Kabanata 1: Sa Gitna ng Madla

27.3K 797 1.4K
                                    

[Kabanata 1] 

"MALIGAYANG KAARAWAN!" sunod-sunod na bati ng mga panauhin habang masayang sinasalubong at bumabati sa dalagitang nagdiriwang ng kaniyang ika-labinlimang kaarawan. Simple lang ang handaan na dinaluhan ng malalapit na kaibigan at kamag-anak ng pamilya De Avila at Gonzalez.

Ang pamilya De Avila ay tanyag sa bayan ng Sariaya. Ang mag-asawang sina Don Epifanio at Doña Marcela ay ginagalang ng lahat. Sila ay may siyam na anak na sina:

Maria Remedios De Avila

Maria Segunda De Avila

Jose Feliciano De Avila

Jose Jacinto De Avila

Maria Socorro De Avila

Jose Agustino De Avila

Maria Leonora De Avila

Maria Amor De Avila

Jose Concordio De Avila

Napapalibutan ng palamuting mga bulaklak ang bulwagan. Nakahain sa gitnang mesa ang samu't saring handa na paborito ni Leonora. Hiniling niya sa kaniyang ama't ina na hangga't maaari ay simple lang ang gawing pagdiriwang ng kaniyang kaarawan bagama't taliwas iyon sa nais mangyari ng mag-asawang De Avila dahil nais nilang ipagmalaki ang anak na nagsisimulang maging tanyag lalo na sa angking ganda, husay sa pagpipinta, at taglay nitong puso at kilos na dalisay.

Sinasalubong ng masayang indak ng musika ang lahat na pinangunguhan ni Agustino sa pagtugtog ng piyano. Kasama niya ang dalawang manunugtog na siyang bahala sa biyolin at trumpeta.

Pinalilibutan ng mga dalaga at doña si Leonora habang nakakakapit sa braso ng kaniyang ina. Nakatayo sila malapit sa bintana, hindi mapigilang mapangiti ng mga kababaihan sa gandang kanilang napagmamasdan. Habang ang ilan namang may inggit at nakukulangan sa sarili ay nakatayo sa kabilang bintana kasama ang iba pang mga panauhin.

Kulay asul at puting baro't saya ang suot ni Leonora na napalalamutian ng mga perlas. Suot niya rin ang pilak na payneta na regalo ng kaniyang ama. Binabalik niya ang mga ngiti at papuri ng mga bisita kasabay ng hiya na kaniyang nararamdaman subalit ang hiya na iyon ay nagdudulot ng kagalakan sa kaniyang puso. "Marahil ay isang anghel sa lupa ang anak mong ito," puri ng isa.

"Aking namamalas sa kaniya ang iyong kabataan, Marcela. Si Leonora ay tunay na nagmana sa 'yo."

"Hindi na ako magugulat kung ikaw ay makapag-asawa ng prinsipe. Ang mga tulad mo ay sadyang nababagay sa palasyo." Wika ng isang Doña.

Nagpatuloy din sa pagtatakbuhan sa salas hanggang kusina sina Concordio at ang mga kalaro nitong bata na kaniyang mga pinsan at kababata. Napapatigil ang ilang panauhin na muntik na nilang mabangga habang ang ilang mga nanonood sa tabi ay natutuwa sa liksi ng mga bata. Dali-daling tumakbo papalabas sina Concordio at ang kaniyang mga kalaro nang matanaw si Manang Tonya papalabas ng kusina.

Samantala, nakangiting nanonood ang mga Don at kalalakihan sa pagtugtog ni Agustino ng piyano. Makailang ulit na sinasabi ni Don Epifanio kung gaano kaseryoso si Agustino sa pag-aaral ng musika. Aakalain ng iba na ito ang may kaarawan ngayong araw dahil bukambibig ng Don si Agustino.

Nanatiling tumutugtog si Agustino na tila wala siyang naririnig na iba kundi ang musika. Dinadala siya nito sa mundo kung saan nakikita niya lamang ang sarili sa gitna ng malawak at magandang lupain habang dinarama ang sariwang hangin at magandang sikat ng araw.

Nag-uusap ang mga kalalakihan tungkol sa kanilang mga trabaho at paghawak ng salapi. Karamihan naman ay nagbabalik-tanaw sa kanilang pag-aaral at kabataan. Habang ang iba ay nagsasalaysay ng mga karanasan nila sa ibang bansa lalo na sa Europa.

SegundaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon