20

10.3K 583 528
                                    

• 🏐 •

Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko no'ng pauwi na kami ni Nico sa dorm. Pero ang pinakanangingibabaw talaga sa lahat ay iyong hiya. Hiya kasi nga... may gusto pala ako sa kaniya. Hindi ko rin alam kung kailan nagsimula ang lahat pero iyon nga... gusto ko si Nico.

Teka, kapag crush mo, gusto mo siya, 'di ba? O magkaiba ang crush sa gusto?

Pero mas lalo ko lang iyong nakukumpirma ngayon dahil sa lakas at bilis ng tibok ng puso ko.

Grabe... pumunta kami sa Binondo na ang tanging nasa isip ko lang ay kakain kami. Hindi ko naman inakala na uuwi pala kami na may malisya na ang lahat para sa 'kin.

Malisya na sa tingin ko ay mali. Hindi dapat. Kasi nakakahiya talaga. Parang ang lumalabas ay tine-take advantage ko ang sitwasyon. Ang gusto ni Nico ay pagkakaibigan tapos ang gusto ko naman ay... siya?

Ano na lang ang iisipin niya kapag nalaman niya ang tungkol dito? Siguradong magagalit si Nico sa 'kin. Baka hindi na niya ako pansinin. Baka hindi na niya ako kausapin kahit kailan. At ayoko namang mangyari iyon. Naiisip ko pa lang, nalulungkot na ako.

Pero hindi ko naman siya masisisi kung gano'n nga ang gawin niya. Isipin mo, iyong isa sa mga teammates mo na akala mo ay kaibigan mo, may gusto pala sa 'yo?

Idagdag pa na... pareho kaming lalaki. Hindi naman sa sinasabi kong masama na magkagusto ka sa same sex pero sa tingin ko kasi ay sa opposite sex naa-attract ang ace spiker namin.

Pero teka nga, bakit ko ba 'to iniisip? Akala mo naman talaga ay sasabihin ko kay Nico na crush ko siya.

Isa pa, naisip ko rin na baka... natutuwa lang ako sa kaniya.

Baka... isa lang 'to sa tinatawag nilang happy crush.

Tapos may naririnig din ako kay Uno minsan na... ano nga bang tawag do'n? Boy crush? Iyon daw iyong mga crush mo na lalaki kasi may isa silang katangian na gusto mo rin na magkaro'n ka. Normal lang naman daw iyon. Parang idol mo raw kumbaga. Hindi ko lang alam kung tama ang pagkakaintindi ko sa sinabi ni Uno.

Pero kung tama nga ako, si Nico ang boy crush ko?

Tapos siya rin ang happy crush ko?

Happy boy crush? Boy happy crush?

Pero anong katangian naman niya ang gusto ko na magkaro'n din ako? Height kasi mas matangkad siya sa 'kin? Volleyball IQ kasi sobrang talino niya maglaro? O baka naman iyong mapulang labi niya na parang ang lambot kapag pinisil?

Hala, parang sasakit yata ang ulo ko.

Pero... ganito ba magkaro'n ng simpleng crush? Iyong tipo na parang isusuka ko na yata ang lahat ng dumplings na kainain ko kanina sa sobrang lakas at bilis ng kabog ng dibdib ko? Lalo na ngayong nakahawak ako sa bewang niya para hindi ako mahulog sa kalsada?

Pero, Seb, nahulog ka na...

Tinignan ko si Nico sa side mirror. Naabutan ko siyang seryoso lang ang mukha. Sobrang focused niya sa daan. Pero nagtagal ang tingin ko sa mga mata niyang sobrang expressive. At nakita ko na lang ang sarili na namamangha dahil iyong ilaw sa mga poste na nadaraanan namin ay parang mga stars na nagre-reflect sa mga mata niya. And as if on cue, narinig ko sa isip ang unang linya sa Yellow ng Coldplay.

Look at the stars. Look how they shine for you...

Hindi ko alam pero parang mas lalo kong naging paborito ang kantang iyon.

Pinigilan kong mapangiti. At kahit gusto ko pa sana siyang titigan nang matagal ay pinili ko na lang na ilipat ang tingin sa mga dinaraanan namin. Natatakot din kasi ako na baka mahuli niya akong nakatingin sa kaniya.

Jersey Number NineWhere stories live. Discover now