0 - Prologo

76 2 0
                                    

°~°~°~°~°~°

'Ang ganda ng kalangitan...' masayang wika ng aking isipan na kasalungat ng mukha kong may bakas ng pagkamuhi.

Sa gitna ng aking paghahanap sa madilim na pasilyo ng palasyo ay napatigil ako para pagmasdan ang ganda ng gabi sa labas ng isang bintana. Tahimik lang na kumikinang ang dalawang buwan kasama ng mga bituin sa langit. Sayang nga lang kasi walang makakapansin sa ganda nito dahil ang atensyon ng lahat ay nasa iisang bagay at iyon ang manalo sila at matalo ang kalaban. Ang mga sigaw, pag-iyak, mga tumatakbong yabag, ang tunog nang pagkasa ng mga baril, ang pagkalantong ng mga espada, at ang mga pagsabog... lahat sila sabay-sabay na umaalingawngaw at binabasag ang katahimikan ng gabi.

Hindi ko maipaliwanag ang pinaghuhugutan ng pagkamuhi ko... Siya ba? O sa akin? Dahil hinayaan ko siyang makatakas. Kaya ko ba talagang patayin ang pinakamamahal ko? Pero tapos na akong magduda. Hindi matatapos ang kaguluhang ito kung hindi siya mapapatay. Nakita nang sarili kong mga mata ang kaya niyang gawin at ito na lang ang tangi kong magagawa para maprotektahan ang kaharian.

"Mabuhay ka, Celestine!" muling bumalik ang alaala ng simula, ang tinig na aking narinig noong ako'y nasa bingid ng kamatayan. Siya ang naging pagkakataon ko para lumaban. Nang dahil sa kanya ang layo nang narating ko at ang dami kong napatunayan. Nagkaroon ng halaga at silbi ang buhay ko nang dahil sa pagkakataong iyon, kaso may kapalit, ang buhay ng aking pinakamamahal.

'Paano nga ba kami naabot sa ganito...?'

Muli akong nagpatuloy sa pagsunod sa mga tulo ng dugo niya sa sahig at hindi ko inaasahan na dadalhin ako nito sa silid niya. Hindi ako makapaniwala na dito niya napiling magtago, pero kilala ko siya, matalino siya at may dahilan ang mga kilos niya. Nauto at nabigo na ako noong una pero hindi ko na ulit hahayaan mangyari iyon. Mashinigpitan ko ang pagkapit sa baril kong dala at buong tapang na pumasok sa silid.

Madilim sa loob at nakakapagpabagabag, pero kahit papaano ay nakakakita ako ng kaunti dahil sa liwanag ng dalawang buwan na dumadaan mula sa mga nakataling kurtina. Masusi ko siyang hinanap sa bawat sulok ng silid at doon sa may espasyo sa pagitan ng gilid ng kama at ng maliit na komoda ko siya natagpuang nakaupo at nakasiksik na parang isang bata.

Nilapitan ko siya at muli kong itinutok ang baril na dala ko. Nangako ako sa sarili ko na hindi ko na ulit siya muling papalayain. Sobra na siyang nanghihina dahil sa patuloy na pagdurugo ng mga sugat niya sa braso at tagiliran na naibigay ko kanina. Ibinubuhos niya ang natitirang lakas para pigilan ang pagdurugo pero hindi ito sapat.

"C...Celestine," nakangiti niyang tinawag ang pangalan ko, damang-dama ang init sa tono na parang kagaya lang ng dati.

Ipinatama ko yung bala ng baril sa katabi niyang komoda para takutin at patigilin siya.

"Pa...tawarin mo ako..., Celestine," napatigil ako kasi unti-unting pumatak ang mga luha niya.

"P...pagod na ako..., hindi na ako tatakbo," sinubukan niyang tumayo sa kinauupuan niya kaso nabigo siya.

"Diyan ka lang! 'Wag kang gumalaw! 'Wag ka na ring magsalita!" galit na galit kong sinabi sa kanya, naiinis ako na ginagamit na naman niya ang kahinaan ng puso ko, "Ayoko ng marinig ang mga dahilan mo..."

"Magtiwala ka sa akin... Ha...hayaan mo lang a...kong muling yakapin ka," muli niya pakiusap habang pinagpipilitang muling tumayo.

Nang dahil sa sinabi niya ay hindi napigilan ng mga luha kong pumatak.

"Tiwala..." napangisi ako, "Ginagawa mo na naman ba akong tanga? Matagal mo nang sinira 'yon!"

"Kahit ipagpatuloy mo lang na nakatutok sa akin ang baril basta mapagbigyan mo lang ako," kahit nahihirapan ay nagpumilit siyang tumayo at dahan-dahan siyang lumapit sa akin.

Hindi ko alam pero hinayaan ko siyang lumapit at pumayag ako sa kondinsyon niya. Sa huling pagkakataon ay naramdaman ko ulit ang init ng yakap niya kahit namamagitan ang malamig na bakal ng baril.

"Patawad, Celestine. Patawad. Patawad," paulit-ulit niyang bulong ng paumanhin sa akin.

"Patawad rin, *****," bulong ko pabalik sa kanya at agad itong sinundan ng alingawngaw ng putok ng baril.

Pareho kaming napaluhod sa sahig. Hindi ko mapigilang matawa sa sarili ko, 'Ang tanga ko talaga!'

Sa maliit na pagkakataon iyon ay nagawa niya ring saksakin ang aking puso sa may likuran gamit ang isang punyal. Sinubukan ko siyang itulak palayo kaso mashinigpitan niya pa ang pagkakayapos kasabay ng pagkakasaksak niya sa akin.

"Patawad, Celestine," huli niyang bulong.

Dahil sa inis at galit ko ay muli ko siyang binaril ng paulit-ulit hanggang sa maubos ang mga bala, kaso huli na nang bumitaw siya sa akin, unti-unti na rin akong nanghina. Hinayaan ko na lang rin na bumagsak ang katawan ko at kumalat ang dugo ko sa magarabong karpet ng silid. Muli ko na namang nasilayan ang ganda ng tahimik na kalangitan sa may bintana.

'Mukhang katapusan ko na rin...'



'Pero ang mahalaga ay nagawa ko ang kailangan kong gawin... Matatahimik at matatama na rin ang kaharian pero...'



'Simula pa lang ito ng laban namin...'



"Celestine!" narinig ko ang boses niya na tumawag at papalapit sa akin. Ngumiti ako at binaling ko ang ulo ko sa direksyon niya. Gusto kong tumawa ng malakas at biruin siya kasi ngayon ko lang siya nakitang mag-alala ng sobra. Nagpapasalamat ako dahil bago ko tuluyang isara ang mga mata ko ay nakita ko siya.


'Ayoko pang bumitaw...'

°~°~°~°~°~°






Hi Reader! (o^▽^o)

Unang-una sa lahat, sobra akong nagpapasalamat kasi bingyan mo ng pagkakataon kilalanin ang storyang ito. It really means a lot to me ^^

Sa February 24, 2021 pa po yung official release ng story, mas maaga ko lang pinublish yung Prologo para magsilbing teaser ng kwentong ito... Kaya abangan mo kami ng kwentong ito na magdala sa'yo ng saya hehehehehe (ノ≧∀≦)ノ ‥...━━━★

-rené

Follow me on Twitter for more updates! (@_Delonix_regia_)~

Ang mga Baga ay namatay kasabay ng Kalmadong TubigWhere stories live. Discover now