Chapter 00

32 6 0
                                    

Mga Kandila at Taimtim na Dasal

Sa isang tahimik na sitio sa isang liblib na kagubatan, maririnig ang pag-iyak ng isang matanda ngunit ang totoo, nagdarasal siya sa kanyang diyos na pagalingin ang babaeng ngayo'y mahigit dalawang linggo nang nakalatay sa kanyang matigas na higaan. Walang tigil sa pagdarasal ang matanda habang parang iniihaw sa init ang katawan ng walang malay na babae nang dahil sa mga kandilang nakapalibot sa buong katawan nito. Tumatagaktak ang pawis sa noo at leeg ng babae. Ang kulay puti nitong bestida ay narumihan ng mga kung anu-anong letra at mga salitang tanging matanda lang ang nakakaalam.

Kahit na hindi naman naniniwala sa ritwal ang lalaking nakaluhod sa gilid ng kama katabi ng matanda ay sinubukan niya pa ring gawin ito sa babae upang nang sa wakas ay magising na ito.

Madilim na paligid ang bumabalot sa masukal na bahaging iyon ng gubat. Tumakbo siya nang mabilis. Napatigil siya nang nabuhol ang katawan sa baging. Nagpupumiglas siya hanggang sa siya ay makawala. Tumakbo siya ulit. Hindi iniinda ang sakit ng kanang paa na walang pansapin. Natinik siya kanina ng isang kawayang tuyo. Nadapa siya nang matapilok sa tuod na hindi nakita. Lumagapak ang kanyang tuhod at kamay sa lupa. Ngunit siya ay walang alinlangang tumayo ulit. Hindi ininda ang sakit.

Pinakiramdaman niya ang paligid. Wala siyang makita. Ni anino ay hindi niya maaninag. Akala niya'y may sinusundan pa siya o may sumusunod sa kanya. Mukhang mag-isa na lang siya sa kadilimang ito.

Nakarinig siya ng mga kaluskos at mabibigat na yabag ng sapatos. At agad siyang tumalilis ng takbo. Hindi siya dapat maabutan. Hindi niya na namalayang wala na siyang dala na kahit ano. Napamura siya sa kanyang isip. Lagot siya nito.

Pero wala na siyang pakielam! Tangina. Napatigil siya nang marating ang hangganan. Naririnig niya ang lagaslas ng tubig sa malaking ilog. Hindi siya marunong lumangoy. Nilingon niya ang kanyang likod. Papalapit nang papalapit ang yabag.

Bahala na. Hindi na siya nag-isip at agad na lumundag. Nakarinig siya ng sigaw o baka sariling sigaw niya iyon? Ngunit agad na nilamon ng tubig ang kanyang katawan. Hindi na niya naramdaman ang lamig at sakit. Wala siyang maramdaman.

Akala niya ay mamamasa siya at manlalamig sa pagkakalublob sa tubig. Ngunit ano itong liwanag na naaaninag niya? Bakit sobrang init ng kanyang pakiramdam? Naramdaman niya ang tumatagaktak na tubig sa gilid ng kanyang noo. Oo nga, totoong tumalon siya sa ilog!

"Senya... Senya!"

Naririnig niya ang pagtawag ngunit hindi niya maimulat ang mata. Hindi niya alam kung sino ang tinatawag. Siya ba? Sa kanya ba ang pangalang iyon? Hindi niya alam.

Naramdaman niya ang kamay na humahawak sa kanyang tiyan. Nakaramdam siya ng panibagong dagdag na init na nagmumula sa haplos na iyon.

"Pakiusap, gumising ka na."

Dahan-dahan niyang iminulat ang kanyang mga mata. Tumambad sa kanya ang kisameng yari sa trapal. Naagaw ang atensyon niya ng mga kandilang nakapalibot sa kanya. Itinuon niya ang paningin sa dalawang anino sa kanyang gilid.

"Senya? Manang, gising na siya!"

Agad na lumakas ang pagdarasal ng matanda habang hinahalikan nito ang isang kwintas na may puting bato.

Malabo pa ang paningin ng babae. Ngunit unti-unti itong lumilinaw sa paglipas ng mga sandali. Sinalubong siya ng mukha ng isang lalaking hindi niya makilala. Pinagmasdan niya ang histura nito. Kayumanggi ang kulay ng balat nito, batid niyang pantay ang kulay nito mula ulo hanggang talampakan. Nagsusumamo at punong-puno ng pag-asa ang singkit nitong mga mata. Matangos ang ilong at nakakahumaling ang manipis ngunit mapulang labi. Nakadagdag sa appeal nito ang maliit na nunal sa bahaging ibaba ng kanang mata.

"Oh, Diyos ko! Gising na siya! Gising na si Senya!" Nagagalak na sinabi ng matanda.

"Senya, naririnig mo ba ako? Naaalala mo ba ako?" Tanong ng lalaking nasa gilid niya. Hinawakan nito ang kanyang kamay at dinala sa labi nito. Naramdaman niya ang pagpatak ng luha sa kanyang kamao mula sa lalaki.

Hindi siya sumagot at matamang tinitigan lang ang lalaki.

"Naku, iho. Mukhang walang maalala ang asawa mo." Malungkot ang matanda sa pabatid.

"Natural lang na wala siyang maalala gayong nabagok ang ulo niya. Tingin ko'y hintayin muna nating makabalik ang mga ala-ala niya. Ang mahalaga, hindi na siya muling bumalik sa mahabang pagkakahimlay."

"Pakiusap, Senya... huwag ka nang bumalik sa pagtulog kahit ngayong gabi lang."

Tinawag siyang Senya ng lalaki. Kaya baka iyon nga ang pangalan niya.

"Hindi ko na kayang pagmasdan kang walang malay..."

Ngunit hindi na mapigilan ni Senya ang muling pagpikit ng kanyang mga mata. Para kasing hinehele siya ng boses nito. Ibinabalik sa kanyang pagtulog. Hindi niya na nalamayan ang unti-unting pagdilim ng kanyang mundo.

Melody Of HeartsWhere stories live. Discover now