Chapter 22

110 4 2
                                    

"Susubukan kong hanapan ka ng pwesto sa plantasyon. Alam mo naman, mahirap makahanap ng trabaho dito sa atin."

Nasa isang kainan si Cathy at Hashana. Magkaharap ang dalawa habang inilalahad ng dalaga ang problema sa kaibigan.

Dalawang araw na ang lumipas. Kung puwede lang umalis para muling makipagsapalaran o magtrabaho sa karatig lungsod ngunit inaalala niya ang anak. Masyado pang bata si Cheslyn, mahirap iwanan lalo't may sakit din ang tatay niya at walang kaagapay ang ina sa pag-aalaga kina Jelrex at Cheslyn.

"Salamat. Susubukan ko ring maghanap ngayon."

Kahapon pumunta siya sa munisipyo at health center para sana magtanong pero ang sabi wala daw hiring. Kahit malabong makahanap ay nagbabasakali pa rin siya. Sana lang tumatanggap pa ng aplikante iyong naghahanap ng personal nurse sa kabilang bayan.

Iyon na lang ang huli niyang alas para hindi malugmok sa kahirapan. Kaunti lang ang naipon niyang pera kaya hindi puwedeng maging bakante. Nag-aaral ang anak niya at sunusustentuhan niya ang buong pamilya. Mahirap umasa sa pension ng mga magulang. Baka gagapang sila sa lupa kapag nagkataon.

"Saan ka ba pupunta? Isasabay na kita."

"Huwag na. Malapit lang naman. Saka alam kong may trabaho ka pa sa plantasyon."

Sinulyapan niya ang relos sa papulsuhan. Alas nuwebe pa naman. Wala siyang dalang sasakyan dahil dinaanan lang siya ni Cathy sa bahay kanina. Biglaan ang dating nito kaya mabuti na lang at nadala niya ang iilang dokumento sakaling makahagilap siya sa daan na puwedeng aplayan.

Ilang minuto pang nag-usap ang magkaibigan bago nagpaalam sa Hashana kay Cathy.

Sakay ng jeep ay tinunton ng dalaga ang address. Natagpuan niya ang sarili sa harap ng isang two-story house. Napapalibutan ang bahay sa mataas na bakod na gawa sa bakal. May pintura iyon na kulay abo habang ang main gate ay itim.

Hinawi muna ni Hashana ang iilang hibla ng buhok na natatangay ng hangin bago pinindot ang door bell.

Isang may katandaang ginang ang nagbukas. Ngumiti ito kaya ngumiti din siya.

"Anong sadya natin, iha?"

Tumikhim siya at bahagyang ipinakita dito ang postcard na dala. "Ito po kasi ang address ng naghahanap ng personal nurse. Gusto ko lang pong magtanong kung tumatanggap pa ba sila ng aplikante?"

Apat na linggo na din kasi simula nang kumbinsihin siya ng ina. Ni wala siyang nakikitang postcard na nakadikit sa bakod ng mga ito kaya kailangang manigurado muna. Sa dami ng nangangailangan ng trabaho ngayon, imposibleng walang nagkandarapa na mag-applay.

"Ano nga pala ang pangalan mo, iha?"

"Hashana po. Hashana Romero."

Hilaw na napangiti ang dalaga nang suriin siya ng ginang mula ulo hanggang paa.

"Mag-aapplay ka ba? Sandali, pasok ka sa loob."

Nagkaroon ng pag-asa si Hashana nang iginiya siya nito papasok. Ibig sabihin wala pang nahanap ang amo nito. Sana lang paburan siya ng pagkakataon.

Tahimik ang buong kabahayan nang makapasok sila sa living room. Mabibilang lang din ang mga gamit sa loob. Kung titignan, mukhang bago pa lang ito. Malaki pa kasi ang espasyo na walang mga gamit. Pero maganda naman at maayos ang pagkakaorganisa sa mga kasangkapan.

"Dala mo ba ang requirements, iha? Puwede kong kunin? Kailangan ko pa kasi iyang ibigay kay sir para masuri niya."

Walang pag-alinlangan niyang ibinigay dito ang isang white folder na naglalaman ng resume at iilang papelis na kinakailangan nito.

"Maupo ka muna diyan. Ibibigay ko lang ito kay sir."

Sinunod niya ang sinabi nito. Iniwan siya ng ginang kaya malaya niyang napag-aralan ang paligid. Maaliwalas sa mukha ang buong ambience. Bawat sulok ay mayroong malalaking halaman na naghahatid kalma sa katahimikan. Mula si kinauupuan ay makikita ang hagdan na gawa sa kahoy kung saan dumaan ang ginang. Makintab ang paligid marahil sa puting tiles. Idagdag pa ang puting pintura ng pader na pinarisan sa makakapal na pastel gray na mga kurtina.

Nang bumalik ang ginang ay malawak na ang ngiti nito. Medyo kinabahan siya. Hindi dapat siya maging kampante dahil may interview pa.

"Ang sabi ni sir ay puwede ka ng magsimula bukas."

Nanlaki ang mata niya. "Po?"

Mahinang natawa si Cindy sa nakikitang reaksyon ng dalaga. "Halika at sasabihin ko sa'yo ang mga terms. May mga rules ding ibinigay si sir bago ka pumirma sa kontrata."

"Wala na pong interview?"

"Hindi na 'yon kailangan, iha."

Naupo ang dalawa sa couch. Ngayon, ang ginang naman ang may inilatag na papel. Sa contract paper agad napako ang mata niya bago sa isang papel na may mga nakasulat na rules.

"Tuwing alas syete ng umaga ang pasok mo hanggang alas syete ng gabi. Tuwing linggo ka lang may day off. Sa sabado kailangan mong pumasok."

Hinayaan siya nitong basahin ang nakasulat doon. Maayos naman ang mga terms. Lahat pabor sa kanya dahil naaayon din ito sa nais niya.

Pinirmahan niya ang contract. Hindi na iyon gaanong binasa pa. Ang importante may trabaho na siya.

"May ipapainom kang gamot kay sir tuwing gabi. Bukas ko na lang ibibigay sa'yo."

Tumango siya. Ibig sabihin malaki na ang alalagan niya. Ayos na din iyon.

"Medyo arogante si sir at masungit. Habaan mo lang ang pasensya mo."

"May pamilya po ba siya?"

Mahirap na baka pamilyado itong tao. Madalas pa naman niyang nakikita sa telebisyon na kapag ganito ang sitwasyon katulad sa kanya, maldita ang mga asawa at inaapi sila.

"Wala pero may mga anak."

Tumango siya, hindi na nag-usisa pa. Baka isipin nitong chismosa siya. Nandito lang naman siya para magtrabaho at hindi alamin ang personal na buhay ng kanyang magiging amo.

Bibit ang magandang balita na umuwi si Hashana. Talagang sinadya niyang agahan ang gising kinabukasan upang maagang makapasok. Idinaan niya muna si Jelrex sa paaralan saka tumuloy sa paruruonan.

Si aleng Cindy ang naabutan niya doon. Naghahanda ang ginang ng almusal.

"Good morning po, nay Cindy."

"Magandang umaga din, iha."

Aktibo siyang ngumiti. Nagpakikila sa kanya kahapon ang ginang. Sinabi din nito ang dapat niyang gawin dahil isang bulag ang alalagaan niya. Kahit medyo komplikado susubukan niyang gawin ng maayos ang trabaho.

This would be her first time being a personal nurse. Sana lang mabait ang amo niya lalo na't hindi pa niya ito nakikita.

"Gisingin mo muna si sir sa taas. Isusunod ko ang almusal niya doon."

"Sige po."

Dahil itinuro na naman ni aleng Cindy ang kwarto ng magiging boss, madali na lang iyong nahanap ni Hashana. Dalawang beses siyang kumatok subalit walang sumagot. Doon niya napagdesisyunang pumasok.

Nailibot niya ang mata nang makitang walang tao roon. Pero nanunuot sa ilong niya ang panlalaking amoy na tila pamilyar. Nakahawi ang kumot sa kama dahilan para magulo iyong tignan.

Inayos niya iyon saka hinawi ang makakapal na kurtina na sa sandaling iyon ay nakasarado pa. Hindi naman siguro siya namali ng pasok.

Ang ingay galing sa isang saradong pinto ang nagpaagaw sa atensyon ni Hashana. Sa tingin niya ay bathroom iyon. Kung ganun nandoon ang amo niya.

Lumapit ang dalaga roon at nang akmang kakatok ay siya ding pagbukas ng pintuan. Hindi niya napaghandaan ang tagpong iyon.

Mabilis lumaki ang mata ni Hashana kung mapagsino ang taong kaharap. Parang may magnet ang paa niya na di kayang igalaw. Bumuka sara ang bibig niya. Lahat ng dugo sa kanyang katawan ay tila huminto sa pagdaloy.

"Tito . . . "

Paano nangyaring nasa harapan niya si Clifton? Anong . . . anong ibig sabihin nito?













Trap In His ArmsWhere stories live. Discover now