Nasa bungad pa lang ako ng grandiosong pintuan ng ancestral house ng mga Villavicencio ay halos malaglag na ang panga ko sa pagkamangha sa sobrang ganda ng loob ng kanilang bahay lalo na sa dami ng mga manikang naka-display sa bahat sulok nito. Ito ang unang beses na makakatapak ako sa mansion ng pinakamayamang pamilya dito sa aming bayan. Isang beses sa isang taong kasi kung buksan nila ang kanilang mansion para sa publiko. Kada taon kasi ay nagkakaroon sila ng doll exhibit.
Hindi ko mapigilan ang tuwa ko habang naglalakad ako papasok. Bawat kagamitan sa loob ay pinagmamasdan kong mabuti. Sa unang tingin pa lang ay malalaman nang lahat ng gamit dito ay mamahalin. Kahit ang mga manikang naka-display ay mukhang mga mamahalin din. Iba't-iba ang mga laki nito, kulay at mga kasuotan. Halatang kinolekta ito mula sa bawat sulok ng mundo. May ilang manika pang gumagalaw at kumukurap.
Habang abala ang lahat sa paglibot at pagtingin sa bawat manika ay maririnig sa buong mansion ang tunog ng isang music box. Marahil ito ang pinili nilang tugtog dahil nababagay para sa isang doll exhibit. Pakiramdam ko tuloy ay nasa ibang mundo ako. Parang gusto ko tuloy sumayaw at umikot-ikot.
Libre ang pagpasok sa loob ng mansion. Kahit sino at kahit ano pang estado sa buhay ay pinapayagang makapasok ng mga Villavicencio para makita ang koleksyon nila ng mga manika pero kahit kailan ay hindi pa nagpakita sa madla ang kanilang pamilya. Pero may ilang nagsasabi na nakita na raw nila at magaganda at gwapo raw ang mga ito na maihahalintulad sa mga manikang koleksyon nila. Gusto ko tuloy silang makita.
Naglakad-lakad pa ako at isang kwarto ang napasok ko. Ilang mahabang lamesa na puno ng iba't-ibang pagkain ang laman noon kaya ang daming mga taong nagkukumpulan at nag-uunahang makakuha ng pagkain at makarami. Napakabait talaga ng mga Villavicencio. Libre na nga makapasok ang kahit na sino dito sa kanilang bahay; pati pagkain ay libre pa rin. Dahil busog pa ako, 'di na ako nagtagal sa kwartong 'yon at itinuloy ko na lang ang paglibot. Napakalaki kasi nitong mansion at ilang kwarto pa ang kailan kong pasukin para makita ko ang lahat ng mga manika.
Nakakamangha talaga ang koleksyon nila, lalo na yung mga nakalagay sa mga box na salamin. Mukha kasing may kalumaan na ang mga ito pero na-preserve pa rin at napanatili pa rin ang ganda. Naisip ko, ang saya siguro ng kabataan ng mga babae sa pamilya ng Villavicencio dahil ang dami nilang mga manika, samantalang ako isang beses lang akong nakaranas magkaroon ng manika na galing pa sa basurahan na tinapon ng anak ng pamilya kung saan nagtratrabaho noon ang Nanay. Pugot pa nga ang ulo nung laruan ko, inayos at ikinabit lang uli ni Tatay para mapaglaruan ko.
Inabot ako ng hapon sa paglilibot sa lahat ng kwarto sa ibaba ng mansion. Ibaba pa lang 'yon at hindi pa kasama ang sa itaas. Sa pagod ay naupo muna ako sandali sa isa sa mga mahabang upuan sa loob ng mansion. Ang lambot ng kutson ng upuan at kulay ginto pa ito. Habang nagpapahinga ako ay napansin ko ang bagong dating na kumpol ng mga babae't lalaki na mukhang mayayaman. Mga walo siguro sila. Ang mga babae'y nakasuot ng mga bestidang makukulay at mahaba. Magara ang disenyo ng mga damit nila at nagkikinangan ang mga alahas na suot nila. Ang mga lalaki naman ay nakasuot ng suit at mukhang mga kagalang-galang. Sabay-sabay silang naglakad papanhik sa malaking hagdan na nasa gitna ng mansion. At sila palang ang nakita ko na papanik sa itaas kaya naisipan ko na sumabay na. Pero nang makalapit ako sa may hagdan ay bigla na lang akong pinigilan ng isa sa mga bantay. Napansin ko rin sa buong mansion ay sa may hagdan lang sila nakabantay.
"Mga VIP lang po ang pwede sa itaas," sabi nang bantay na pumigil sa 'kin kaya hindi na ako nagpumilit pa, pero sa isip ko gusto ko talagang makapanik sa itaas. Gusto kong makita ang koleksyon na mayroon sila sa itaas. Sigurado ako na mas magaganda at mamahalin ang mga 'yon dahil mga mayayaman lang ang pwedeng makakita.
May nabuo tuloy na ideya sa isip ko. Hinanap ko kung saan ang banyo. Sa tatlo na napuntahan ko, lahat ay may tao. Buti na lang sa pang-apat ay wala na. At buti na lang malaki ang mansion kaya marami rin silang banyo. Malaki ang mga banyo nila dito. May malaki at mahabang salamin at may mga cabinet rin.
Binuksan ko ang cabinet na nasa ilalim ng lababo. May mga lamang panlinis ito, pero maluwag pa rin at kasyang-kasya ako. Buo na ang desisyon ko. Hindi ako aalis sa mansion at doon ako magtatago.
Lumabas ako ng banyo at dumeretso ako sa kwarto kung saan may mga pagkain. Parang hindi nauubusan ng pagkain 'yung lamesa dahil ang dami pa rin pagkain kahit na ang daming tao. Kumain ako nang kumain at naglagay pa ako sa bag kung sakaling magutom ako mamaya.
Habang papadilim ang langit ay unti-unti na ring nababawasan ang mga tao at bago pa makalabas ang lahat ay sinimulan ko na ang aking plano. Pumunta ako sa bakanteng banyo na napuntahan ko kanina, pero pagpasok ko ay may tao kaya hinitay ko pa siyang makaalis bago ako nagtago sa loob ng cabinet.
May kalahating oras na akong nagtatago sa ilalim ng cabinet. May ilan na rin ang pumasok at lumabas ng banyo. Nang maka-isang oras ako sa loob ay wala nang pumasok, siguro ay nakalabas na silang lahat. Napansin ko rin na wala na akong naririnig na tunog ng music box. Hudyat na siguro 'yon na tapos na ang exhibit.
Napakatahimik ng buong paligid. Sa sobrang tahimik pakiramdam ko mag-isa na lang ako sa mansion. Umalis nga kaya silang lahat? Pati mga bantay at katulong? Ang mga Villavicencio kaya, nasaan?
Dahan-dahan akong lumabas ng cabinet. Ingat na ingat ako para 'di ako makagawa ng kahit na anong ingay. Paglabas ko ng banyo ay kadiliman ang sumalubong sa akin. Kinapa ko ang pader. Ang ding-ding ng mansion ang naging gabay ko hanggang sa makarating ako sa lugar na may ilaw. Ang mga manika na nasa loob ng mga salaming box ang tanging nagbigay liwanag sa paligid. Nakaramdam ako ng pangingilabot sa buong katawan. Pakiramdam ko kasi ay nakatingin lahat ng manika sa akin kaya mabilis akong naglakad hanggang sa makalapit ako sa ibaba ng hagdan.
Inilibot ko ang mga mata ko. Wala talagang tao. Kahit ang mga bantay na nandirito kanina ay wala na. Dahan-dahan akong umakyat ng hagdan. Ang lakas ng tibok ng puso ko. Nanginginig din ang katawan ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa kaba o sa excitement na makita ang mga manika na nasa itaas.
Nang nasa pinakahuling baitang na ako sa itaas, hindi ko malaman kung saan ako pupunta. Kung sa kaliwa ba o sa kanan. At pinili kong pumunta sa kaliwa dahil doon ako may nakitang manika na nasa loob ng salamin na gawa sa box. Naisip ko na ang katabing pinto nito marahil ang pinaglalagyan ng iba pang koleksyon ng mga manika ng mga Villavicencio.
Dahan-dahan akong naglakad palapit doon. Nang nasa tapat na ako ng pinto ay idinikit ko ang tenga ko roon. Tahimik. Mukhang wala ring tao. Hinawakan ko ang seradura at dahan-dahan ko iyong pinihit. Bukas ang pinto at hindi naka-lock.
Pumasok ako sa loob ng kwarto at tama ako; naroon nga ang mga manika. Mga manika na halos kasing laki ko at ang ilan ay mas mataas o kaya ay mas maliit sa akin. May babae, lalaki at mayroon pang mga bata. Kahit patay ang ilaw ay nakikita ko pa rin sila dahil sa mga ilaw na nakatapat sa bawat isa sa kanila. Pinagmasdan ko ang bawat manika. Para itong mga totoong tao hindi nga lang humihinga. Isa-isa ko silang tinignan hanggang sa makarating ako sa pinakahuling manika. Isang babaeng manika ang pinakahuli at halos maiyak ako nang mapagmasdan ko ang mukha niya. Para kasi akong nananalamin. Kahawig na kahawig ko ang manika at ang tanging pinagkaiba namin ay ang nunal niya sa kanang ibabaw ng kanyang labi.
"Ate Anna..." ang kakambal ko na isang taon nang nawawala.

YOU ARE READING
Twisted Minds
Mystery / ThrillerA collection of Psychological, Mystery, Thriller Short Stories and Flash Fictions.