Stacatto

1.8K 92 9
                                    

"Anak, maganda ang araw ngayon oh. Maaraw. Unang beses ngayong linggo na ito na nagkaroon ng ganito kagandang panahon. Hindi ka ba natutuwa? Ayaw mo ba lumabas kasama ang mga kaibigan mo?"

Natigil ako sa pagtutok sa panunood ng TV. Inayos ang upo ko. "Ayokong lumabas."

Hindi ko ba alam kay Mama. Hindi niya ba nahahalata na wala naman akong mga kaibigan? Gusto ko naman talagang lumabas. Tama si Mama, maganda nga ang panahon ngayon, kase malinaw na ang kalangitan. Matindi ang sikat ng araw. Nanumbalik na naman ang mga ibon sa kani-kanilang malalayang paglipad. Sabado. Ganitong araw kadalasan nagsisialis ng bahay ang mga kabataang katulad ko para lumabas kasama ang kanilang mga kaibigan. Pero dahil sa wala akong kaibigan, bakit pa ako lalabas ng bahay?

Nagdalawang-isip ako. Parang masarap ngang lumabas ng bahay. Pinatay ko na yung TV at nagpaalam kay Mama. Ayos naman 'tong kasuotan ko, at saka pa, hindi naman kalayuan ang pupuntahan ko eh. Dito lang din sa loob ng village namin, doon sa isang playground park. Halos walang pumupunta doon kaya gustong-gusto ko ang lugar na iyon. Tahimik. Ako lang mag-isa.

Ganito yung mga panahon na gusto kong mag-isa, pero hindi ako nalulungkot. Wala lang. Siguro minsan nasanay na rin ako na ako lang mag-isa. Na wala akong taong makakasama sa lahat ng mga gagawin ko, wala ng iba sa aking tabi kundi ang anino ko lamang.

Lumakad na ako sabay ang paghampas ng hangin sa buhok ko. Para tuloy sumasayaw ang mahaba kong buhok sa simoy ng hangin. Walang tao sa paligid. Walang ingay kundi ang yabag lamang ng aking mga paa.

Nakarating na ako sa playground park at agad na umupo doon sa swing. Medyo mababa lang ito at mukha na ring bibigay ang mahabang tali nito. Dahan-dahan akong umurong pagakatapos ay umabante para gumalaw ang swing. Mabagal at mababa lamang ang pag-swing ko dahil sa natatakot akong mahulog.

Tumigil na ako. Pagkatapos ay umurong muli para iduyan ang sarili. Tapos tumigil ulit. Tapos duyan. Tapos tigil. Siguro nakalimang beses akong paulit-ulit doon, mahirap din pala kasing mag-swing kapag mag-isa ka lang.

Uurong na sana muli ako nang biglang naramdaman ko na may humawak sa magkabilaan kong balikat. Tapos dahan-dahan niya akong tinulak. Diniinan ko ang hawak sa mga tali, at ramdam na ramdam ko ang hangin sa aking mga mukha. Para akong isang ibon na lumilipad sa langit. Lumilipad ako, lumilipad ako-

Pero huminto ako. Mukhang nagulat din kung sinoman yung taong nasa likuran ko. Masyado kaseng biglaan ang paghinto ko. Tumayo ako mula doon sa swing at liningunan siya. Maski ako nagulat din eh. Yung taong nasa likuran ko na tumulak sa akin... siya yung weirdong lalaki nung Lunes, yung may-ari ng payong na kulay pula.

"Hello," sabi niya sabay tawa.

"Bakit mo ako tinulak?" tanong ko sa kanya. Napatingin ako sa lalakeng ito na nasa harapan ko. Aaminin ko, gwapo siya. Siguro kung normal akong babae, baka nagpa-cute na ako sa kanya. Pero teka, normal naman ako ah? Ang ibig kong sabihin ay... ano... basta.

Ngumiti siya sa akin. "Nagsi-swing ka ng mag-isa? Hindi masaya yun."

May naaalala talaga ako sa kanya. Ngayon na tinititigan ko siya, napagtanto ko na magkahawig din sila. Pareho sila ng mga mata at ngiti. Siguro kung nagkita muli kami ng taong iyon pagkatapos ng ilang taon, baka ganitong-ganito ang magiging itsura niya.

"Sanay akong mag-isa. Masaya kaya yun." sagot ko sa kanya. Tinalikuran ko siya at dumiretso doon sa slide naman. Umakyat ako, medyo mababa lang naman yun, pero napatili ako nang makita kong nandun na siya sa itaas. Halos muntik na nga akong mahulog eh. 

"P-p-paanong..." hindi ako makapagsalita. Tumingin-tingin ako sa paligid ko. Baka umakyat siya mula sa baba ng slide, tapos dumiretso siya dito. Pero ang bilis niya naman ata?

"Ayos lang naman kung mag-isa kang mag-slide, pero wala kang kasamang tumawa kapag nahulog ka na sa ibaba," sabi niya na naman at saka nag-slide. Nung nasa ibaba na siya, bigla na lang siyang tumawa. Weirdo talaga ang lalakeng ito. "Whee, ang saya nun ah."

Hindi ko alam pero sumunod ako sa pag-slide at napangiti na rin. Masaya ngang mag-slide. Tinignan ko siya habang lumalakad siya papunta sa monkey bars. Yun ang pinakaayaw ko sa lahat. Ang sakit kase sa kamay, saka natatakot ako na baka mahulog ako.... wala pa namang sasalo sa akin.

"Try mo rin ito, kahit medyo masakit sa kamay. Sasaluhin naman kita eh." sabi niya sa akin. Nagulat ako. H-hindi kaya nababasa niya ang utak ko? Ano bang pinag-iisip mo Yannie. Baka lang talaga madali kang basahin. Pero... sabi ng iba mahirap daw akong basahin eh. Pero bakit siya...?

Lumakad ako ng dalawang hakbang palapit sa kanya. Tapos tumigil. Huminga ng malalim. Tapos humakbang muli. Tumigil ulit, at napayuko at tinitigan ang mga paa ko. Hindi ko alam, pero gusto ko siyang maging kaibigan. Mukha naman siyang masaya kasama. Palatawa at palakaibigan... hindi katulad ko. Komportable ako sa kanya... pero medyo nagdadalawang-isip din ako. Natatakot din naman akong magtiwala agad sa taong kahapon ko lang nakilala.

"Ang tagal mo naman," sabi niya. "Sige na, madali lang naman 'to. Kaya mo na ito, ang tangkad mo na kaya."

May kakaiba sa sinabi niya. Yung mga salitang sinabi niya, para bang kilala na niya ako. Para bang matagal na kaming nagkita. May kakaiba rin sa mga ngiti niya. Dahil ang mga ngiting niyang iyan... kapareho talaga ng kay Jojo. Lalo na nung mga bata kame, ngingitian niya ako sa tuwing natatakot ako. Hindi kaya.... pero hindi. Hindi pwede. Patay na si Jojo.

Lumakad ako palapit sa kanya. Sinubukan kong mag-monkey bars. Kinapit ko yung mga daliri ko sa metal bars, kahit na ang sakit niya talaga sa kamay. Nilipat ko sa isa pang bar. Tapos sa isa pa. Tapos sa isa pa ulit. Hindi na kaya ng mga kamay ko, kaya napapikit na lang ako at handa ng tumalon.

Isa, dalawa, tatlo.

"Oh diba? Madali lang naman siya." binuksan ko ang mga mata ko. Nandun yung lalake sa harapan ko at nakangiti sa akin. Tama siya. Madali lang pala. Akala ko kase mahuhulog ako, akala ko kase masasaktan ako. Yun pala masaya pala siya kahit papaano.

Ganun din kaya sa pakikipagkaibigan?

"See-saw naman tayo." anyaya niya. Tumakbo siya agad doon. Sumunod na lang ako sa kanya. Umupo na siya doon sa kabilang side, samantalang ako sa kabila. Nung umupo ako, tumaas siya kaagad. Ganun ba ako kabigat? Ito rin yung hindi ko malaro kase mag-isa lang ako. Pero ngayon may kasama na ako, kaso naman masyado ata siyang magaan o kaya naman ako ang mabigat. Kahit anong pilit ko, hindi pa rin siya bumababa. Nandun pa rin siya sa ere at natatawa.

"Ang daya mo naman! Bakit ikaw lang ang tumataas?" 

Natatawa pa rin siya. "Sorry, hahaha. Mabigat ka pala Yannie." sabi niya sa akin. Natigilan ako. Tama ba yung pagkakarinig ko? Kilala niya ako? Pero paanong...

Nasisinagan ng araw ang mukha niya. Medyo malabo siya sa paningin ko. Ang sakit sa mata ng araw. Pero pilit ko pa rin tinititigan ang mukha niya. Nakangiti siya sa akin. Kumikislap ang mga mata niya. 

"Masaya ako na nagkita tayo muli, Yannie." 

TransparentWhere stories live. Discover now