Segunda Mano

8.2K 213 18
                                    

            Hindi na taliwas sa ating naging kaugalian ang bumili ng mga segunda manong kasangkapan dahil sa mura ang mga ito, bilang praktikal ika nga. Ang hindi lang natin napupuna ay ang taong unang nagmay-ari nito at ang kanilang karanasan kasama ang kasangkapan. Minsan kasi, ang bawat bagay sa mundo ay may bitbit na kanya-kanya nilang kwento. Masaya, malungkot, nakakaiyak at nakasisindak.

Ngunit sa aking pagbili, isang nakakakilabot palang karanasan ang aking madarama na hindi ko naisip sa aking tanang buhay. Dahil ang segunda manong kagamitan na aking nabili ay tila hindi pa rin nilulubayan ng taong unang nagmay-ari nito.

Nakakabit siya at nabubuhay.

Unang buwan palang namin ng aking asawa na si Manuel bilang isang legal na mag-asawa. Nakabili siya ng bahay sa Laguna at doon kami ngayon naninirahan. Handa naman kaming mag-asawa sa maaaring maging gastusin ngunit may mga ilan lang na hindi talaga swak sa aming budget.

"Ang ganda naman nito," bulalas ko nang makita ang segunda manong aparador na kanyang nabili sa isang antique shop sa Pacita. Nasa kondisyon pa ang aparador at kung tutuusin ay mamahaling kahoy ang ginamit – apitong 'ata sa tingin ko.

"Pinili ko talaga 'yan. Mabuti na nga lang at mura," ani Manuel na tila pagod dahil sa pagbubuhat. Nangingiti ako habang tinititigan ang aparador na higit ang laki sa akin. "Ayusin ko na muna ang mga gamit, ah. Dito ka lang. Kami na ang bahala," saad niya at saka ako hinalikan ako sa noo.

Naiwan akong pinakatititigan ang aparador. Nakaramdam ako ng kakaiba na animo'y may sariling buhay ang kasangkapan. Mabigat sa pakiramdam. Nabigla ako nang bigla ay bumukas ito ng kusa – dahan-dahan.

Iginala ko ang aking tingin sa paligid, nagbabakasakaling may dahilan ang pagbukas ng aparador. Pero mayamaya lang din ay natagpuan ko itong nakasara, tila malayo sa nakaawang na pinto nito kanina.

Nagkibit-balikat ako at hindi na lang pinuna ang kaninang aparisyon. Marahil ay namamalikmata lang ako.

Isang gabi, habang tahimik ang buong kabahayan at tanging ang ihip ng hangin ang siyang nananawa, nakarinig ako ng pagkaskas ng mga kuko sa isang de-kahoy na kagamitan. Sinubukan kong idilat ang aking mga mata at pinakiramdaman nang mas mabuti ang kakaibang ingay.

Nakakangilo ang bawat pangangalaykay na iyon na nanunuot hanggang sa aking bagang. Sinubukan kong gisingin ang aking asawa ngunit nabigo ako, tanging mahihinang halinghing lamang ang kanyang naging tugon at saka umayos ng higa at muling natulog.

Pero hindi ako mapakali sa ingay, may kung anong bagay ang tumutulak sa akin upang tuklasin ang pinanggagalingan nito. Umupo ako sa gilid ng kama at saka tinalasan ang pandinig.

Mula ang ingay sa loob ng aparador!

Malakas ang bawat pagpintig ng aking puso, mas mabilis kaysa nagkakarerang mga kabayo. Malamig man ay hindi ko mapigilan ang matinding pagpapawis na marahil ay dala ng sobrang kaba. De-bilang ang bawat hakbang ko, de-numero at maingat. Dahan-dahan akong lumapit at marahang inabot ang hawak ng pinto nito.

Para akong kakapusin ng hininga anumang oras. Kinakabahan ako sa maaaring masilayan ng aking mga mata. Kakaunting awang pa lamang ang nagagawa ko nang biglang umugong ang napakalakas na pag-ingit nito na dumadagdag sa aking tensyon.

"Ano'ng ginagawa mo?" Halos mapatalon ako dahil sa kaba. Hindi ko namalayang nagising na pala ang aking asawa. Nakahiga ang kanyang katawan samantalang bahagyang nakaangat naman ang kanyang ulo dahil sa nakatungkod na braso. "Bakit gising ka pa?"

Mabilis ang pintig pa rin ng puso dahil sa kaba. Huminga muna ako nang malalim at saka isinaayos ang sasabihin. "May narinig kasi akong kaluskos sa loob ng aparador," saad ko patungkol sa kasangkapang nasa aking likuran.

Alas Tres ng Madaling Araw (Compilation of Short Horror Stories)Where stories live. Discover now