Mr. Martin H. Ortega

402 8 6
                                    



Natatandaan ko pa ang araw na una tayong nagkita. Abala ako sa pagsagot sa mga e-mails na natanggap ko noong araw na iyon nang bigla kang kumatok sa pintuan ng opisina ko. Nagulat ako kasi hindi naman pangkaraniwan na may taong kumakatok sa bukas na pinto. Sinabi ko sa iyo na ginulat mo ako. Humingi ka ng paumanhin pero tinitigan lang kitang mabuti. Nang mga panahong iyon, aaminin ko nagkagusto na ako agad sa iyo.

Aaminin kong naakit ako sa mga singkit mong mata, at sa matangos mong ilong. Mapupula ang iyong mga labi na lutang na lutang sa maputi mong mukha. Pakiwari ko ay may lahi kang Hapon, Koreano o Tsino. Pero ano ba ang magagawa ko kundi ang hangaan ka lang. Estudyante ka, guro ako. Sanay na ako. Kaya kahit na gusto kong ngitian ka, tinanong ko na lang kung ano ang kailangan mo.

Ang sabi mo ay gusto mong pumasok sa klase ko. Ang sabi ko naman ay puno na. Kahit na gusto kitang idagdag, hindi pwede. Bilang ang mga upuan sa loob ng silid-aralan. Hindi maaaring sumobra. Nagpasalamat ka na lang sa akin at umalis.

Lumipas ang dalawang araw at may isang estudyanteng hindi nagtuloy sa klase. Lumipat siya ng section dahil nagka-conflict sa kanyang schedule. Nagkaroon ng bakante sa klase ko kaya ikaw ang una kong naisip. Sa kasamaang-palad ay hindi ko naman alam kung paano kita masasabihan. Hindi ko rin alam ang iyong pangalan. Hindi ka rin naman kasi nagpakilala. Hindi ko rin naman kasi tinanong. Ngunit parang nananadya ang panahon dahil nakita kitang nakasalampak sa sahig sa may pasilyo. Nagtama ang ating mga mata at bigla kang tumayo sa iyong pagkakaupo. Tinanong mo ako kung may bakante na, at sinabi kong mayroon na. Tinanong mo kung pwede na kitang tanggapin, at tumango naman ako. Iniabot mo sa akin ang form na siya ko namang pinirmahan. Mula nang araw na iyon, opisyal na kitang estudyante. Natuwa ako at nalungkot. Natuwa dahil makikita kita sa tuwing may klase ako; nalungkot dahil lalong hindi ako pwedeng magkagusto sa iyo.

Sa unang araw ng klase ay pinapili ko kayo kung saan ninyo gustong umupo; pinili mo ang upuan sa tapat ng mesa kung saan ko ipinapatong ang laptop ko. Halos isa't kalahating dipa lang ang layo natin kaya naman napagmasdan kitang mabuti. May katangkaran ka pala, siguro ay mga limang talampakan at sampung pulgada. Maputi ang iyong balat at napakakinis. Nakasuot ka ng puting shirt noon at kulay abong pantalon. Simple ka lang manamit ngunit may dating. Nakakatawang isipin na noong araw kung kailan ko pinirmahan ang form, hindi ko man lang naalalang tandaan ang pangalan mo. Hindi ko rin naman tinanong. Hindi mo rin naman sinabi. Isa-isa kong binigkas ang mga pangalan sa aking listahan. Isa-isa rin namang nagtaas ng kamay ang mga estudyanteng natawag. Hanggang sa dumating ako sa pangalang Odracir Jin S. Perez, saka ka nagtaas ng kamay.

Dumaan ang mga araw, mga pagsusulit at mga leksyon. Napapabilib mo ako sa tuwing tama ang sagot mo sa mga tanong ko. Natutuwa rin ako kapag mataas ang nakukuha mong marka sa mga pagsusulit. Hindi ka lang pala gwapo, matalino ka rin pala. Sige aaminin ko, sa bawat araw na dumaraan, kahit anong pilit kong pigilan ang sarili kong mahulog sa iyo ay hindi naman ako nagtatagumpay. Kahit anong iwas ng tingin ang gawin ko ay nagagawa ko pa ring sulyapan ka nang palihim. Sa bawat dumaraan na araw ay nahuhulog at nahuhulog ako sa iyo kahit na alam kong hindi pwede.

Ngunit tila yatang nananadya ang tadhana, kahit ano ang gawin kong iwas ay pilit tayong pinaglalapit. Natatandaan ko nang minsang nakatambay ako sa parke upang magbasa ng librong kabibili ko lang sa National Bookstore. Nagsimula ang araw na maaliwalas ngunit bandang tanghali ay biglang kumulimlim ang langit at umihip nang malakas ang hangin. Sinubukan kong magmadaling umuwi dahil wala akong dalang payong ngunit biglang bumuhos ang ulan. Wala akong nagawa kundi ang sumilong na lang muna sa isang lumang gusali at doon magpatila. Maya't maya pa ay nakita kitang tumatakbo patungo sa aking direksyon. Biglang tumibok nang mabilis ang aking puso at inisip ko talagang tumakbo palayo at magpakabasa na lang sa ulan, ngunit ipinako ako ng aking mga paa sa aking kinatatayuan. Nagulat ka nang nakita mo ako at napangiti ka na lang. Ilang minuto rin siguro tayong nakatayo na hindi nag-iimikan.

Ayaw ko sanang kausapin ka pero parang hindi naman yata tama kung hindi kita kikibuin. Kumusta? Ito ang tandang-tanda kong sinabi ko. Hindi ba ikaw si Odracir? Pinagsisihan kong binigkas ko ang pangalan mo. Natural iisipin mo kung bakit sa dami ng estudyante sa klase ay matatandaan ko ang pangalan mo. Hindi ko masabi sa iyo na ito ay dahil may gusto ako sa iyo. Nag-isip ako ng palusot. Natandaan kita kasi kakaiba 'yung pangalan mo. Binaliktad na Ricardo. Ricardo ba pangalan ng tatay mo? Nanlumo ako. Wala talagang kwenta ang mga salitang lumalabas sa bibig ko kapag kinakabahan ako. Ngumiti ka at tumango. Kahit na ilang beses sa isang linggo kitang nakikita sa klase ay iba pa rin pala ang pakiramdam kapag ganito tayo kalapit. Palihim kong kinurot ang sarili ko upang maibalik ko ang sarili ko sa mundo ng mga tao. Mahilig po pala kayo sa mga ganyang libro. Iyan ang sabi mo. Tumingin lang ako sa librong hawak ko at ngumiti. Ang ibig bang sabihin nito ay pareho tayo ng mga hilig?

Matagal ding bumuhos ang ulan kaya naman marami rin tayong napag-usapan. Nalaman ko na mahilig ka pala sa video games, na ang paborito mong laro ay Final Fantasy. Sinabi mo rin na ang paborito mong kulay ay bughaw, at marunong kang tumugtog ng gitara. Nabanggit mo rin na may dalawa ka pang kapatid, at ikaw ang panggitna, at noon ko nalaman na limang taon pala ang tanda ko sa iyo. Nang tumila ang ulan, tinanong mo ako kung saan na ako pupunta. Ang sabi ko ay uuwi na ako. Tinanong mo ako kung gusto kong kumain bago ako umuwi. Ang sinabi ko ay hindi.

Mabigat ang dibdib ko nang makauwi ako nang araw na iyon. Sana ay sumama na lang ako sa iyo para kumain. Ano ba naman ang masama sa pagkain? Ngunit alam ko kasi sa sarili ko na mali ang gagawin ko. Mali na sumama ako sa iyo dahil baka lalo akong mahulog sa iyo. Kung hindi ka lang sana estudyante, sana ay sumama ako. Matapos kong kumain ay sinubukan kong aliwin ang sarili ko sa panonood ng mga documentary sa National Geographic Channel, ngunit hindi ka pa rin maalis sa isip ko. Hindi ako mapakali. Binuksan ko ang aking laptop at pinuntahan ang facebook. Hinanap ko ang profile mo at nagpadala ako ng mensahe. Sana lang ay mabasa mo.

Natapos ang semestre na pasado ang markang nakuha mo. Natuwa ako at nalungkot. Natuwa dahil hindi ka bumagsak, nalungkot dahil hindi na kita muling makikita tuwing Martes at Huwebes. Simula nang gabing ipinadala ko ang mensahe ko sa facebook account mo ay para akong nabunutan ng tinik, tinik na nakabaon sa puso ko simula nang kumatok ka sa bukas na pinto ng aking opisina. Lumipas ang isa pang semestre at nabalitaan kong magtatapos ka na sa darating na Marso. Tulad ng ipinangako ko sa iyo sa facebook message ko, dadalo ako sa araw ng iyong pagtatapos.

Kwento Sana Nating DalawaWhere stories live. Discover now