Trese

148 20 17
                                    

T R E S E

PNY Battle Level up round three entry.

---

ISANG parusa ang nagpabago ng pananaw ko sa mundo. Hindi ko akalain na dahil sa isang pagkakamaling nagawa ko'y mangyayari ito.

Ako ang naging dahilan upang magkaroon ng matinding trapik sa Pilipinas. Mali, hindi lamang trapik kung 'di maging ang halos lahat ng problemang kinahaharap nito.
Ako ang Diyosa ng Paghihirap at nang dahil sa matinding inggit na naramdaman ko'y nakagawa ako ng isang kasalanan.

"Dahil sa iyong kasakiman ay nasadlak ngayon ang Pilipinas sa problemang hanggang ngayo'y hindi pa rin nasosolusyonan! Kung hindi mo sana hinayaang maglaho ang Diyosa ng Ginhawa'y hindi mangyayari ito! Kasalanan mo itong lahat, Trese!"

Hinding-hindi ko makakalimutan ang linyang nagpamukha sa 'kin kung gaano kalaki ang kasalanang nagawa ko sa bansa. Ako ang sumira sa balanse ng mundo ng hirap at ginhawa. Matindi ang inggit na nararamdaman ko sa Diyosa ng Ginhawa sapagkat siya lamang ang nakakakuha ng atensiyong hinahangad ko mula sa mga tao. Siya na lang palagi ang pinupuri at ako naman ang siyang isinusumpa. Iyon marahil ang dahilan kung bakit nagawa ko siyang traydorin at ipagkasundo sa prinsipe ng kadiliman.

"Bilang iyong parusa ay gagawin kitang isang behikulong maiipit sa masamang resultang nilikha mo! Makababalik ka lamang sa pagiging diyosa sa oras na may matutunan ka!"

Isang parusa ang ipinataw sa 'kin ng nakatataas na siyang nagbago ng buhay ko. Mula sa pagiging diyosa'y naging isang simpleng behikulo ako—naging isang traysikel. Napunta ako sa pagmamay-ari ni Ginoong Pinyo, isang drayber ng traysikel na namamasada sa isang kalsada sa Cavite.
Walang araw na hindi siya namamasada para lamang pag-aralin ang kanyang dalawang anak sa kolehiyo. Ramdam ko ang pagod niya sa trabaho at maging ang pagod ng iba't ibang pasaherong nakakasalamuha ko. Samakatuwid ay marami akong napagtanto sa pagiging isang behikulo.

Madalas ay doble ang pagod ko sa tuwing may mga malalaking tao ang umuupo sa 'kin. Minsan pa nga'y hindi ko maiwasang madumihan at magasgasan sa tuwing umuulan. Tanging ang gasolina lang ang nagbibigay sa 'kin ng enerhiya upang magpatuloy.

Sa pagtagal ng panahon ay parami na nang parami ang taong sumasakay sa 'kin. Doon ay marami na akong naging obserbasyon lalo na kapag naiipit kami sa gitna ng trapik tuwing araw ng palengke. Totoo ngang may kanya-kanyang katangian ang mga tao.

Hindi ko makakalimutan ang araw noong may isang dalaga ang sumakay sa 'kin. Malakas ang ulan no'n at nagkaroon pa ng matinding trapik dahil may aksidenteng nangyari malapit sa kinaroroonan namin.

May nagkasalpukang kotse at motor; dalawang lalaki ang sugatan at mukhang matatagalan pa ang pagdating ng ambulansya kaya ang karamihan sa mga tao'y hindi na mapakali. Hindi ko naman inaasahan na biglang bababa ang pasahero kong nakaupo sa back-ride at lalapit sa pinangyarihan ng aksidente.

Cath's AnthologyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon