Mas Dakila

111 4 0
                                    



Walang tinig at tunog. Bahagya lamang ang liwanag, dito sa tapat ko, at ang lahat ay pawang anino. Gaya ni Mika, nagkamukha at nagkakulay paglapit sa mesa. Tinig niya, tunog ng tasa. Ngumiti ako, tumango. Tumalikod siya at naging anino muling paglayo. Dinig ko ang paglapat ng pinto. Humigop ako ng kape, at parang hanging kumawala ang ingay.

Nangangalahati ang kape nang ilapag ko ang tasa. Nakatuon ang mga mata ko sa papel na nananatiling blangko sa makinilya. Kumapa sa mga tiklado ang aking mga daliri. Tila tumakas ang hangin. Tigagal ang paligid.

Unang tipa. Ikalawa, ikatlo...ganap na ginapi ng makinilya ang gabi. Bumigat ang aking ulo. Tumiim ang anyo sa kaabalahan ng mga daliri. Nagsalimbayan ang mga imahen. Ratsada ng tambol. Martsa ng mga bota. Alingawngaw ng sirena. Mala-Olympus na siga. Watawat sa dilim. Mga ispatlayt. Paparating siya. Isa sa apat na kotse. 'Yung pinakamahaba. Naghihintay ako.

Umunat ako sa aking upuan, minasdan ang natapos na unang pahina. Hinagud-hagod ko ng kaliwang kamay ang patak-patak na balbas sa baba ko. Huminto, dinampot muli ang tasa. Humigop.

Umaga, nagsasalita ang pangulo sa telebisyon. Tumuon ang kamera sa wumawagayway na bandilang natututukan ng mga ispatlayt. Nangibabaw doon ang kanyang tinig: "Lumipas na ang panahon ng takot. Ang ngayon ay sasaksi sa lakas ng nagkakaisang Filipino!"

Napasulyap ako sa pagbukas ng pinto. Si Mika. May dala siyang kape, dyaryo naman sa kaliwang kamay. Pagkaabot niya sa aki'y naupo siya sa kama sa tabi ko. Itinuon ang pansin sa nagmamartsang mga sundalo at nagpapalakpakang mga tao.

Binuklat ko sa pagkakatupi ang dyaryo. Larawan ng mapagliming pangulo. Hedlayn: BALAK NA ASASINASYON NAHAYAG.

"Sino ang papatay sa pangulo?" tanong ni Mika na hindi inaalis ang tingin sa telebisyon. "Kung noon pa," tumingin siya sa akin, "baka sabihin kong ikaw."

Sinalubong ko habang humihigop ng kape ang tinging iyon. Laging nang-aakit ang mga mata ni Mika. Pati ang tuwid niyang buhok na ngayo'y walang ingat na humahanggan sa puno ng kanyang dibdib. Nakasandong maputla lamang pala si Mika. Ang kanyang kabuuan ay rebelasyon ng kanyang karakter; mapanukso.

Dalawampu't limang taon pabalik, hindi ko aakalaing maging ganito siya, mula sa limang taong gulang na batang naulila sa ama't inang rebelde. Kung tatanawin siya sampung taon pa pagkatapos noon, sana'y lalo siyang nakakapukaw kung walang gora, dyaket at baril.

"Sagutin mo ako. Bakit papatayin ang pangulo?"

Hindi ako umimik. Ibinaba ko sa katabing mesita ang kape. Hinawakan ko ang kanyang bisig at itinulak ang kanyang katawan pahiga sa kama. Sinunggaban ko ang kanyang mga labi. Hinigit niya ang aking batok. Totoo nga, at ilang beses ko nang napatunayan, mas mainit nga ang isang amasona.

Mas mabilis at walang tigil ang pagmamakinilya ko ngayong gabi. Ang bawat titik ay tila bagang nag-iinit sa dibdib ko. Papalapit siya. Magkikita rin kami. Hayun sa gitna. Umaaso ang palasyo sa diwa ko. Umaagos ang pagngangalit sa mga daliri ko.

Naputol ang sagitsit ng gripo sa lababo. Hinagip ko ang tuwalya at pinunasan ang mukha. Malabo ang repleksyon ng salamin sa harap ko. Tama lamang ang mukha ko sa maliit na kwadro niyon.

Dalawang kamay kong hinagod ang buhok sa may noo. Nakatulong din ang buhay sa bundok sa pagbabawas ng aking edad. Banat na noo. Buo, pangahang mukha. Matipunong pangangatawan. Sino ang magsasabing sisenta'y tres anyos na ako? Si Mika ba?

"Imbitasyon, galing sa kolehiyo mo. Lektyur sa rebolusyon."

Inabot ko kay Mika ang sulat. Political Science Society. Hanggang ngayon ba'y rebolusyon pa rin ang tanging interes ng mga estudyanteng ito? Naalala ko, gaano ko pinagtiyagaan sina Mao, Marx, at Lenin. Ukol sa gobyerno at mga lider - si Machiavelli ang panukat. Si Bonifacio ang pambansang bayani. Lahat ng may madudugong simulain, pinaniwalaan ko. Hanggang burahin ko silang lahat. Ako na lamang ngayon. Ako.

Mas DakilaTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang