HMK-2.2

9.1K 296 10
                                    

HMK-2.2

Napatayo ako agad at naghanap ng basahan para punasan ang mga patak ng aking dugo sa sahig.

"Angelika! Nariyan ka ba! Sumagot ka! Wawasakin ko ang pinto mo!" Lumapit ako agad at pinagbuksan ng pinto si Kaye.

"Makasigaw ka naman." Pumasok naman ito agad sa aking silid.

"Nag-aalala ako sa iyo Angelika. Naamoy ko kanina ang dugo mo. Ano ba ang nangyari?"

"Nadulas lang ako at nasugatan ng konti. Huwag ka na mag-alala," nakangiti ko pang sagot sa kanya.

"Kumusta naman 'yon!" Si Zsakae ang kanyang tinutukoy.

"Maayos naman siyang amo," sagot ko at agad na umiwas sa kanyang mga mata.

"Sa oras na bumigay ka'y nandito lamang ako." Mapait akong napangiti.

"Oo naman." Pinagsanib naman nito ang kanyang mga kamay.

"Wala tayong pasok kaya ipapasyal kita." Agad akong umiling.

"Baka kailanganin niya ako. Tiyak na malalagot ako kapag hindi ko nagampanan ang tungkulin ko sa kanya. Bumuntong-hininga naman ito.

"Sabihin mo lang kung nahihirapan ka na." Matabang akong napangiti.

"Maayos ako. Huwag kang mag-alala." Nailing lamang ito at napahalukipkip.

"Gel..." Natigilan ako sa mahinang bulong ng hangin sa akin.

"Angelika, bakit?" ani Kaye.

"Ha? Wala! Maari bang iwanan mo muna ako? Gusto ko muna mapag-isa." Kumunot naman ang kanyang noo.

"Sige," sang-ayon nito sa huli. Bakas ko sa kanyang mukha ang matinding pag-aalangan ngunit mas pinili nitong manahimik at lumabas na lamang sa aking silid.

"Bakit ko ba siya naririnig?" bulong ko sa kawalan.

"Angelika..." muling tawag nito sa akin dahilan para matigilan akong muli. Nakuyom ko ang aking mga kamao at lumabas sa aking silid. Lumakad ako palapit sa kabilang silid. Nanginginig pa ang aking mga kamay nang abutin ko ang seradora. Hindi ko inaasahan ang ginawa niyang pagtabig sa akin kanina. May kalakasan din iyon at hindi na ako nagtaka kung bakit agad akong nakabawi. Kakaiba ako at alam ko iyon. Itutulak ko na sana ang pinto ngunit bigla naman itong bumukas. Agad nanigas ang aking leeg nang bumungad sa harapan ko si Zsakae.

"S-senyorito Zsakae, bakit po?" Napalunok ako. Matalim niya akong tinitigan at hinagod ng kanyang mga mata ang aking kabuoan.

"Nasugatan ka?" Agad akong umiling. Muli niya akong tinitigan.

"Maghintay ka rito," aniya.

Bago pa man ako makasagot ay agad na niyang naisarado ang pinto. Marahas akong napabuga ng hangin. Bakit ba ako kinakabahan ng matindi. Dapat nga ay magalak ako dahil ang dati na pinapangarap ko lang ay kasa-kasama ko na ngayon. Dapat ba talagang magdiwang ako? Laglag ang aking balikat. Bigla namang bumukas ang pinto dahilan para mapatayo ako ng tuwid. Tinitigan niya lang ako at umuna nang lumakad. Napakurap ako at agad na sumunod sa kanya. Nakatungo ako at tahimik lamang na nakasunod sa kanya. Kapag ganito ay parang nakararamdam ako ng kaginhawaan. Ibang-iba na talaga siya sa dating Zsakae na aking kilala. Pero kahit ganito siya ay laking pagtataka ko kung bakit hindi man lang nabawasan ng kahit isang porsyento man lang ang pagkagusto ko sa kanya. Sadya ngang nakamamartir ang pagmamahal. Napabuga ako ng hangin. Nang bigla na lamang akong nauntog sa matigas na bagay.

"Aw," daing ko at napatingala. Namilog ang aking mga mata dahil dalawang pulgada na lang ang layo ng mga mukha namin sa isa't isa.

"Hindi ka nakikinig."

"Ah ha? May sinasabi ka ba? Ah? Ano po 'yon, senyorito?" Naningkit ang kanyang mga mata at talaga nga namang tumitig pa ako sa mga mata nitong kulay abo.

"Zsakae," aniya. Napalunok ako at bahagyang umatras.

"Zsakae," mahinang sambit ko.

Muli ay tinalikuran ako at lumakad na. Nasapo ko ang aking noo. Kung bakit ba naman kasi napakalalim ng iniisip ko. Sinundan ko na lamang ito hanggang sa mahinto kami sa silid-aklatan ng siyudad. Ito lang ang pinakamalapit sa unibersidad namin. Ano kaya ang gagawin niya rito? Kung tutuusin ay may malaking silid-aklatan naman kami sa unibersidad. Mas kumpleto pa nga ro'n. Mabilis pa itong humakbang kaya agad din naman akong nagmadali. Dire-diretso ito sa pagpasok at muling umakyat sa ika-dalawang palapag.

"Lapit," aniya.

Agad din naman akong gumalaw. Kumuha siya ng mga libro at ipinatong sa mga palad ko. Eh? Nang paikot na kami sa kabilang lagayan ng mga libro ay gano'n na lamang ang aking gulat nang kabigin niya ako at isinalampak sa pader. Awtomatiko kong nayakap ang mga librong hawak ko habang namimilog ang aking mga matang nakatitig sa kanya.

"Bakit hindi ikaw," mariing sambit niya.

"Ha?" Nasuntok niya bigla ang pader dahilan para bumaon ang kanyang kamao rito. At nang hugutin niya ito'y agad na nahulog ang mga nadurog na semento. Mariin akong napalunok. Hindi na ako nagulat kung bakit ganoon ito kalakas. Isa itong Zoldic at kilalang halang sa dugo ng tao ang angkan nila sa Isla Bakunawa. Pero alam kong hindi masama ang angkan nila. Sa katunayan pa nga niyan ay minamahal sila ng taong bayan sa Isla Bakunawa. Napalunok ako nang magsimulang magkulay pula ang kanyang mga mata.

"Zsakae, nasa Herodes tayo," mahinang sambit ko. Naigting ang kanyang panga at napaatras. Nakahinga ako ng maluwag. Kung sakali mang hindi ko siya napigilan kanina ay posibleng mapahamak ako. Sa klase ng pagtitig niya sa akin ay parang may matindi siyang hinanakit. Kitang-kita ko kung gaano kagalit ang mga mata niya. Mabuti na lang talaga at nasa Isla Herodes kami, limitado ang kanyang maaring gawin at lubos ko iyong ipinagpapasalamat. Mahigpit kong niyakap ang mga libro at hinanap si Zsakae ngunit bigla na lamang itong nawala. Bumuntong-hininga ako at pumanaog sa hagdan. Muli ko siyang hinanap pero wala siya. Hindi kaya'y iniwan ako nito? Nakagat ko ang aking labi at tinungo ang opisina ng taga pamahala sa silid-aklatan. Bahagya kong kinatok ang pinto upang pukawin ito.

HE'S MY KNIGHT [Zoldic Legacy Book 4]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon