FF#5: Paghihiganti

145 9 3
                                    


Ang pagpaslang sa aking mga magulang ang isa sa hindi ko malilimutang karanasan. Pinatay sila ng walang kalaban-laban, sampung taong gulang pa lamang ako. Ayaw ibenta ng aking ama ang lupaing ipinamana pa sa kanya ni lolo noong kabataan niya. Ang salarin- ang kapitan sa aming nayon na si Justo Montano at ang kanyang tauhan. Akala ko isusunod na nila ako sa hukay. Iyon pala ay gagawin nila akong alila.

Mula sa pagsasaka, pagpapakain ng manok, paglilinis ng dumi sa babuyan, at pagdidilig ng kanilang mga halaman, nagtiis ako. Sa murang edad, ipinamulat nila sa akin ang kahirapan, panglalait at panghuhusga. Kahit walang kain at walang tulog, hindi ako umangal. Iniiyak ko na lamang ang mga pasanin ko gabi-gabi. Si Myra - ang kaisa-isang anak ng mga Montano, ang naging inspirasyon ko upang iahon ang sarili. Wala man siyang alam tungkol sa krimen ng kanyang ama, kinakitaan ko naman siya ng kabutihan. Minsan, nahuli siyang dinadalhan ako ng pagkain kahit alam niyang bawal. Kaya naman, dinala siya sa Maynila ng kanyang ama upang doon na pag-aralin. Dahil sa kanya, sumibol ang isang pag-asa.

Nagpursige akong iangat ang hacienda nila sa bayan ng Kalinong. Kinakitaan ako ng kasipagan at kabaitan ng mga hacienderong naroon hanggang sa unti-unti akong nawala sa kadiliman. Nagtuloy-tuloy pa ang aking pag-usad hanggang sa naging tagapangasiwa na ako ng buong Hacienda Montano. Pinag-aral din ako sa Maynila at ipinasok bilang isa sa mga administrador sa kompanya. At doon ko nga muling nakita si Myra. Muli kaming akapagpalagayang-loob. Niligawan ko siya. Sinagot niya naman ako. Hindi namin inilihim iyon sa kanyang magulang. Ilang taon pa ang lumipas, binasbasan ang aming pag-iibigan.

Sa mansyon ng mga Montano, sa bayan ng Kalinong idinaos ang aming kasal. Ang araw na magsisilbing paghihiganti ko sa krimeng ginawa ni Justo. Siya lang naman ang pakay ko at ang mga taong inutusan niyang paslangin ang aking magulang.

Araw ng aming kasal. Lahat ay imbitado kasama roon ang mga tauhan ni Justo. Nasa unahan na ako malapit sa altar nang mga oras na iyon. Itinago ko sa aking likuran ang baril na hawak ko. Nagsimulang maglakad si Myra na akay-akay ni Justo. Dahan-dahan ko nang binunot ang baril.

Ikinasa ko iyon at nang iaabot na ni Justo ang kamay ni Myra sa akin, doon ko na itinutok ang baril sa kanya. Nagkagulo ang mga tao sa hardin habang ang mga tauhan ni Justo ay nagsitakbuhan at pinalibutan ako.

Kitang-kita sa mukha ni Myra ang pagkagulat. Tinitigan ko lamang siya habang sakal-sakal ko ang kanyang ama na tinututukan ko ng baril sa ulo. Ilang saglit pa, umalingawngaw ang isang putok at mulat ang mga matang natumba sa lupa si Justo. Sunod-sunod na pinaputukan naman ako sa iba't ibang parte ng katawan. Dinig na dinig ko ang malakas na sigaw at pagtangis ni Myra. Labis ang hinagpis ng pinakamamahal ko.

Bago ako tuluyang lamunin ng dilim, naisatinig ko ang mga salitang sana ay noon o pa ito naintindihan.

"Siguro umasa akong maiintindihan nila kung gaano ako nawasak."

YSSF 2: Second WaveWhere stories live. Discover now