Chapter 20 Unreachable Hope

893 20 0
                                    

Bumalik sina Lance, Nicole at Rafael sa hospital. Laking tuwa nila nang makarating sila at wala na ang mga uwak na kanilang tinatakbuhan. Kahit bakas ng mga ito ay walang naiwan.

"Mabuti naman at wala na sila," ang sabi ni Rafael.

"Oo nga, nangalawang ang kadena ko dahil sa tatlong araw na pagkawala natin dito sa hosptal," ang sabi naman ni Lance.

"Pumasok na tayo," ang sabi ni Nicole. "Tignan natin kung anong nangyayari sa loob habang wala tayo."

Inuna nilang puntahan ang katawan ni Lance sa ICU dahil iyon ang pinakamalapit. Walang nakaduty na estudyante nang araw na iyon sa Surgical Ward. Tahimik sa Nurse's station, kani-kaniyang trabaho ang inaatupag ng mga nakaduty na mga nurse at abala naman ang mga Residents sa pakikipag-usap sa mga Consultants.

"Parang ang tagal nating nawala," ang sabi ni Lance habang binabasa ang mga pangalan ng mga pasiyente sa board. "Ang daming nawala at ang daming pumalit. Halos hindi ko kilala yung karamihan."

"Matagal din tayong nagkulong sa kwarto ni Nicole hindi ba? Kaya naman baka yun ang rason kung bakit parang ang daming nawala," ang sabi ni Rafael.

"Sabagay," ang sagot ni Lance. "Minsan talaga come and go lang ang mga pasyente."

Pumasok ang tatlong kaluluwa sa loob ng SICU. Doon ay naroon parin ang nakaratay na katawan ni Lance – walang malay, napakaraming tubo at aparato ang nakakabit, at tila walang buhay. Tanging ang nakaduty na Nurse lamang ang naroon na naghahanda ng gamot ni Lance.

"Good morning Nurse Kye!" ang masayang bati ni Lance. "Mukhang mag-isa ka ngayon ah."

"Kinakausap ba niya yung nurse?" ang tanong ni Rafael kay Nicole.

"Sa palagay ko," ang sagot naman ni Nicole. "Hindi naman Kye ang pangalan ko, at lalong hindi iyon ang pangalan mo."

Tinignan ni Lance ang dalawa na parang nawiwirdohan sa dalawa. "Kinakausap ko ang mga nurse kasi madalas ko silang makaduty noon, at isa pa nakakabaliw kayang walang kinakausap. Kahit alam kong hindi nila ako naririnig ay okay na sa akin ang makapagkwento o makapagsalita man lang at least."

"Eh bakit hindi nalang ako ang kausapin mo? Girlfriend mo naman ako," ang sabi ni Nicole.

"Sila ang kinakausap ko bago kita ligawan," paliwanag ni Lance. "Ito naman, masiyadong selosa."

Lumapit si Lance sa kaniyang katawan, sinusuri niya ang kaniyang hitsura. Sana lang kaya kong ibuka ang mga mata ko at makita kung magrereact ang pupils ko sa ilaw, ang sabi ni Lance sa kaniyang sarili. "Mukhang nabawasan na ang pamamaga sa surgical site," ang sabi ni Lance. "Mukhang wala na rin yung mga bed sores na nagsisimulang mabuo dati."

"Mukhang magandang balita iyon. Gagaling ka na ba?" ang tanong ni Rafael.

"Hindi ko alam, indication lang naman iyon ng proper management sa akin. Pero sana nga gumaling na ako, hindi na ako makapag-antay na makabalik sa katawan ko."

Hinintay ng tatlo ang pagdating ng doktor ni Lance. Matapos siyang suriin at tignan ang mga recent laboratory and diagnostic procedure results ay laking tuwa ni Lance nang marinig na bumubuti ang kaniyang kalagayan. "Improving na siya," ang sabi ng doktor ni Lance kay Nurse Kye. "Lumalaban ang batang ito. Sige hijo, konting laban pa."

"Yes doc!" ang sagot ni Lance.

Hindi naman nagsasalita si Nicole sa mga oras na iyon. Hinayaan lamang niya si Lance na magsaya sa napakagandang balita na kanilang nakuha.

Nang lumabas ang doktor ni Lance ay umalis na din ang tatlo sa SICU at nagtungo sa Medical Ward. Hindi tulad sa Surgical Ward ay may isang grupo ng mga estudyante ang nakaduty. Pamilyar ang ilang estudyante kay Lance at ganoon din ang kanilang clinical instructor.

Heart Over Matter 3Where stories live. Discover now