Chapter 1: Terragia Part 3

21 2 0
                                    

"Tulungan niyo ako!"

"Tahimik!"

"Pangit! Lagot ka sa kuya ko!"

"Kung makakauwi ka pa."

Napapalatak si Fianna. Kung siya ang nasa kalagayan ng batang babae na ngayon ay parang sako na pasan ng lalaki, ay hindi na niya aaksayahin ang lakas sa pagsigaw dahil bukod sa baka ikagalit ng salarin ang pag-iingay nito, ay malabong may ibang makarinig dito sa lugar na iyon maliban sa kanya.

Ilang oras na kasi mula nang pumasok sila sa isang sikretong lagusan sa ilalim ng lupa. Konkreto ang pader at madilim ang paligid dahil hindi masyadong napasok ang liwanag doon. Tanging ang cair, isang uri ng ilaw na pinapagana ng tubig-alat at sikat na imbensiyon na galing Terragia, lamang na dala ng lalaki ang nagbibigay liwanag doon.

May palagay siyang daanan iyon para sa paglikas para sa siyudad na iyon. Pero mukhang ginagamit na ito ngayon sa ilegal na gawain.

Kumapit na kasi ang iba't ibang amoy ng hindi niya matukoy na halaman doon kahit wala namang kahit anong tanim doon.

Tahimik lang siyang sumunod sa mga ito habang nagmamasid. Ilang oras na nga ba silang naglalakad? Parang malapit na niyang pagsisihan na hindi niya ito kaagad inatake kanina.

Pero ang sabi ni Yee, hindi ako dapat basta umatake. Hindi ako dapat magpadalos-dalos.

Hindi pa kasi siya sigurado kung walang patibong o kung ano man sa lagusan na iyon.

"Pag-aralan mo ang kalaban. Kahit pakiramdam mo ay lamang siya sa lakas, maaari mo pa rin siyang gamitan ng talino para malaman ang kahinaan niya."

"Tatandaan ko po, Prinsipe Kaizer.", sarkastikong wika niya.

Ipinilig niya ang ulo nang mapansin na naglakbay na pala ang kanyang isip sa nakaraan. Pero iyon nga ang dapat niyang gawin.

Tiningnan niya ang lalaki. Malaking tao ito. Nakasuot lamang ito ng ordinaryong kamiseta na ang mahabang manggas ay nirolyo pataas hanggang siko at pantalon. Mukha itong ordinaryong na mamamayan maliban sa may dala itong gulok na naka sukbit sa baywang nito.

Kung susumahin, palagay naman niya ay may laban naman siya sa lalaking iyon pero dapat ay mag-ingat siya na huwag mapahamak ang bata.

Malaking bulto ito kaya medyo may kabigatan ang katawan sa pagkilos. Basta mauna siyang umatake dito, hindi siya masyadong magkakaproblema.

Kinuha niya ang dalawang maiksi na patalim na madalas niyang dala na nakatali sa magkabilang gilid kanyang hita.

Bigla ay may umihip na hangin. Nanlaki ang mata niya.

Simoy iyon ng dagat!!! Malapit na kami sa hangganan!

Hindi pwedeng umabot sila sa hangganan ng lagusan!

Bumuo siya ng plano sa isip niya.

~"~

Nag-alala si Yeelina nang papadilim na ay hindi pa rin nakakauwi si Fianna. Kaya naman ipinasya niya na hanapin na ito.

Ngayon nga ay naroon siya sa lugar kung saan nagsisilbi pansamantala si Fian, ang Aione. Ito ay isang tahanan na kumukupkop sa mga may edad na mamamayan ng Terragia.

Inilibot ni Yeelina ang paningin habang nakaupo at naghihintay sa may ari ng Aione.

Mula sa kaniyang kinauupuan ay pinagmasdan niya ang mga may edad na lalaki at babae na kasalukuyan nagkukwentuhan habang nainom ng wulong chai. Naaamoy kasi niya mula sa kinaroroonan niya na parehas ang aroma ng nasabing inumin sa ininom niya kanina.

Stellar ReisTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon