ko papatayin ang... asawa ko? M-may sakit siya sa...sa atay..."
"Sinungaling!"
"Ate Constancia," si Antonio na bahagyang tumaas ang tinig. "Wala kang karapatang magbitaw ng ganyang salita kay Cheska."
"Napaniwala ka ng babaeng iyan, Antonio?" Lingon nito sa kapatid. "Puwes, patutunayan ko sa iyong pinatay si Robert."
Napabuntong-hininga si Anton. Hinawakan sa braso si Cassie at inakay patungo sa hagdan. "Pumanhik ka na sa silid mo, Cheska, at magpahinga. Alam kong pagod ka sa biyahe."

Ikaw Ay Ako O Ako Ay Ikaw - Martha CeciliaWhere stories live. Discover now