Chapter 10

669 17 0
                                    

KINABUKASAN, maaga pa lamang ay nasa Sta. Catalina na si Tanya. Agad siyang dumiretso sa talyer kung saan alam niyang naroroon ang kanyang ama't kapatid.

Nang magkaharap silang mag-ama ay hindi na nagpaliguy-ligoy pa ang matanda.

"Nakakulong ngayon si Kuya Tomas mo at ang kaibigan niyang si Franco. Walang ginawang masama ang kuya mo, Tanya. Nadawit lamang siya sa kalokohang ginawa ni Franco. May kaso na pala itong estafa sa iba't ibang lugar. Nang masakote ito ng mga pulis ay kasakasama nito si Tomas. Hindi nagawang linisin ng kapatid mo ang kanyang pangalan nang ireklamo din siya ni Mang Narding at ng bangkong pinagkakautangan natin nang isyuhan niya ito ng tsekeng talbog."

Napanganga na lamang si Tanya sa kawalan ng masasabi. Ang problemang pasan-pasan niya ay lalo pang naragdagan.

"A-ang Inay, ho? Paano niya tinanggap ang nangyari kay Kuya Tomas?"

Malungkot na yumuko ang matandang lalaki. Pasimple nitong pinahid ang mga matang nagsisimula nang pangiliran ng luha.

"Hayun, magmula nang dalhin sa presinto ang kuya mo at ikulong ay naging tahimik. Lagi na lang nakahiga at dumadaing ng pananakit ng ulo."

Tulalang napaupo si Tanya. Okay lang sa kanya ang magkaroon sila ng problema sa pera ngunit huwag lang ang magkasakit ang kanyang pamilya.

"Anak, patawarin mo ako kung hindi ko nagampanan ang pagiging ama sa inyo. Pero ginawa ko naman ang lahat para magkaroon kayo ng magandang kinabukasan kaya lamang ay maramot sa atin ang magandang oportunidad."

"Itay, huwag kayong magsalita ng ganyan."

Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng ama.

"Gagawa ako ng paraan para maresolba ang problema nating ito," pangako niya bagaman walang tiyak na plano kung paano malulutas ang problema sa kapatid at ina.

"INAY, kumain pa ho kayo. Hindi kayo gagaling kapag kaunti lamang ang laman ng tiyan n'yo."

"Tanya, busog pa ako. Hamo't kapag nagutom ako ay kakain na lamang ako." Itinulak ni Soledad palayo ang mangkok ng sopas na hawak ng anak. Pagkuwa'y tumingin ito sa labas ng bintana.

"Tomas..." sambit nito sa pangalan ng panganay na anak. Napakagat-labi si Tanya nang makita ang luhang namalibis sa pisngi nito.

Kapwa nagulat ang mag-ina nang walang anu-ano ay bumukas ang pinto at lumitaw roon si Tomas.

"Inay!"

"Tomas!" Walang kapantay na kaligayahan ang bumakas sa mukha ni Soledad nang makita ang panganay na anak.

"K-Kuya, paano kang nakalabas?"

Pinagmasdan niya ang anyo ng kapatid. Maayos ang pananamit nito at mukhang hindi naman tumakas sa kulungan.

"Tanya, huwag ka nang magkunwari. Ikaw ang nagpiyansa sa akin para makalaya ako. Aminin mo na!"

Naiiling na inilapag ni Tanya ang mangkok na hawak. "Nagkakamali ka. Ang totoo'y wala pa akong maisip na taong malalapitan para makahiram ng perang pangpiyansa sa iyo."

Kumunot ang noo ni Tomas. "Kung hindi ikaw ang nagpiyansa sa akin, sino?"

Walang maisip ang mga magulang ni Tanya kung sino ang taong tumulong kay Tomas. Ngunit may hinuha na ang dalaga kung sino ang taong iyon.

"MABUTI naman at naisipan mong magpunta rito sa lupa namin," wika ni Tanya.

"Sinadya ko talagang bumisita sa lugar na ito. Alam ko kasing darating ka rito," kaswal nitong saad nang harapin ang dalaga.

"Hindi ba't tapos na ang usapan natin. Tinangihan ko na ang marriage proposal mo. So, I don't think may dapat pa tayong pag-usapan."

Ngumiti si Jonathan. "Alam kong may problema kayo, Tanya. Nabalitaan ko ang nangyari sa Kuya Tomas mo?"

Nakatadhanang Puso - Sheryll BarredoWhere stories live. Discover now