Kabanata V : Ang Unang Patak ng Ulan (2/2)

10.7K 200 30
                                    

Mula sa ilalim ng tubig ay kusang kumilos ang katawan ko't sinubukang lumangoy pataas...

may natatanaw akong liwanag...

malayo...

Hinabol ko.

Pero hindi ko alam kung kaya kong abutin...

Kay bigat ng katawan ko...

hindi ko ata kaya...

"...may dahilan ang lahat ng nangyayari..." bigla na lang naalala ko ang sinabi noon ni Marta "...imposibleng nangyari lang ito nang walang dahilan..."

Isang malalim na paghabol ng hininga ang nagbalik ng buhay sa aking katawan nang maabot ko ang ibabaw ng tubig... Hindi naging sapat iyon para kumalma ang katawan kong matagal na nalublob kaya't sunod sunod ko pang pinuno ng hangin ang dibdib ko. Napakabigat ng aking bawat paghinga at pakiramdam ko ay sinasakal pa rin ang leeg ko kada habol sa hangin. Bawat pag higop ay siya ring paglaban ng lalamunan ko. Sa ilong ko naman ay lumalabas ang naghahalong hangin at tubig. Pilit inilalabas ng sikmura ko ang tubig na naipon sa aking katawan. Mahapdi... napakasakit... pero kusang lumalaban ang katawan ko at nagpupumilit na mabuhay.

Nagpupumiglas sa tubig ang mga kamay ko dahil sa sobrang pagkataranta. Ang paningin ko naman ay magkahalong dilim at mga munting kislap ng liwanag ang nakikita. Ang utak ko ay gulong gulo at hindi malaman kung ano ang dapat unahing gawin. Naramdaman kong parang boluntaryong sumisipa ang aking mga paa at umaalpas sa bawat pagubo kong nagbubuga ng labis na tubig. Isang matinding pagubo pa at isinuka kong lahat ang tubig na pumuno sa tyan ko.

Unti unti kumalma ang pagpasok ng hangin sa aking dibdib. Nawala na ang kirot. Mga ilang ubo pa't naging klaro na ang lalamunan ko. Mga ilang singa pa at nawala na rin ang tubig sa ilong ko. Isang pang malalim na paghinga at tuluyan nang naging panatag ang aking katawan. Wala nang mas sasarap pa sa pakiramdam na walang pumipigil sa iyo. Pakiramdam ko ngayon ay para akong pusang nakawala sa isang masikip na hawla.

Pinunasan ko ang mukha kong balot ng tubig, nagkusot ng mga mata at pinatuyo ang mga tenga. Tumingala ako sa langit... Nararamdaman ko ang mga butil butil na ambon na humahalik sa mukha ko. Sa unti unti kong pagmulat ay nakita ko ang liwanag na pilit kong nilalangoy kanina - pinagmasdan ko ang mga ulap na tinatakpan ang araw. Makulimlim ang langit. Nakikita ko ang buong kalangitan. Kahit naguguluhan ay pinagmasdan ko pa nang matagal ang liwanag. Ilang araw din kitang pinanalanging makita...

Manipis na ang hamog... Bahagya ko nang naaaninag ang mga tanawin. Tumingin ako sa paligid ko at may kalinawan ko nang nakikita ang mga bagay na nakapalibot sa 'kin. Manipis na nga ang hamog...

Sa unang pagkakataon ay nakakita ako ng ulap. Maulap ang dinatnan kong umaga. Tinangka kong sumigaw para magbakasakaling humingi ng tulong sa kaninuman pero walang lumabas na boses mula sa bibig ko. Tuwing magbubukas ako ng lalamunan ay parang may tumutusok dito. Mahapdi at mukhang nagnanais din ng pahinga.

Tahimik ang buong paligid. Wala akong marinig na kahit ano maliban sa mahinang ambon at panaka nakang alon ng tubig.

"Nasaan ako?" tanong ng isip ko. Luminga linga ako sa at may napansin akong mahabang kahoy na palutang lutang mga ilang metro lamang ang layo sa akin. Naisip kong gamitin itong salababida para maipahinga ko kahit sandali ang katawan ko. Nilangoy ko ito at aking hinila nang masumpungan - at ipinatong ang dalawa kong braso para yakapin.

Inayos kong muli ang sarili ko at muli kong itinuon ang paningin sa lahat ng dako - may naaninag akong tulay - may sampung metro siguro ang taas sa akin at doble naman ng taas ang layo. Nung una ay inakala kong nasa ibabaw ako ng ilog pero hindi pala. Bumaling ako sa iba pang dako at napansin kong wala nga ako sa ilog. Mayroon pa ring maninipis na hamog sa buong paligid kaya hindi ko agad napansin ang mga gusali sa paligid ko. Pinagmasdan kong muli at naging pamilyar na sa akin ang lugar. Nang tignan ko muli ang tulay ay doon ko napagalaman na nandito ako sa Recto Ave - lumulutang lutang sa Quiapo Underpass.

Saan Kami Pupunta?Where stories live. Discover now