Kabanata 29

51 4 0
                                    

Kinabukasan ay puro trabaho sa opisina ang inasikaso ko. May mga press con din naman akong pupuntahan pero mamaya pang hapon iyon.

"Kelly, gusto mong sumabay sa amin mag-lunch?" tanong ng isang kapwa reporter.

"Sige, susunod na lang ako, sa dati lang kayo 'di ba?" Tumango naman siya at nagpaalam nang lalabas.

Hindi ko man lang namalayan na lunch break na pala. Kailangan ko pa kasing tapusin i-type ang pinapagawa sa akin.

Mga ilang minuto pa at tumigil muna ako at lumabas na rin ng building. Naabutan ko ang mga kasamahan na naka-order na.

"Kelly, order ka na. Hindi pa naman kami nagsisimula." Tumango lang ako at pumunta na sa counter.

Pagdating ng hapon ay diretso kami ng crew ko para sa press con ng bagong pelikula. Maraming naglalakihang artista ang nandoon.

"We are very excited," sagot ng isang aktres sa tanong.

"So, balita namin marami kayong kasama rito?"

"Oh yes! Marami talaga, kasama namin ang grand winners ng teen reality show, may mga beterano, even the actress/models at actually, dapat kasama rin si Mr. Hubert Bernardo, kaso umalis na siya 'di ba? Pero may pumalit na sa role niya." Nakinig akong mabuti sa aktres nang mabanggit niya si Hubert.

May mga sumunod pang nagtanong at salitan lang naman na nagsagutan ang mga artista.

"Ipapalabas ang movie na ito sa June, pero wala pang exact date."

Natapos ang press con ng late kaya inabot na kami ng dilim at ulan. Buti na lang at nandito ang service ng JDC na maghahatid sa amin pabalik sa station.

"Linggo na bukas, gumala tayo. May iba naman nang naka-assign na cameraman para bukas," rinig kong bidahan ng mga kasama ko.

"Matutulog lang ako bukas, magbabawi ako."

"Wag ka tulog ng tulog baka matuluyan ka." Tawanan nila ang biglang umalingawngaw sa van.

Nanatili akong nakatingin sa labas at pinapanood ang buhos ng ulan. Ako ba? Ano'ng gagawin ko bukas? Tinapos ko naman na ang trabaho, saka wala naman na akong kailangan pang gawin.

Sa pag-iisip ko ay hindi ko namalayan na nakarating na kami sa station. Nagbabaan lahat agad at todo iwas na mabasa ng ulan. Magpapasundo ako kay Kelvin ngayon.

Dumiretso ako sa parking space ng building at agad ng nag-message sa kapatid ko. Ang hirap sumakay ng taxi niyan dahil siguradong maraming nangangailangan. Ilang segundo lang ay nag-vibrate ang phone ko at nakitang tumatawag si Kelvin.

"Bakit?" tanong ko agad.

"Ate, ginamit nila Mama at Papa ang kotse ko. Umalis sila, magde-date raw."

Kaasar! Ngayon pa nag-date sila Mama, bakit hindi na lang kahapon?

"Paano na 'yan?"

"Aba! Ewan ko sa'yo Ate." Wala talagang kwenta ang kapatid ko na 'to.

Pinutol ko na ang tawag at nagsimulang lumakad palabas sa silong ng parking lot, kinuha ko ang payong at sumugod sa ulan.
May kotseng biglang bumungad sa harap ko at agad bumukas ang pinto nito.

"Kelly, hatid na kita." Hindi ko alam kung ano'ng isasagot ko sa anyayang iyon ni Mark.

"Ihahatid lang kita, wala tayong pag-uusapan." Huminga ako ng malalim bago sumagot.

"Sige," sabi ko sabay tango.

Pagpasok namin pareho ng kotse ay nagsimula na siyang magmaneho. Tahimik sa loob at hindi ko alam kung dapat kausapin ko ba siya, 'yung hindi tungkol sa mga nangyari.

"Mark, kamusta ka na ngayon?" lakas loob kong tanong.

Medyo nagulat pa siya nang tanungin ko.

"Ayos naman. Tinutulungan ko na ngayon si Mama sa restaurant namin," sagot niya.

"Mabuti para sa 'yo," sabi ko lang.

Katahimikan ulit at hindi talaga ako makatagal sa ganitong kalagayan.

"Sorry nga pala." Hindi ko na napigilang sabihin.

"Para saan?" tanong niya na medyo ipinagtaka ko.

"Sa lahat, lalo na sa nangyari sa 'yo ngayon."

"Ako dapat ang nagsasabi niyan Kelly. Ako ang may kasalanan at sa akin lahat bumalik dahil iyon ang tama," sagot lang niya at wala na akong nasabi.

Nang huminto na sa tapat ng bahay namin ang kotse ay saka niya ako hinarap.

"Sana maging magkaibigan pa rin tayo." Ngumiti ako sa kanya.

"Oo naman Mark, pasensiya na talaga," sagot ko lang.

"Ayos lang 'yon at wala kang kasalanan." Ngumiti na rin siya bago ako magpaalam.

Ito siguro ang kailangang matutunan ko. Kung paano magpatawad. Dapat tanggapin kung ano'ng nangyari na at pahalagahan kung ano'ng nandiyan. Pahalagahan kung ano'ng darating pa.

Vanity AffairWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu