***my real entry on Team Lumot's Write It Up second round. Edited version.
× Epistolary
× Genre: Speculative Fiction
× Sub-genres: Romance and Thriller***---
Pinuno,
Hunyo 10, 1705
Sa wakas ay makakapagpadala na rin ako ng sulat sa'yo! May nagtapon kasi sa basurahan nitong ipinasadyang papel natin mula sa 'ting mundo. Mabuti na lamang at akin itong nahanap agad.
Pinuno, tatlo na sa apat na makasalanan ang naisumpa ko. Ang isa'y namamaga na ang paa at ang dalawa naman ay ginagamot na ng albularyong si Mang Jose.
Ang batang umihi na lang sa bahay ni Kiko ang 'di ko pa nahahanap.
Nasasabik na akong bumalik sa 'ting mundo.
Nais na kitang makita . . .
Nagmamahal,
Anghela
***
Pinuno,
Hunyo 24, 1705
May sumunog sa bahay na aking tinitirhan!
Nalaman na nilang isa akong mangkukulam! Sadyang kasumpa-sumpa ang Mang Jose na 'yan at maging ang kanyang sinasamba!
Ngayon ay nagtatago ako sa likod ng puno ng balete sa tapat ng mahiwagang lagusan patungo sa ating mundo.Payagan mo na akong bumalik, Pinuno.
Naubos na ang aking kapangyarihan no'ng tumakas ako. Bumalik na rin ang totoo kong anyo─ang kulu-kulubot kong mukha at sira-sirang ngipin. Mukhang kailangan ko nang kumain ulit ng masarap na laman ng isang dalaga at uminom ng kanyang sariwang dugo. Iniisip ko pa lamang kung papaano ko tatadtarin ang kanyang katawan mula ulo hanggang paa'y nasasabik na ako!
Nagmamahal,
Anghela
***
Pinuno,
Hulyo 3, 1705
Isang dalaga ang nakita ko sa kagubatan at ginamot niya ang aking mga sugat! Tamang-tama, ito ang may masasarap na laman! 'Yung may mabuting kalooban!
Ngunit. . . biglang may lumitaw na pulang liwanag sa aming mga leeg noong ginagamot niya ako. Kasabay no'n ay nakaramdam ako na parang may sumusunog sa 'king leeg at katulad ko'y mukhang nasasaktan din siya.
Natatakot akong may matuklasan.
Nagmamahal,
Anghela
***
Anghela,
Hulyo 3, 1705
Nagsinungaling ako.
Hindi ko hinangad na bigyan ka ng misyon sa iyong mundo upang paalisin ka. Oo, sa iyong mundo, dahil noon pa ma'y hindi na ako nabibilang sa inyo. Isa akong taga-lupang inibig ng inyong Reyna at pinilit na maging ka-uri.
Batid kong naaalala mo rin ang ating mga nakalipas na buhay at sa kung papaano ito nagtapos, ngunit natatakot ka. Natatakot kang alalahanin na katulad noon ay nakatadhana pa rin tayong tapusin ang buhay ng isa't isa nang dahil sa ating kasunduan sa kanya—sa isang halimaw na hanggang ngayo'y pilit ko pa ring hinahanap.
Patawad.
Isang utos mula sa inyong Reyna ang hindi ko maaaring suwayin dahil sa sumpang iginawad niya sa 'kin na kapag aking sinuway ay tiyak na lalamunin ng apoy ang baryong aking sinilangan.
Patawad dahil hinayaan kong matuklasan ng Reyna ang ating lihim na relasyon. Patawad sapagkat nagawa kong magpalit anyo bilang isang Mang Jose at bilang isang dalaga. Patawad kung minanipula ko ang lahat simula sa pag-alis mo sa iyong mundo, pagkawala ng papel, pagkasunog ng iyong tahanan, at hanggang sa pagtatagpo natin dito.
Patawad, aking anghel.
Hahayaan kitang namnamin ang bawat parte ng aking katawan at patak ng aking dugo subalit hayaan mo rin akong maging lason na unti-unting tatapos sa'yo.
Nagmamahal,
Pinuno
BINABASA MO ANG
Cath's Anthology
Short StoryAn anthology of short stories and contest entries written since 2015. Works inside are unedited or under revision. // Photo credits to hanna_jennefer and Ana V of Pinterest //