<Sweet> LIGAW

5.1K 358 99
                                    

"LIGAW"

"May nakapagsabi na ba sayo na sobrang ganda mo?" panimulang banat ni Mang Baste, halos otsenta anyos, kulu-kulubot ang mukha, puti lahat ang buhok na natatakpan ng sombrero , pero preskong nakasandal sa upuan habang nakatitig sa matandang babaeng katabi.

Pinagtaasan siya ng kilay ng babae, sisenta y singko, nakapusod ang halos puro puti na ring buhok, kunot ang noong napatingin sa kanya. "Anong problema mo?" pagsusungit nito, tumayo at lumayo ng tatlong espasyo ng upuan mula sa kanya. Sinundan siya ni Baste.

"Ikaw. Ikaw ang problema ko. Masyado kang maganda, pinapahirapan mo ang puso ko." Napangiting sabi niya. "Anong pangalan mo?"

Tinignan siya nang matagal ng babae. Pero kunwa'y sumagot. "Estrella." Tumayo ito ulit, lumipat ng apat pang espasyo. Makulit itong sinundan ni Baste.

"Estrella," sabi niya, ninanamnam ang pangalan sa dila, saka ngumiti sa kausap. "Estrella. Ang ganda ng pangalan mo. Bagay sayo."

"Tigilan mo nga ako." Tumayo ang babae. Ubos na hilera ng upuan, kaya naglakad itong palayo. Tumayo si Baste at sinabayan itong maglakad. Palabas na ito ng gusali, papunta sa mini-garden.

"Sus, napaka-sungit naman nito. Masama bang magsabi ng totoo?" tanong ni Baste, hindi pa rin naaalis ang ngiti sa mga labi, sabay himas sa balbas sa baba.

"Binobola mo ako." matigas na sabi ni Estrella, binilisan ang paglalakad papunta sa tanim na mga pulang rosas. Mataman pa rin siyang sinundan ng matandang lalaki, bagamat napapabilis na ang paghinga.

"Hindi ako marunong mambola, ano. Nagsasabi lang ako ng totoo." Listong sagot nito. Sininghalan lang ni Estrella, pero napangiti. "Alam mo, may nobya ako dati na kapangalan mo."

"Oh? Talaga?" tanong ng babae, sinisikap na magmukhang hindi interesado pero nakikinig naman sa sagot niya.

"Disisiete anyos pa ako nun. Sobrang ganda niya. Matangkad, balingkinitan ang katawan. Mahaba ang kulot na buhok. Kulay tsokolate ang mga mata. Kulay pula ang labi. Parang ganyan." Turo niya sa mga pulang rosas. Saka matamang tinignan si Estrella. "Ganyang-ganyan."

Napailing- iling lang ang babae, at nagsimulang maglakad palayo. Sinundan siya ni Baste, pero hinihingal na siya.

"Saglit lang, saglit lang. Bakit ka ba umaalis? Hindi pa tayo nakakapagkwentuhan."

"Makulit ka." Tipid na sagot ng babae.

"Pasensya na. Hindi kakulitan ito. Sadya lang talagang ninenerbiyos ako pag may magandang kausap na tulad mo." Hinawakan nito nang banayad ang pisngi ng matandang babae. "May boypren ka na ba, Estrella?"

Napatawa ang matanda, kahit na medyo naiirita. "Boypren? Anong tingin mo sa akin, Baste, tinedyer? Ang tanda-tanda ko na."

Napailing si Baste bilang tugon. "Hindi. Hindi tumatanda ang kagandahan, Estrella. Parang pulang alak lang. Hindi nasisira, bagkus lalong sumasarap."

Hinampas ni Estrella ang matandang lalaki sa braso. "Pinagsasasabi mo!" Napaatras si Baste, ngunit napangiti.

"Hinawakan mo ang braso ko. Alam mo bang ibig sabihin nun? Gusto mo rin ako."

Pinigilan ni Estrella ang pagtawa. "Aywan ko sayo." sabi nito, saka lakad-takbong lumayo. Gusto pa siyang sundan ni Baste, pero minumura na siya ng paghinga niya. Mahirap na nga talaga ang tumatanda.

"ESTRELLA!" tawag ni Baste sa nakatalikod na babae.

Pumihit ito para lingunin siya, may bakas ng tinatagong ngiti sa mga labi nito. "Ano na naman?" tanong nito.

"Gusto kitang ligawan! Pwede ba kitang ligawan?"

Napahagikgik si Estrella. "May asawa na ako!" sagot nito.

"Psh. Hayaan mo na yung asawa mo. Matanda na yun, hindi ka na mapapasaya nun!"

Tinalikuran siya ng babae. Napangiti si Baste habang pinapanuod ang balakang nitong halos kumekembot palayo.

"Tatang, gamot niyo ho." Tawag pansin sa kanya ng isang tangkaring lalaking nakasuot ng asul na scrub suit. "Kamusta ho ang panliligaw natin? Mukhang mailap pa rin ah." nangingiting sabi nito.

"Alam mo bata, ang mga babae, kahit ano pang edad niyan, pare-pareho lang yang mga yan. Pakipot pa sa una. Kunwari di ka gusto. Pero mahal ka rin naman. Papahirapan ka lang ng konti." Kinuha nito ang mga tableta mula sa binata at nilunok nang isahan. "Yang si Estrella, mahal ako niyan. Nakita mo yung mga ngiti niya sa kin? Kunwari lang yan eh. Nagpapakipot lang yan."

"Lakas talaga ng fighting spirit ni Tatang!" sabi ng binata, sabay tawa.

"Aba syempre ano. Hindi ako kumukupas, tumatanda lang ako." Sagot ni Baste, na lalong ikinalakas ng tawa ng kausap. "Teka, alam mo ba kung anong room number ni Estrella?"

"Hahaha! Tatang, malapit lang sa inyo ang kuwarto ni Aling Estrella!" Napailing ito.

"Ah, ganun ba. Ganun ba." sagot nito, saka naglakad palayo, malalim ang iniisip.

Napatawa ulit si Fidel. Madalas nakakapagod ang trabaho niya dito sa Home For The Aged, pero may mga pagkakataong ganito, na napapangiti siya at nagpapasalamat na dito naipuhunan ang apat na taon niyang pag-aaral ng narsing.

Si Mang Baste ang isa sa mga pinakapaborito niyang residente dito. Mabait si Mang Baste, bagaman naapektuhan na ang memorya dala ng sakit na Alzheimer's disease.

Araw araw nitong pinagkakaabalahan ang pangungulit kay Aling Estrella. Sinusundan kung saan-saan. Dumidiga. Nanliligaw. Nagtataka kung bakit hindi pa rin siya sinasagot.

Pero matagal na siyang sinagot ng matanda. Apatnapung taon na ang nakalipas. Retirado na nga sila pareho. May limang anak nang napag-aral at naipakasal. Hindi lang niya maalala na ito ang asawa niya, pero desidido siyang gawin itong nobya.

Hindi ako kumukupas, tumatanda lang ako! , ang laging sinasabi sa kanya ni Mang Baste.

Nangiti si Fidel. Ulyanin na kung sa ulyanin, pero tama ito. Hindi nga siguro kumukupas ang pag-ibig kapag totoo.

_END

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 09, 2013 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Tastes Like Love (One Shots)Where stories live. Discover now