01.

588 25 22
                                    




࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

f r e j a

࿇ ══━━━━✥◈✥━━━━══ ࿇

Kinakati na ang mga binti ko sa matataas na damo habang naghihintay sa kakahuyan ng hardin sa palasyo. Ngunit hindi ko alintana iyon. Damang-dama ko ang bigat at takot sa mangyayari mamaya. Ang buhay ko ay tuluyan nang magbabago ngayong ipapadala nila ako sa Anja. Para sa isang responsibilidad na pinataw nila sa'kin. Ay hindi-parusa. Parusa iyon na binalot nila sa matatamis na salita.

"Freja," bulong ng isang boses at agad akong napalingon.

Dumating si Alexis sa aming tagpuan at mahina niya akong tinulak sa puno upang angkinin ang mga labi kong hahalikan na ng ibang lalaki mamaya. Puno ng pagmamadali ang halik namin-ang aming huli. Bawat balik ay may init at tamis at desperasyon; pinupunan ang mga takot na hindi namin masabi. Binaybay ng mga kamay niya ang aking leeg pababa sa balikat, braso at bewang.

Ang una kong pag-ibig. Nangilid ang mga luha ko sa naisip. Sa maraming taon na ako'y mag-isa, tanging si Alexis ang naging sandalan ko sa malungkot na palasyong ito. Ngunit matagal ko nang alam. . . na ang mga katulad kong manika ay ginawa upang mapaglaruan ng may kaya.

Nang kumalas siya'y dinikit niya ang noo sa'kin.

"Umalis na tayo dito. Sumama ka na lang sa'kin. Wag kang pumayag sa gusto nila," sabi niya sa isang bulong. Ngunit wala nang magbabago.

Wala nang makakapigil sa mangyayari. Dahil kahit umalis kami dito ay saan kami pupunta? Kapag nahuli kami ay tatanggalan ako ng titulo at papatawan si Alexis ng kamatayan. At ayoko-ayokong may mamatay nang dahil sa'kin. Lalong lalo na siya.

"Hindi pwede," sagot ko, mga daliri ay pinapasadahan ang hindi nakikitang linya sa aking leeg. Ang Banal na Tipan, ang sumpa sa lahat ng mga nobleng sakop ng Tatlong Korona.

Ang sumpang nagtatali sa'kin sa kautusan ng Reyna ng Khragnas.

May sakit sa kanyang mga mata. "Kung gayon, papayag ka na lang na ipakasal ka nila sa lalaking hindi mo mahal? Sa isang halimaw?"

Pumikit ako at isang luha ang nakatakas. "Wala akong magagawa."

"Meron! Binibigyan na kita ng pagpipilian. Tumakas na tayo dito habang may oras pa. Hahanap ako ng paraan pagkatapos. May mga kaibigan ako. Pwede nila tayong-"

"Alexis," iyak ko. Natigilan siya sa pagsasalita.

Hinaplos ko ang kanyang pisngi at humalik muli. Ang una kong kaibigan at ang unang taong aking inibig. Ayokong sabihin 'to sa'yo, pero kailangan. Sana'y malaman mong pati ang puso ko ay nabibiyak sa ating pagtatapos ngunit ito ang dapat. "Hindi na tayo magkikita pa. Hindi na kita maaaring maging kaibigan."

"Freja, pakiusap-"

". . .Paalam."

At ako'y tumakbo na palayo sa kanya. Palayo sa kaibigan kong nakagisnan ng halos limang taon, ang tanging naging kaibigan ko sa palasyo, ang aking lahat-lahat. Patawad, Alexis. Ngunit noon pa man ay hindi ako ang may hawak sa sarili kong buhay.

Anja I: KhragnaWhere stories live. Discover now