Love Gone Wrong

22 1 1
                                    

Parang kailan lang, nagkabanggaan tayo sa hallway ng paaralang pareho nating pinapasukan.

Nagsimula sa simpleng "pasensya na" at pag-alok na ako'y tulungan. Paano ba naman kasi, nung nabangga mo ko, natapon lahat ng dala kong libro.

Tumanggi ako kasi katangahan ko din naman kung bakit nalaglag ang mga 'yon. Hindi kasi ako nakatingin sa dinaraanan ko.

Pero likas na ata talaga sa iyo ang pagiging makulit, kaya hinatid mo ako sa klaseng papasukan ko.

Bago pumasok, nginitian mo ako. Nagpasalamat ako pero muling napahinto.

Tinawag kitang "hoy" at tinanong ang pangalan mo. Ngumiti ka sa akin at pinakilala ang sarili mo.

Lumipas ang mga araw, naging mas malapit tayo. Hanggang sa paggising ko isang umaga, nasabi ko sa sarili kong "umiibig na yata ako." Nanatili ko itong itinago dahil natatakot ako.. na kapag inamin ko sa iyo, ay baka layuan mo ko.

Lumipas ang mga araw, napapansin ko, para kang balisa at hindi mapakali. Tinanong kita kung anong problema mo, ginulo mo lang buhok ko at sinabing "wala 'to!"

Sa bawat pagpatak ng oras, unti-unting lumalalim ang itinago kong pagtingin sa'yo pero nalaman ko sa kaibigan mo na may iba ka na palang gusto. Pinilit kong maging masaya dahil alam kong dun ka din masaya. Sino ba naman ako, isang kaibigan lang naman para sa iyo?

Hindi ako umiwas, tumulong pa nga ako. Lalo na nung tinanong mo kung ano bang hilig ng mga katulad ko. Nag-isip ako, kunwari sa akin ka magtatapat. Sinabi ko lahat ng mga gusto KO. Nasasaktan man, nakikisaya pa din ako, dahil bilang kaibigan mo, lagi akong nakasuporta sa iyo.

Dumating ang araw ng pagtatapat mo. Ang swerte ng babae. Yan ang bulong ko sa sarili ko. Pero ganoon na lang ang pagkagulat ko, nang ang lahat ng pag-amin mo, sa akin mo pala ipagkakaloob.

Nagbigay ka ng isang bouquet ng plastic na bulaklak, sinamahan mo ng isang totoong rosas. Sinabi ko kasi sa iyo, na hindi naman kailangan ng maraming rosas kasi malalanta din 'yan. Inabutan mo din ako ng isang plastic ng flat tops. Imbes na maiyak ay natawa pa ako dahil lahat ng gusto ko, ikaw pala ang magpupuno. Pagkatapos mong gawin ang mga pakulo mo, saka ka nagseryoso at sinabi ang mga salitang lubos na nagpalusaw ng puso ko. Inamin ko din ang tunay na nadarama ko at hindi ka nahiya na lumuha sa harapan ko. "Oo, mahal kita. Sobrang tagal na." Pagkatapos ng pag-amin ko ay niyakap mo ako sa harap ng madaming tao. Akalain mo yun, nakapaghatak ka pa ng manununuod natin.

Matuling lumipas ang araw, parehas tayong nakapagtapos ng pag-aaral. Naalala ko pa kung gaano mo ko niyakap nang mahigpit pagkatapos ng graduation rites natin. Walang puknat ang kaligayahan natin kasi parehas pa tayong tinawag na Cum Laude. Hinahangaan nila tayo, tinawag pa nga nilang 'relationship goals' ang kung anong mayroon tayo. Paano ba naman kasi, kahit magkaiba tayo ng kurso, parehas naman daw ang wavelength ng utak natin. Pareho nating tinawanan ang joke ng kaibigan mo noon. At nang tumingin ka sa'kin, nandoon na naman ang pamilyar na bilis ng tibok ng puso ko nang sinabi mong, "Sus! 'Yun ba? Hindi naman magiging posible 'yan kundi rin dahil sa mga nakapalibot na inspirasyon sa akin." Nakita nila ang pagpula ng mukha ko kaya naman inasar nila ako. Lalong lumakas ang hiyawan nang hinalikan mo ko sa bandang sentido ko. Umaasa sila na sana tayo na ang magkasama habang-buhay.

Hindi mawawala sa atin ang mga pagsubok. Paano ba naman kasi, minsan dala ng topak ko, ikaw ang inaaway ko. Umabot sa puntong gusto ko nang kumalas kahit wala ka namang ginawang mali. Pero andyan ka pa din, hindi mo ako sinukuan hanggang sa huli. Minahal mo ako kahit na ang dami kong kulang. Ang dami kong ugali na alam kong hindi mo naman gusto. Lahat ng iyon minahal mo. Kaya nga lubos ang pasasalamat ko na hanggang sa huli, hindi ka sa akin sumuko. Kumbaga sa isang kanta, 'You keep us together.'

At eto na nga! Eto na ang pinakahihintay mo di'ba? Ang tagal mo itong pinangarap. Nakikita ko ang mga pagngiti mo na may kasamang kislap sa mga mata mo. Luha ba iyan ng kaligayahan? Siguro. Gusto ko ding maluha dahil maligaya ako. Sobrang ligaya ko, na sa wakas, matutupad na ang mga pangarap na binuo mo kasama ako. Di'ba sabi mo, kapag maayos na ang lahat sa iyo, pakakasalan mo na ako? Nakapagpagawa ka na rin ng dream house natin. Lahat naisaayos na. Proposal mo na lang ang inantay ko. Kaya nga sobrang saya ko at umabot na tayo sa puntong ito ng forever na bubuuin natin...

Nakaupo na ako at nakikinig sa kahalagahan ng matrimonyang ito. Tinanong ng Pastor kung ano ang vows mo. Tumingin ka sa akin nang diretso at kita ko ang pamumula ng mga mata mo, isang senyales na bubuhos ang luha mo, at dahil dyan ay muling bumilis ang tibok ng puso ko.

"Mamahalin kita habang-buhay, magiging mabuting ama sa magiging anak natin. Iintindihin kita kahit na minsan tinotopak ka at asahan mo na hindi kita iiwan dahil mahal na mahal kita."

Tuluyan nang umagos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Sinabi ko ang mga vows ko na matagal-tagal ko na ding isinulat.

"Hindi ko akalain na sa simpleng banggaan ay magsisimula ang kwento ng pag-ibig natin. Sino ba naman akong careless at hindi naman gaanong kagandahan na babae para magustuhan ng kagaya mo? Pero siguro nga itinadhana tayo para sa isa't-isa. Ngayong ikakasal na tayo at magsasama sa iisang bahay, intindihin mo pa din sana na flawed akong tao. Pero huwag kang mag-alala, flawed man ang babaeng nasa harapan mo at kahawakan mo ng kamay dito sa altar, asahan mong mamahalin naman kita hanggang sa maubos ang hininga ko. Mahal na mahal kita."

Pagkatapos ng wedding vows ay may I do's na kaya noong nagtanong na ang Pastor, agad kong sinabi na I do.. Ang lakas ng tambol ng dibdib ko nang mga oras na ito dahil ito na ang pagkakataon para maging official na ang kasal.. at nang marinig ko ang hudyat ng nagkakasal "you may now kiss you're lovely bride", tumingin ka sa akin at hinalikan... ang babaeng kaharap mo ngayon sa altar. Narinig ko ang palakpakan ng mga tao. At bilang kaibigan rin ng babaeng pinakasalan mo, nasasaktan man, ay nakisaya ako at sumabay sa palakpakan ng mga tao.

Akala ko maayos tayo noong mga panahong pumunta ako sa ibang bansa. Nagtrabaho ako para sa atin, para sa kinabukasan natin. Ngunit nang pagbalik ko, kinausap niyo ako ng malapit kong kaibigan. Sobra ang pagtangis niya at maging ikaw ay halos maglumuhod na sa paghingi ng tawad sa akin. Tinanong ko kung anong nangyari, kahit na alam kong hindi ito magandang balita. Nalaman kong isang gabi, nangyari ang hindi inaasahan sa pagitan niyong dalawa. Sinabi mong lasing ka, at inamin naman niyang inakit ka niyang talaga dahil matagal ka na niyang gusto. At ngayon, may batang nakasaalang-alang. Hindi ako lumaban hindi dahil duwag ako. Pinalaya kita dahil anak mo na ang usapan. "Magiging maayos din ang lahat sa inyo. Huwag kang mag-alala, magiging ayos lang din ako." Yan ang mga binitawan kong salita pero sa loob-loob ko, gusto ko na lang mawala. Abot-abot ang paghingi niya ng tawad, habang ikaw naman ay tumakbo papalapit sa akin at sinabing mahal na mahal mo ako. Gusto kitang sumbatan. Saan ba ako nagkamali? Ngunit napagtanto kong ang pag-ibig ay hindi mapanumbat. Tumutulo man ang luha, ikaw ay aking nginitian at sinabi sa iyong, "sana'y maging maligaya ka sa kanya."

At ngayon nga, maligaya ako para sa iyo, mahal ko. Siguro nga hindi ako ang tunay na para sa iyo. Marahil, matagal pa bago maghilom ang puso ko. Pero naniniwala ako na isang araw, magigising na lang ako na wala na akong mararamdaman pang sakit.

Love Gone WrongTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon