Lima...

278 22 4
                                        

"Lagot ka!" bulyaw ng isa nating kaklase sa akin.

Ako naman ay parang natarantang lamok na palingon-lingon sa paligid at pagkatapos ay sa ating guro. Hindi ko alam ang aking gagawin Kath. Gusto kong mawala sa lugar na iyon at isiping nananaginip lamang ako. Pero gising na gising ako...gising na gising ako sa isang bangungot na alam kong ikapapahamak ng aking sarili.

Umatras ako nang unti-unti, nagsimula namang tumakbo ang isa sa ating mga kaklase. Alam kong iyon na ang katapusan ko. Alam kong patungo siya sa opisina ng mga guro upang ipaalam ang nangyari. Pumikit na lamang ako at tinakpan ang aking ulo gamit ang aking mga kamay. Umupo ako sa isang sulok at paulit-ulit na umiling.

Wag kang lumuha. Ayos lang naman ako nang mga panahong iyon. Hindi ko lang mapigilan noon ang matakot. Hindi ko maiwasang isipin ang sugat sa kanyang noo...ang sugat na iyon ay kagagawan ko, ang kasalanan ko.

Ang gusto ko lang naman ay ipagtanggol ka. Gusto kong protektahan kung ano ang mayroon tayo. Hindi nila tayo mapaghihiwalay. Hinding-hindi dahil hindi ko iyon kakayanin.

Lumipas ang ilang minuto at nagdatingan ang iba pang mga guro. Sa pagkakataong iyon ay mayroon nang malay si Ms. De Villa ngunit hindi maganda ang kanyang ipinapakita. Nahihilo siya at tila tumitirik ang kanyang mga mata. Hinawakan niya ang kanyang noo at sa kanyang kamay ay nakita niya ang kanyang sariling dugo.

Inakay siya ng iba pang mga guro palabas. Binuhat siya ng isang lalaki at inalalayan naman ng isang babae. Hindi ko na marinig ang kanilang pinag-usapan. Animo'y bingi ako sa lahat ng bagay. Nagdidilim din ang aking paningin at hindi ako makahinga nang maayos. Ang alam ko ay tinitigan nila akong lahat. Maging ikaw ay tumitig sa akin. Awa ang aking nakita sa iyong mga mata at galit naman ang aking nakikita sa iba.

"Tinulak ko po siya..." iyon ang sagot ko sa ating principal nang ipatawag niya ako sa kanyang opisina.

Hindi ako makatingin nang diretso sa kanya. Nakatingin lang ako sa aking sapatos habang iniyuyugyog ang aking mga paa.

"Bakit mo naman 'yon ginawa?" malumanay na tugon niya.

"Kasi po pinipingot niya si Kath. Wala naman po siyang ginagawang masama eh. Sumagot lang po siya sa tanong ni ma'am," sagot ko.

"Pero hindi mo dapat 'yon ginawa Ronnie. Dapat nirerespeto niyo ang inyong guro."

Hindi ko alam kung kailangan nga bang respetuhin ang ganoong klaseng tao. Oo mga bata pa nga tayo noon Kath, pero hindi ibig sabihin noon na hindi na natin alam ang nangyayari sa ating paligid.

Minsan naitatanong ko tuloy sa aking sarili kung sino nga ba ang walang respeto. Yung mga matatanda na akala nila sila lang ang tama? O ang mga batang sumusunod lamang sa kanilang mga turo.

Matapos nang ilang minutong pagtatanong at pagsagot para linawin ang mga pangyayari ay pinalabas na rin ako ng ating principal. Sa labas ng kanyang opisina ay naroroon ka naman, nakaupo at hinihintay na ikaw ay tawagin. Ilang segundo lamang ay tinawag ka na rin niya upang ikaw naman ang tanungin. Ako naman ang umupo sa iyong pwesto at naghintay. Matagal ang inyong pag-uusap at alam kong sa pagkakataong iyon, ikaw ay umiiyak na. Naririnig ko ang iyong pagtangis sa labas ng opisina.

Maya-maya pa ay padabog mong ibinalabag ang pinto at tumakbo palayo. Tinawag pa kita noon ngunit hindi mo ako nilingon. Sinundan na lamang kita ng tingin hanggang sa lumabas ka ng gate nang hindi man lang ako hinihintay.

Nang araw na iyon ay hindi tayo nagkasabay sa pag-uwi. Hindi ko lubos maisip na simula na pala iyon ng ating paghihiwalay. Tumawag sa bahay ang principal at pag-uwi ko ay sermon ang aking nakuha mula sa aking ama. Si mama naman ay hindi mapigil ang kanyang pagluha. Nakatanggap pa ako noon ng malutong na dos por dos sa aking katawan. Hindi napigilan ni ama ang sobrang galit at halos mapasaan pa ako sa aking mukha. Hindi na ako umiyak. Tulala lamang ako noon sa aking kwarto sa tabi ng aking bintana. Tiningnan ko na lamang ang buwan at mga bituin, umaasa na sana sumusulyap ka rin sa iyong bintana at dinaramdam ang nag-iisang kasiyahan natin sa tuwing ang gabi ay sumasapit.

"Hindi na tayo puwedeng magkita."

Tulala, walang ibang iniisip kundi ang pag-iisa. Pilit kong isiniksik sa aking isipan ang mga katagang iyan. Halos wala na akong malay, tumingin na lamang ako sa iyong likuran. Ang imahe ng puno ng mangga at ang nagkukulay tsokolate na mga dahon nito ang simbolo ng pagka-agnas ng ating pinagsamahan. Unti-unting nalalanta at nahuhulog na lamang sa damuhan ang mga dahong iyon. May kalamigan ang hangin at tanging ang sipol na lamang niyon ang aking naririnig. Nagbabadya ang mapait na katotohanan sa aking lalamunan hanggang sa magsimulang tumulo ang mapait na luha sa aking pisngi.

"Bakit?"

Iyon lamang ang aking naibulalas. Basag ang aking tinig, tiningnan kita sa iyong mga mata. Halos maga na ang mga matang iyon dulot ng walang tigil na pagluha. Umiwas ka ng tingin at tinakpan ang iyong mukha. Katahimikan ang muling bumalot sa atin.

Tumingala na lamang ako sa langit, tila nagtatanong sa Diyos kung bakit nga ba ito nangyayari sa atin. Ayoko na sana siyang kwestyunin sa mga nangyayari pero hindi ko mapigilang magtanong.

"Bakit?"

Hindi ko ninais na mawala ka Kath. Hindi ko kayang makita kang lumalayo habang ako naman ay lumalapit sa 'yo. Nang matapos ang ating taon sa grade 5 ay parang natapos na rin ang ating paghihirap. Kasabay rin noon ang katapusan ng maliligayang araw natin nang magkasama. Sinubukan kong dumalaw sa inyo noon dahil hindi kita nakikita sa eskwelahan para ayusin ang ating mga grado. Tinitigan lamang ako ng iyong ama at pagkatapos ay isinara ang pinto. Sinubukan din kitang tawagan sa telepono, alam kong ikaw ang nakasagot...alam kong ikaw iyon, ang malungkot at malumanay na tinig mo ang nagsasabing ikaw nga iyon. Ibinaba mo lamang nang dahan-dahan ang telepono nang sabihin kong: ako ito, si Ronnie. Kumusta na?

Wala akong nagawa kundi ibaba din ang telepono nang dahan-dahan, ipatong ang aking ulo sa mesa at panoorin ang mapulang paligid dahil sa paglubog ng araw.

Tagu-taguanWhere stories live. Discover now