Kavabata 1: Misteryosong Dalaga

5 1 0
                                    


“Teo, kung tinutulungan mo kami rito, mas maaga tayong matatapos," bulyaw ni Tasyo sa kaibigang kasalukuyang nag-eensayo ng arnis.

Isang nakakalokong ngiti ang isinukli ni Teo. "Kaya niyo na iyan. Isa pa, malapit na ang kompetisyon. Hindi maaaring mapahiya ang paaralan," dagdag pa nito.

   Nainis na si Tasyo. Agad nitong binitawan ang hawak na walis upang sugurin si Teo ngunit bago pa siya makahakbang, napigilan na siya ng isa pa nilang kaibigan, si Andoy.

"Maghunos-dili ka. Ako na ang bahala," bulong pa nito.

Buntong-hininga lamang ang tanging nagawa ni Tasyo habang naglakad naman si Andoy palapit sa kaibigang hindi pa rin tumitigil sa pagwasiwas ng mga kahoy sa hangin.

"Kailangan mo pa rin bang magsanay, kaibigan?" tanong ni Andoy. "E, alam naman nating ikaw ang pinakamagaling sa arnis sa buong lalawigan!" dagdag pa nito.

Tila may kung anong kasiyahang naramdaman si Teo sa loob-loob niya nang marinig ang mga papuring iyon. Samantala, panandaliang naglaho ang itim na kulay sa mga mata ni Tasyo ng saglit itong napa-irap.

"May punto ka, Andoy!" wika ni Teo, sabay hawak sa buhok ng kaibigan upang guluhin ito. "O siya, sige. Tapusin na natin ang paglilinis rito para makauwi na tayo."

Alas singko na nang hapon. Palubog na ang araw sa kanluran habang unti-unti na ring dumidilim ang paligid. Malapit nang matapos ang magkakaibigan sa paglilinis sa likod ng paaralan. Silang tatlo rin kasi ang nakatokang magwalis at magtapon ng mga basura tuwing Biyernes.

"Sa wakas, makakauwi na rin tayo sa oras na maitapon natin ang mga ito!" masayang sigaw ni Teo habang buhat-buhat ang dalawang sako na puno ng mga tuyong dahon.

"Alam mo, kung mas maaga mo kaming tinulungan, kanina pa sana tayo nakauwi," komento ni Tasyo na may hawak namang isang sako.

"H'wag na kayong magtalo, mga kaibigan," saway ni Andoy. "Bilisan na lang natin. Kinikilabutan ako, e. Nakakatakot talaga kapag nagagawi tayo rito sa tapunan ng basura."

Nagkatinginan naman sina Teo at Tasyo habang sabay na napatanong ng "Bakit?"

"Ewan ko ba," kibit-balikat na tugon ni Andoy. "Para kasing laging may nakamasid sa paligid. Alam niyo naman ang sabi-sabi ng mga matatanda."

Malawak ang eskwelahang pinapasukan ng tatlo sa sekondarya. Ang likod ng paaralan ay isang gubat na madalas na paksa tungkol sa mga kwento ng kababalaghan. Marahil iyon rin ang siyang bumabagabag sa bunso ng grupo, likas kasi itong matatakutin.

"Mga binata na tayo, Andoy!" wika ni Tasyo. "Nagpapapaniwala ka pa rin sa mga ganyan? E madalas lang naman 'yang panakot sa mga batang 'di natutulog tuwing hapon."

Napabuntong-hininga ang kausap. "Wala ka ba talagang kinatatakutan, Tasyo?" tanong pa ni Andoy na sinimulan nang kilabutan. Maliban kasi sa lagaslas ng mga dahon mula sa mga puno, kakaiba rin ang ingay ng mga uwak sa himpapawid.

"Matakot ka sa buhay, h'wag sa patay, Andoy." Maikling sagot ni Tasyo habang itinatapon ang hawak na sako sa isang malaking hukay sa gitna ng kagubatan.

Napansin naman ng dalawa na natahimik si Teo habang mariing nakatitig sa kawalan. Para itong napatda sa kinatatayuan.

"Hoy, Teo!" Tawag ni Tasyo. "Ano pang tinutunga-tunganga mo riyan? Umuwi na tayo!"

Isang tanong lang rin ang isinagot ni Teo sa mga kaibigan, habang hindi pa rin natitinag sa kung ano mang pinagmamasdan sa madilim na bahagi ng gubat.

"Tasyo! Andoy! May mga unggoy ba rito sa kakahuyan?"
Tila may tandang-pananong na namuo sa ulo ng dalawa bago nagkatinginan.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: May 01 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Mateo Ressurecsion: Sa Mundo ng mga Elemento [Published under 8Letters]Where stories live. Discover now